Inday TrendingInday Trending
Masyadong Matapobre ang Nanay na Ito at Tinutulan ang Relasyon ng Anak sa Isang Kapitbahay na Guro; Nagulat Siya Dahil Makalipas ang Ilang Taon, Nakabingwit ng Matabang Isda ang Anak

Masyadong Matapobre ang Nanay na Ito at Tinutulan ang Relasyon ng Anak sa Isang Kapitbahay na Guro; Nagulat Siya Dahil Makalipas ang Ilang Taon, Nakabingwit ng Matabang Isda ang Anak

Sa tuwina ay ipinagmamalaki at ibinibida ni Aling Chona na ang anak na mechanical engineer na si Raymond ay dapat lang makapag-asawa ng isang mayaman dahil may mataas itong katungkulan sa kumpanyang pinapasukan at topnotcher pa sa board exam. Pati mga kinakaibigan nito ay sinusuri at pinakikialaman niya. Gusto niya ay makihalubilo lamang ang anak sa mga mayayaman at may sinasabi sa buhay.

Naglatang ang kaniyang damdamin at pagkabigla niya nang malaman niyang si Giselle na kapitbahay niya ang naging nobya ng anak. Ayaw niya sa babaeng ito. Gagawa siya nang paraan upang mapaglayo ang dalawa.

Kinausap ni Aling Chona ang anak.

“Layuan mo ang babaeng iyan. Diyos ko naman, hindi kayo bagay! Kahit kailan, hindi bagay pagsamahin ang tanso sa ginto!” wika ni Aling Chona.

“Ano po bang masamang mahalin ko si Giselle? Mabait siya at responsable. Mahal na mahal ko po siya, at ganoon din siya sa akin. Is apa, marangal naman po ang trabaho niya bilang isang guro. Ano po ba ang kinaaayawan ninyo sa kaniya?”

“Hindi kayo magkalebel, anak! Nais ko’y mayaman ang mapangasawa mo. Ano bang mahihita mo kay Giselle? Hindi ganoon kataas ang suweldo ng isang guro, baka mabaon ka pa sa utang. Tapos, lagi pa silang nagtatrabaho. Baka mapabayaan ka lang niyan. Nabalitaan ko na masyado ngang masipag ang babaeng ‘yan. Gusto ko sana, negosyante ang babaeng pakakasalan mo at magiging manugang ko,” giit pa ni Aling Chona.

“Hindi sila mahirap, Mama. May lupa’t bahay sila, may tindahan pa nga sila.”

“Pero hindi rin sila mayaman! May tindahan nga, dalawa naman silang magkakapatid na maghahati kung saka-sakali. At saka, hindi naman ‘yan gorcoery o supermarket no! Sari-sari store lang. Pipitsugin. Baka ang mangyari eh, sa iyo pa umasa ang pamilya niyan, sinasabi ko sa iyo,” babala ni Aling Chona.

Nanahimik na lamang si Raymond upang hindi na humaba pa ang diskusyunan nilang mag-ina. Kahit na matabil ang dila ng ina, hindi naman siya pinalaki nitong bastos at palasagot sa magulang.

Matapos ang kanilang naging pag-uusap ng kaniyang mama, naging bihira na ang pagkikita nila ni Giselle. Tinanggap ni Raymond ang isang malaking proyekto sa Taiwan habang si Giselle naman ay naging abala rin para sa pag-aasikaso ng mga papeles sa kaniyang promosyon bilang Master Teacher.

Hanggang sa ipinasya na lamang ng magkasintahan na tuluyan nang maghiwalay. Kay laking tuwa ni Aling Chona!

Isang araw, nakatanggap ng isang chat si Aling Chona mula sa anak.

“Mama, napikot po ako ng solong anak ng boss ko. Nagpakasal po kami at ngayon nagdadalantao na ang aming baby. Napakayaman po ng boss ko, na ama ni Vera. Niregaluhan kaagad kami ng mga magulang niya ng sariling bahay at lupa. Oo nga pala, narito kami sa kanila sa Davao. Magpapadala ako ng pera sa inyo at ipa-encash na lamang. Bumili kayo ni Papa ng plane ticket at magtungo kayo rito sa Davao. Icha-chat ko na lang ho ang mga detalye,” utos ni Raymond.

Kaya naman, agad na tumalima ang mag-asawa. Bumili ng plane ticket ang dalawa at lumipad na ngang patungo sa Davao.

“Anak, papunta na kami ng Papa mo sa inyo,” balita ni Aling Chona sa anak.

“Ha? Naku, bakit ngayon agad? Wala pa ako sa Pilipinas, Ma. Baka sa makalawa pa ang balik ko, o depende. Pero sige, tutal nariyan na kayo, tumuloy na kayo ni Papa. Nasa bahay naman si Vera. Siya na ang bahala sa inyo.”

Sa paliparan, nagulat sila dahil napakagara ng kotseng sumalubong sa kanila.

“Mahusay talagang mamili ng mapapangasawa ang Raymond natin, Papa! Marunong makinig! Naka-jackpot!” masayang-masayang bulong ni Aling Chona sa mister na si Mang Sembrocio.

“Eh magkakaalaman tayo mamaya. Tingnan natin ang ugali. Sana hindi matapobreng gaya mo,” biro ni Mang Sembrocio.

Maya-maya, nakarating na rin ang mag-asawa sa mala-mansyong bahay nina Raymond at Vera. Sinalubong sila ni Vera. Napakaganda nito sopistikada, at mukhang may dugong dayuhan. Mapapatulala ang sinumang makakakita rito. Mas maganda pa nga sa mga lokal na artista, ngunit hindi man lamang ngumiti sa kanila. Sa halip na magmano o bumeso, pinasadahan sila nang sulyap mula ulo hanggang paa.

“Wala pa si Monching eh. Pasok kayo sa loob. Magtanggal muna kayo ng mga sapatos ha, bawal marumi ang paa sa loob ng bahay ko. Saka, wala kayong ibang gagalawin, diyan lang kayo sa sofa,” pormal na pahayag nito. “Baka makabasag pa kayo. Mamahalin ang mga muwebles namin, galing pa sa iba’t ibang bansa.

Nagkatinginan sina Aling Chona at Mang Sembrocio. Hindi sila makapaniwala na pagsasalitaan sila nang ganoon ni Vera. Hindi man lamang ito nagpasintabi; na mga magulang sila ng asawa nito.

Sa loob ng tatlong araw na naroon sila, para silang mga de-robot sa kanilang kilos. Lagi rin silang pinaaalalahanan ng mga ito na ingatan ang paghawak sa mga gamit dahil mamahalin ito.

Kaya ipinasya na lamang ng mag-asawa na huwag nang hintayin ang anak. Agad-agad silang nagpasyang umuwi pabalik sa kanila. Sinabi na lamang nila kay Raymond na kung gusto silang makita, ito ang pumunta sa kanila.

“Matapobre ka na, pero mas may matapobre pa pala sa iyo. Grabe, hindi ko siya kinakaya. Walang galang sa mga magulang ng asawa niya,” nasabi na lamang ni Mang Sembrocio. “Ubod nga ng yaman, wala namang asal! Hindi ko siya gusto bilang manugang. Mukhang nagkamali ng desisyon ang anak mo.”

Ang totoo niyan, sising-sisi rin si Aling Chona. Mukhang nakahanap siya ng katapat niya, o baka nga mas malala pa.

Ngayon, alam na niya ang damdamin ng isang taong minamata. Nagdesisyon siyang bagu-baguhin ang kaniyang pag-uugali dahil hindi pala ito maganda.

Advertisement