Natutuwa Siyang Hindi Nahuhuli ng Asawa Niya ang Kataksilan Niya; Nagkakamali Pala Siya
Walang habas na nagtataksil ang ginoong si Ronald sa kaniyang asawa. Malakas na ang loob niyang gawin ito dahil ni minsan ay hindi pa siya nito nahuhuli.
Kung may pagkakataon mang may makita itong gamit ng isang babae sa kotse niya o pabango ng isang babaeng dumikit na sa damit niya, agad niya itong napapaniwala sa kaniyang mga palusot.
Kagaya na lang nang makakita ito ng kulot at kulay berdeng buhok sa uniporme niya sa trabaho. Kumakabog man ang dibdib niya dahil alam niyang kayang-kaya nitong ilayo sa kaniya ang kanilang mga anak at siya’y iwang mag-isa, nang ipakita nito sa kaniya ang naturang hibla ng buhok, ginawa niya ang lahat upang makontrol ang emosyon sa mukha at kabang nararamdaman.
“O, saan mo na naman nakuha ‘yan?” kalmado niyang tanong dito.
“Sa uniporme mo sa trabaho. Pupwede ko bang malaman kung kaninong buhok ‘to?” mataray nitong tanong.
“Ay, naku, malamang doon ‘yan sa katrabaho kong bagong kulay ang buhok. Nanlalagas kasi ang buhok no’n dahil sa dami ng mga kemikal na nilalagay niya sa buhok niya. Pati nga mga katrabaho ko, nakikitaan ko ng buhok no’n sa damit nila. Minsan pa nga pati sa inumang baso nila may kulay berdeng buhok!” patawa-tawa niyang kwento dahilan para siya’y paniwalaan nito.
“Siguraduhin mo lang, Ronald. Alam mo kung ano’ng kaya kong gawin,” babala nito sa kaniya kaya agad niya itong niyakap.
“Magloloko pa ba ako kung mayroon na akong maganda at masipag na asawa?” paglalambing niya rito na ikinatawa naman nito.
Matapos ang makalalag pusong eksenang iyon, agad niyang kinontak patago ang babaeng nakasama niya kagabi at ito’y sinermunan.
“Isang beses pang may maiwan kang ebidensyang may iba akong kinakasamang babae, pagpapalit na talaga kita!” galit niyang bulong dito.
“Makakahanap ka kaya ng dalagang kasing galing ko sa kama?” sagot nito na agad niyang ikinalunok ng laway. “Pilya ka talaga! Yari ka sa akin mamaya!” panakot niya rito.
“Mamaya pa? Ngayon na kaya? Alam kong hindi mo naman ako matitiis, eh!” pang-aakit pa nito kaya siya’y agad na tumakas sa asawa at nagtungo sa bahay ng dalagang iyon.
Isang oras mahigit lang ang ginugol niya sa bahay ng dalaga at siya’y muling umuwi sa kanilang bahay. Sakto namang tulog na ang kaniyang asawa’t mga anak dahilan para ganoon na lang siya magdiwang.
“Ang galing ko talagang magpalusot at pumili ng oras ng uwi!” sabi niya sa sarili saka ininom ang tubig na nasa kaniyang inuminan.
“O, nakauwi ka na pala. Saan ka naman nanggaling? Hindi ka man lang nagpaalam. Hinahanap ka ng mga anak mo,” sambit ng kaniyang asawa na labis niyang ikinagulat.
“Nand’yan lang ako kila Pareng Rojie. Napasarap ang kwentuhan namin, eh, pasensya ka na hindi na ako nakapagpaalam,” muli niyang pagpapalusot at siya’y halos mapatalon nang makitang tumango-tango lang ang asawa’t agad na ring bumalik sa kanilang silid.
Kaya lang, kinabukasan, nagising siya dahil sa sakit ng kaniyang tiyan. Hindi niya mawari kung bakit iba ang pagkakahilab nito na para bang siya’y nadudumi na ewan.
Dali-dali siyang nagtungo sa kanilang palikuran ngunit imbes na siya’y mapadumi roon, hindi niya napigilang masuka nang makita niyang mula sa inodoro ang tubig na nilalagay ng kaniyang asawa sa inuminan niya ng tubig.
“Ay, nahuli mo ako,” patawa-tawang sabi nito habang nasuka siya.
“Nababaliw ka na ba? Bakit ‘yang tubig na ‘yan ang nilalagay mo sa inuminan ko?” galit niyang tanong dito habang patuloy na dumuduwal.
“Ang mga manlolokong katulad mo, dapat lang talagang makatikim ng ganitong klaseng inumin. Ang tibay din pala ng sikmura mo, ano? Mantakin mo ‘yon, isang buwan ko nang ginagawa sa’yo ‘to, pero ngayon ka lang natablan? Siguro dahil ‘yong nilagay kong tubig kagabi sa inuman mo ay may kasamang…” hindi na niya pinatapos ang sinasabi nito at siya’y bigla nang sumigaw.
“Tama na!” pagmamakaawa niya rito saka muling sumuka.
Narinig niya pang nagtatawanan ang kaniyang mga anak habang pinapanuod siyang sumuka.
“Pangako ko sa sarili ko, hinding-hindi kita gagayahin, daddy! Si mommy ang gagayahin ko, ibang klase siya mag-isip at kumontrol ng emosyon!” sabi sa kaniya ng panganay niyang anak saka siya iniwan kasama ang kaniyang asawa’t ibang mga anak.
Pagkatapos niyang magbanyo, hihingi na sana siya ng tawad sa kaniyang asawa nang makita niyang wala na ito ni isang gamit sa kanilang bahay pati na ang kaniyang mga anak. Nakita niya ring wala na sa tapat ng kanilang bahay ang sasakyan nito na talagang ikinaguho ng mundo niya.
Nag-iwan lang ito ng isang sulat na nagsasabing, “Paalam sa manglolokong haligi ng aming tahanan sa impyerno na lang tayo magkita,” dahilan para siya’y mapaiyak na lang dahil sa pagsisisi.
Iyon na ang naging simula nang masalimuot niyang buhay. Sa sobrang lungkot niya, hindi niya na nagawang lumabas ng kanilang bahay o kahit makipagkita sa kabit niya. Gusto man niyang hanapin ang kaniyang mag-iina, hindi niya magawa dahil wala siyang ideya kung saan nagpunta ang mga ito.
“Kapag bumalik kayo, asahan niyong magiging mabuti na akong haligi ng tahanan,” iyak niya bunsod ng pagsisisi niya habang pinagmamasdan ang family picture nilang buong pamilya.