Tinarayan Niyang Maigi ang Nobya ng Anak; Ito Pala ang Susi sa Ginhawa ng Naghihirap Nilang Pamilya
Narinig palang ng ginang na si Ana ang mga katagang, “Mama, may ipapakilala po ako sa inyo,” mula sa panganay niyang anak, agad nang nagpintig ang kaniyang tainga. Lumaktaw na rin ang isip niya sa kung anong pupwedeng mangyari sa kanilang buong pamilya kung mag-aasawa na ang anak niyang ito na siyang nagtutustos sa lahat ng kanilang pangangailangan.
Wala siyang ibang nasagot noon sa anak kung hindi malakas na buntong-hininga saka napatingin sa kanilang buong bahay.
“Bakit po, mama? May mali po ba akong nasabi?” tanong nito habang kinakain ang hinanda niyang almusal.
“Hindi naman sa ganoon, anak. Kaso, tingnan mo ‘tong buhay natin. Wala tayong kuryente, tubig poso ang ginagawa nating inumin, nakatira tayo sa tabing dagat at butas ang bubong, at higit sa lahat, wala tayong sapat na pera pambili ng pagkain. Tapos magdadagdag ka pa ng palamunin sa bahay natin? Kakayanin ba ng katawan mo na tugunan ang pangangailangan ng ipapakilala mo sa akin?” tuloy-tuloy niyang sabi rito na ikinabigla ng kaniyang anak.
“Mama, nobya ko pa lang naman po siya. Wala pa po kaming balak na magsama. Gusto ko lang po siyang ipakilala sa inyo para…” sa sobrang inis niya dahil nangangatwiran pa ito, agad na niya itong pinutol sa pagsasalita.
“Doon na rin ‘yon papunta, Benjamin! Tingin mo ba hindi magbabago ang pagtingin sa’yo ng dalagang iyon kapag nakita niya ang totoong sitwasyon mo sa buhay? Ang mga dalaga ngayon, mayamang binata na ang hanap!” sabi niya pa rito habang pinapakita ang hirap na mayroon sila.
“Kung hindi niya po ako matanggap, ayos lang po. Ang gusto ko lang magkakilala kayo. Kapag umayaw siya dahil ganito ang buhay natin, hahayaan ko po siya. Wala po kayong dapat ikapag-alala,” tugon pa nito saka tuluyan nang umalis upang pumasok sa trabaho.
Habang hinihintay niya ang muling pagbabalik ng anak, may naisip siyang paraan kung paano maitataboy ang dalagang ipapakilala nito sa kaniya at ilang oras pa ang lumipas, ginawa niya nga ito pagdating ng kaniyang anak kasama ang tinutukoy nitong nobya.
Magmamano palang sana ito sa kaniya nang bigla na niya itong diretsuhin, “Hindi mo ba nakikita ang sitwasyon namin dito sa bahay? Iyang si Benjamin lang ang inaasahan ko para makakain kami sa araw-araw. Tubig poso ang inumin namin at wala kaming kuryente. May tatlo pa siyang maliliit na kapatid na kailangan ding suportahan.”
“Ah, eh, opo. Alam ko po iyon lahat,” nakangiti nitong sabi habang hawak-hawak pa ang kamay ng anak niyang tahimik lamang.
“O, bakit pumayag ka pa rin na ipakilala sa akin ng anak ko? Ayos lang sa’yo ang ganitong klase ng buhay? Hindi ba makapal ang mukha mo kung alam mo nang hirap kami tapos dadagdag ka pa?” pagtataray niya pa rito.
“Gusto ko po kasing baguhin ang buhay niyo at pangako ko po, hinding-hindi po ako magiging pabigat sa anak niyo,” tugon pa nito na ikinatawa niya.
“May pagkamahangin ka pala, hija. Babaguhin mo ang buhay namin? Bakit, Diyos ka ba?” pangbabara niya pa rito.
“Hindi po, pero malakas ang kapit ko sa Kaniya,” sagot nito sabay kindat sa kaniya, “Ito po, may dala po akong lechong manok at kanin, kain po tayo?” alok nito, tatanggi pa lang sana siya nang biglang mag-unahan sa dalang pagkain nito ang kaniyang tatlo pang mga anak dahilan para wala siyang magawa kung hindi makisalo sa agawan ng pagkaing nagaganap.
Ngunit kahit pa ganoon, hindi niya pa rin pinakitunguhan nang ayos ang dalaga. Tuwing dadalaw ito sa kanilang bahay, siya’y agad na sisimangot at magbubunganga na para bang walang bisita. Pero kahit anong sama ng ugaling ipakita niya, siya’y labis na nagtataka dahil bumabalik pa rin sa kanilang bahay ang dalaga.
Hanggang sa isang araw, nagtaka siya nang abutan siya nito ng isang maliit na kahon.
“Kahit anong laman nito, ayoko sa’yo,” sabi niya pa rito.
“Tingnan niyo lang po ang laman niyan. Hindi ko naman po sinabing kailangan niyo na akong magustuhan agad!” patawa-tawa nitong sagot kaya padabog niyang binuksan ang naturang kahon.
“Surprise! May bahay na tayo, mama!” sigaw ng kaniyang panganay na anak na nang tumambad sa kaniya ang isang susi ng bahay.
“To-totoo ba ito?” mangiyakngiyak niyang paninigurado.
“Opo, mama, hulugan man po ang bahay na iyan, ang mahalaga, maayos na tayong mamumuhay,” mangiyakngiyak na sabi pa nito saka siya niyakap.
“Diyos ko, anak, saan ka kumuha ng pera?” pag-aalala niya.
“Sa dalagang pilit niyong tinataboy, mama. Siya ang naglakad ng mga papeles para makuha ko ang hulugang bahay na ‘yan. Siya rin ang nagbayad ng down payment niyan, mama. Tutulungan niya rin po akong mabayaran nang buo ang bahay na ‘yan sa hinaharap. Magnenegosyo kami, mama, sabi ko po sa inyo…” hindi na niya nagawang hintayin pang matapos ang paliwanag ng anak dahil sa sobrang pangongonsenyang nararamdaman niya.
Agad na niyang niyakap ang dalagang mangiyakngiyak lang na nakatingin sa kanilang mag-ina.
“Salamat, hija, salamat! Hulog ka ng langit sa pamilya namin! Pasensya ka na, hindi kita pinakikitunguhan nang ayos!” tuwang-tuwa niyang sabi rito.
“Sabi ko naman po sa inyo, babaguhin ko po ang buhay niyo,” tugon nito dahilan para lalo niya itong yakapin nang mas mahigpit.
Noon din, agad na silang naglipat ng mga gamit. Nagpatayo rin sa bago nilang bahay ng sari-sari store ang dalaga saka pumasok sa mundo ng investment kasama ang kaniyang anak.
Dito na tuluyang nagbago ang kanilang buhay hanggang sa tuluyan nang mabayaran ng dalawa ang kanilang bahay. Siya na dati’y ayaw sa nobya ng kaniyang anak ay siya na ngayong kadikit nito at palaging kasama sa lahat ng gawaing bahay na labis na ikinatuwa ng kaniyang anak.