Nag-aalala ang Bata Dahil Wala Siyang Pambili ng Regalo sa Kaniyang Gurong Tagapayo Para sa Nalalapit Nitong Kaarawan; May Naisip na Paraan ang Kaniyang Ina
Napansin ng kaniyang ina na malungkot ang anak na si Arjay.
“Masama ba ang pakiramdam mo, anak? Anong problema?”
“Kasi po ang mga kamag-aral ko ay may pabertday para sa aming gurong tagapayo na si Gng. Gascon. Ako lang po ang wala,” wika ni Arjay.
Alam ng butihing ina na ang bagay na ito ay mahalaga sa anak dahil mahal nito ang kanyang guro. Sa palagay naman niya, mauunawaan ng guro na sila’y dukha, at sa totoo lang, alam naman niyang hindi naghihintay ang guro ng regalo kahit kanino.
“Halika anak, at may ikukuwento ako sa iyo. Kuwento ito ng isang manunulat. Sana, matapos kong magkuwento, malaman mo ang dapat mong gawin.
Dalawa na lamang araw at ipipinid na ang pinto ng paaralan dahil sa Pasko. Sa paaralan ay may punong-kahoy na pamasko na puno ng palamuti at mga ilaw. Ito’y puno ng mga alaalang laan ng mga bata sa kanilang mga guro at kamag-aaral.
Ang lahat ay maligaya. Ang buong daigdig ay nakadarama ng kaligayahan. Malapit nang isilang ang Mananakop. Ang lahat ay may ngiti sa labi – may awit sa papawirin.
Ngunit may kaawa-awang nilalang na nalulungkot. Siya’y si Roberto. Bakit? Ang lahat niyang kamag-aral ay may alaala sa pinakamamahal na guro subalit siya’y wala. Paanong ‘di gayo’y si Roberto ay ulila sa ama at ang ina ay maralita. Ang ina’y walang kaya upang isunod sa kagustuhan ng kanyang bunsong anak.
“Inang,” sabi ni Roberto. “Ako lamang ang walang alaala kay Bb. Reyes. Ang lahat ng mga kaklase ko ay may pamasko sa aking guro. Ako ay bukod-tanging wala.”
“Roberto anak,” ang butihing ina ay sumagot, “Makinig ka. Alam ng iyong guro na tayo’y dukha. Siya’y ‘di naghihintay ng alaalang galing sa iyo. Huwag mong ikalungkot iyan. Sigurado ako na alam ni Bb. Reyes ang ating kalagayan kaya huwag ka sanang mag-alala.
Ngunit hindi kumibo si Roberto. Nag-uumapaw ang kaniyang kagustuhan na makapag-abot man lamang ng simpleng regalo sa kanilang gurong tagapayo. Maaga siyang nahiga ngunit hindi siya makatulog sa kaiisip. Naisip niya, sana ay malaki na siya. Sana ay matanda na siya at nagtatrabaho. Sana ay kumikita na siya ng sariling pera upang mabili ang mga bagay na gusto niya.
Hanggang sa may ideyang pumasok sa kaniyang isipan.
Agad siyang bumangon. Nagtungo siya sa kanilang mesa. Kumuha siya ng isang malinis na papel. Ginandahan niya ang sulat-kamay. Nangingiti siya habang nagsusulat. Nang matapos siya, binasa niyang muli. Nangiti siya. At nakatulog siya nang mahimbing.
Kinaumagahan, masigla siyang nagbihis at naghanda papasok sa kanilang paaralan.
Sa lansangan ay gayon na lamang ang kanyang tuwa! Mayroon na siyang pamasko! Ito kaya ay mabuting alaala? Iyan lamang ang kanyang nakaya at galing sa kanyang puso. Nang dumating siya sa silid-aralan ay kaydami nga ng batang nanonood sa Christmas tree. Buong-ingat na ibinitin ni Roberto ang kanyang regalo sa guro.
Iisa lamang ang usal niya: ang maibigan ni Bb. Reyes ang kaniyang munting handog.
Nang isa-isa nang nagbigayan ng mga regalo ang kaniyang mga kamag-aral, minabuti ni Roberto na magpahuli at ilagay ang sulat niya sa pinakailalim.
Nang silipin niya ang reaksyon ng kaniyang guro, nakita niya ang pagkunot ng noo nito nang makita ang isang liham sa ilalim.
Halos lamunin ng lupa si Roberto dahil sa labis na naramdamang kahihiyan. Hindi siya makatingin nang diretso sa kaniyang maestra.
Matapos ang kanilang Christmas party, lahat ng kaniyang mag-aaral ay nagpaalam na kay Bb. Reyes. Ngunit tinawag ni Bb. Reyes si Roberto at pinaiwan.
“Nakita mo ba kung gaano karami ang mga regalong tinanggap ko? Sa dami ng mga regalo, bukod at tangi ang iyo na pinakamahalaga sa lahat. Ang iyong regalo ay ‘di pangkaraniwan. Iya’y nagbigay sa akin ng labis na kasiyahan, Roberto,” wika ni Bb. Reyes.
Isang liham at tula ng pasasalamat ang nilikha ni Roberto para sa kaniyang guro.
Namangha si Roberto at nangilid ang kaniyang luha. Akala niya kasi ay hindi nagustuhan ng guro ang kaniyang ibinigay dahil sa nakita niyang pagkunot ng noo nito.
“Salamat po Ma’am at Maligayang Pasko!” masiglang pagbati ni Roberto bago siya tuluyang umalis. Tuwang-tuwa siya!
Dahil sa labis na kaligayahan ni Bb. Reyes, binasa niyang muli ang liham at tula sa kaniya ni Roberto.
“Ang ganda Nanay ng kuwento ninyo. Ngayon po ay alam ko na rin kung ano ang dapat kong iregalo sa kaarawan ni Gng. Gascon. Pasko man po ang pagdiriwang doon sa kuwento at kaarawan naman sa akin, pareho naman itong mahalagang okasyon para sa lahat,” wika ni Arjay.
Tuwang-tuwa rin ang ina sa malawak na pang-unawa ng anak.
Kinabukasan nga, kagaya ng ginawa ng bata sa kuwento, gayon ang ginawa ni Arjay.
“Maraming salamat, Arjay! Pinasaya mo ako sa munting tula mo para sa akin,” nakangiting sabi ni Gng. Gascon.
At gaya ng reaksyon ng guro sa kuwento, gayon din ang reaksyon ng kaniyang guro.