Sino ang Pipiliin ng Babaeng Ito: Ang Live-in Partner na Niloko Siya, o ang Dating Nobyong Mahal pa rin Niya, Nakikipagbalikan Kahit May Asawa Na?
Hindi makatulog si Jossa nang gabing iyon.
Dalawa kasi ang kailangang pagpilian ni Jossa na nais bumalik sa kaniyang buhay.
Ang kaniyang hiniwalayang live-in partner na si David na nilustay ang kaniyang pera at sumama sa ibang babae, at ang kaniyang dating nobyong si Brenan na itinuturing niyang unang pag-ibig, na ngayon ay nakikipagbalikan sa kaniya, kahit may misis na.
Si Brenan ang una niyang pag-ibig dahil nasa elementarya pa lamang sila ay magkakilala na sila. Miyembro kasi ito ng badminton team sa kanilang paaralan, at sa tuwing nag-eensayo sila sa gymnasium, hindi nakakaligtaan ni Jossa na dumaan doon upang masilip at maispatan lamang ang kaniyang hinahangaan.
Lalo silang nagkalapit nang maging magkaklase sila sa hayskul. At doon na nagsimula ang lahat. Naging malapit sila sa isa’t isa hanggang sa nagkapalagayan ng loob at maging magkasintahan.
Subalit pareho silang nagpokus sa kani-kanilang mga karera nang sila ay makatapos na sa kolehiyo. Nawalan sila ng panahon sa isa’t isa, hanggang sa ipinasya nga nilang dalawa na maghiwalay na lamang.
Doon naman pumasok sa buhay niya si David. Hindi ganoon katalino kagaya ni Brenan, walang pakialam sa kaniyang career, pero makarinyo. Matiyaga.
Nabaling naman ang kaniyang atensyon kay David. Okay na rin, kaysa naman sa walang nakakatabi sa kama. Kaysa naman walang kayakap sa mga gabing malamig, sa mga panahong pagod na pagod siya sa pagtatrabaho.
Kaya naman, pumayag siya na tumira sa kaniyang condo si David. Pumayag din siya sa set up nila na siya ang magtatrabaho, si David naman ang bahala sa mga gawaing-bahay at pag-aasikaso sa kaniya, sa tuwing uuwi siya mula sa trabaho.
Sa simula ay naging maayos naman ang lahat sa kanilang dalawa.
Ngunit walang lihim na hindi nabubunyag.
Iba talaga ang kutob ng isang babae. Natunugan niyang may ibang babaeng dinadala si David sa mismong condo unit niya, batay na rin sa security guard.
“Ma’am, marami pong dinadalang iba-ibang babae yung kasama ninyo sa condo unit ninyo, narito po ang listahan sa log book ko. Tatanungin ko lang po sana kung kakilala ninyo sila.”
At isang araw nga, hinuli niya sa akto si David. Kunwari lamang na pumasok siya sa trabaho ngunit ang totoo ay nagtatago lamang siya sa fire exit na malapit sa kaniyang condo unit.
Huling-huli niya si David at ang babae sa kal*swaang ginagawa ng mga ito, na nang mga sandaling iyon ay nasa kusina pa.
“Mga hayop kayo, hindi na ninyo binigyang-respeto ang kusina ko, ang condo ko, ang buhay ko!” galit na galit na sumbat ni Jossa sa dalawa.
Agad-agad niyang pinalayas si David. Hindi nakalampas sa kaniyang condo unit ang babae na hindi nakatikim ng sampal at sabunot sa kaniya.
Nalintikan na, tinamaan din si Jossa kay David. S’yempre, nasanay na rin siya sa mga paglalambing nito. Nasanay siya sa pag-aasikaso. Ngunit hindi niya maaatim ang panloloko nito sa kaniya, sa mismong pamamahay pa niya.
Kahit na anong pagtatangkang makipagbalikan ni David, wala nang pakialam pa si Jossa. Naisip niya, masyado naman siyang tanga at martir kung bibigyan pa niya ito ng pangalawang pagkakataon. Para kasi sa kaniya, may mga piling tao at sitwasyon lamang ang binibigyan ng pangalawang pagkakataon.
Kagaya ni Brenan.
Ang lalaking una niyang minahal.
Na muling nagparamdam sa kaniya at nakikipagbalikan.
Ngunit hindi na puwede dahil may asawa na pala ito. Kasal at may mga anak na.
“Nagsisisi ako na pinakasalan ko siya, Jossa. Hindi ko siya mahal. Sabihin mo lang sa akin na pumapayag kang sumama ulit sa akin, hihiwalayan ko siya. Handa akong mamulubi para lang sa annulment ng kasal namin,” nagsusumamong sabi sa kaniya ni Brenan nang magkita sila sa coffee shop.
“B-Brenan, alam mo naman sa simula’t sapul, ayoko sa mga komplikasyon. Iba na ang sitwasyon ngayon. May asawa at mga anak ka na…”
“Mangibang-bansa tayo, Jossa. Alam ko na mahal mo pa ako. Pag-isipan mong mabuti.”
Oo. Mukhang mahal pa nga niya talaga si Brenan. Iba ang kilig na naramdaman niya nang muling makita ito.
Kailangan na niyang magdesisyon. Sino ba ang pababalikin niya sa buhay niya? Ang live-in partner na si David na niloko siya ngunit nagmamakaawang bumalik sa buhay niya’t magbabago na, o si Brenan na unang minahal niya, hindi siya sinaktan, ngunit may sariling pamilya?
Makalipas ang dalawang araw, namili na siya. Alam niyang hindi siya magsisisi.
Nakipagkita siya kay Brenan.
“Pumapayag ka nang sumama sa akin?” tanong ni Brenan.
“Brenan, aaminin ko sa iyo – mahal kita. Pero hindi sapat iyon para magkasala tayong pareho. May mga asawa at mga anak ka na. Kung hindi mo mahal ang asawa mo, para man lamang sa mga anak mo. Saka ka bumalik sa akin kapag annulled na kayo, pero sa ngayon, hindi muna,” wika ni Jossa.
Umiiyak na tumango-tango si Brenan. Tinanggap nito ang desisyon niya.
Sumunod naman niyang kinita si David.
“Pumapayag ka nang magkabalikan tayo?” tanong ni David.
“David, aaminin ko sa iyo minahal kita. Ikaw yung sumalo sa akin sa mga panahong kailangan ko ng karamay sa buhay. Ipinaramdam mo sa aking espesyal akong babae sa mga pag-aasikaso mo sa akin sa bahay. Pero, hindi pa ako handang patawarin ka. Ayoko namang araw-araw na maghinala sa iyo na sa tuwing papasok ako sa trabaho, iniisip ko kung sino na naman bang babae ang dinala mo sa condo unit ko. Maaaring sa mga susunod na panahon, kapag naghilom na ang mga sugat, baka puwede pa. Baka hindi ako yung para sa iyo. Sa ngayon, hindi muna,” saad ni Jossa.
Wala siyang pinili kina David at Brenan.
Sarili niya ang pinipili niya. Sarili niya muna ang dapat niyang bigyan ng atensyon. Sarili muna ang dapat paghilumin. Sarili ang dapat munang pahalagahan. Sarili ang dapat munang mahalin.
At naging masaya sa kaniyang sarili si Jossa sa matapang na desisyong ginawa niya.