Inday TrendingInday Trending
Matatapos na ang Gusaling Ginagawa Nila Kaya Magbabawas na Raw ng mga Tauhan; Makasama Kaya sa Listahan ang Lalaki na May Pangako sa Kaniyang Pamilya sa Pasko?

Matatapos na ang Gusaling Ginagawa Nila Kaya Magbabawas na Raw ng mga Tauhan; Makasama Kaya sa Listahan ang Lalaki na May Pangako sa Kaniyang Pamilya sa Pasko?

Sa simula ay wala pang anyo, hugis at porma, makalipas ang ilang buwan ay nagkakaanyo na sa patuloy na pagbalot ng mga laman at pintura dahil sa kasipagan ng mga nagpalang karpintero, ang bagong gusaling Grand Cypress Building. Isa itong commercial complex sa gitna ng mataong lungsod.

Kapag ganito, nangangamba na naman ang mga karpintero, kagaya ni Eddie. Ibig sabihin, malapit na ring matapos ang kanilang trabaho, at kung papalaring makatisod ng bago, suwerte. Kapag wala, nganga.

“Wala pa ba yung bossing nating ubod nang yabang?” tanong ng isa sa mga karpintero na si Gardo. Pinapayagan silang matulog sa complex na kanilang ginagawa. Naglalatag lamang sila ng plywood sa sahig at talo-talo na.

“Hindi malulunod ‘yon. Sa laki ng tiyan niya, lulutang sa tubig ang hayop na ‘yun. Parang may salbabidang nakadikit sa tiyan,” biro naman ni Sepio. Nang mga sandaling iyon ay malakas ang buhos ng ulan. Naglalawa sa harapan ng gusali at humahalo ang pinagsama-samang putik at uho ng semento.

Nagkatawanan naman ang mga karpinterong naroon. Sa mga ganoong pagkakataon lamang sila nakakabawi-bawi sa maaskad na bossing nila, na siya ring nagpapasahod sa kanila.

Maya-maya, pumasok ang isang magarang sasakyan. Tigil ang usapan. Bumilis at sumigla ang kanilang kilos. Dumating na ang bossing na kanilang pinag-uusapan. Si Mr. Licauco, ang kapatas. Siya ang nagbibigay ng gawain sa mga karpintero, tumatanggap ng karpintero, at nagbibigay ng pasahod sa kanila.

“Oh, bilis-bilisan ninyo ang mga kilos ninyo. Porke’t kararating ko lang eh kay kukupad ninyo!” tungayaw ni Mr. Licauco sa kanila. “Maya-maya, magtatanggal na ako ng mga trabahante kaya ayus-ayusin ninyo!”

Nagkatinginan naman ang mga manggagawa sa isa’t isa. Magpapasko pa naman. Kinabahan si Gardo. Hindi puwedeng mawalan siya ng trabaho, lalo’t balak niyang bilhan ng bagong sapatos ang kaniyang kapatid na si Aida, at bagong daster ang kaniyang ina. Naipangako na rin niya na kahit na anong mangyari, maghahanda sila para sa noche buena.

“Naloko na. Magbabawas na siya ng mga tao, pero ang totoo niyan, sa listahan ay naroon pa rin kaya kumpleto pa rin ang pasahod na ibibigay sa kaniya. Napakawalanghiya talaga!” bulong ni Sepio sa mga kasama.

“Maraming benepisyo sa kaniya ang gagawin niya. Mababawasan ng mga tao na mabibigyan ng bonus. O kaya, tama ang sinabi ni Sepio. Tatanggalin ang tao pero sa listahan, hindi tatanggalin. Kanino mapupunta ang sahod at bonus na dapat sana sa mga tao na tinanggal? Eh ‘di sa kaniya! Madali lang naman gumawa ng sinungaling na papel eh,” wika naman ni Ambo.

“Sa ganyan kumikita ang mga hinayupak na kapatas na ‘yan. Kumikilos lang ‘yan kapag nariyan ang mga kataas-taasan. Mga sakim talaga sa pera, kaya lumalaki ang tiyan eh. Sila nga ang walang ginagawa, pakuya-kuyakoy lang sa opisina nilang malamig,” wika naman ni Sepio.

Hindi naman nakaimik si Gardo. Matindi ang dasal niya na sana ay huwag muna siyang tanggalin. Sana, nakita man lamang ni Mr. Licauco ang sipag niya sa simula pa lamang.

Tanghali. Nag-umpukan ang mga karpintero upang pagsalu-saluhan ang kanilang mga dalang pagkain. Himalang tumila na rin ang ulan ngunit ang papawirin ay nananatiling makulimlim.

Matapos magsalo-salo sa kung anumang pagkaing baon na mayroon sila, kaniya-kaniya na ulit silang higa sa mga plywood. Ang iba ay umidlip. May ilang humiga lamang at nanigarilyo. May ilang naglaro ng baraha. May ilang tumawag sa kani-kanilang pamilya, kinumusta ang misis, mga anak, o ang iba ay kalaguyo.

“Kinakabahan ako, p’re. Sana naman hindi ako tanggalin ni Mr. Licauco. Magpapasko pa naman,” sabi ni Gardo kay Sepio.

“Naku, ‘yan nga rin ang dasal ko. Manganganak pa naman ang misis ko. Pero p’re, sabihan na kita, naghahanap-hanap na rin ako ng bagong raket, baka-sakali. Tatanungin ko yung kaibigan ko kapag kailangan pa ng mga tao, sasabihan kita,” wika ni Sepio habang ibinubuga ang usok ng sigarilyo mula sa kaniyang bibig.

Maya-maya ay bumalik na sila sa kani-kanilang trabaho. Minabuti na lamang ni Gardo na magpokus sa kaniyang ginagawa.

Bandang hapon, sa kanilang suweldo, isa-isa nang pinapila ang mga karpintero. Sa pag-abot ng sobreng brown na kinalalagyan ng kakarampot nilang suweldo, may ilang mga nakangiti na sinabihang mananatili habang may ilan namang sinabihang magpahinga na.

Kay lakas ng kabog ng dibdib ni Gardo! Naalala niya, hindi nga pala siya tumatawa kapag nagbibitiw ng bastos na biro si Mr. Licauco. O kaya naman, hindi niya sinisindihan ang sigarilyo nitong nakapasak sa bibig. Hindi naman siya naninigarilyo, at wala siyang dalang lighter o posporo.

Sinadya ni Gardo na magpahuli sa pila. Nakahinga nang maluwag si Sepio dahil kasama pa siya sa mga kakailangan upang matapos ang gusali.

Makatapos makalagda ni Gardo, narinig na niya ang pahayag na ayaw niya sanang marinig.

“Oh ikaw, magpahinga ka na. Huling suweldo mo na ‘yan. Dinagdagan ko nang kaunti ‘yan ah, may utang na loob ka sa akin,” wika ni Mr. Licauco.

Ang isang kamay niya ay naglibang sa kaniyang batok.

“K-Kasi ho… ma… makikiusap lang ho sana ako sir…”

“Anong pakiusap? Payari na ang complex, hindi ko na kailangan ng maraming tao. Sige na, alis na.”

Tila binangag na aso si Gardo.

“Sir, nakikiusap ho ako sa inyo, parang awa na ninyo…”

“Sinabi ko na ang sinabi ko, umalis ka nga rito sa harapan ko at baka hindi kita matantya!” bulyaw sa kaniya ni Mr. Licauco.

Tila wala sa sariling naglakad palabas ng opisina ni Mr. Licauco si Gardo. Parang lumulutang ang kaniyang pakiramdam.

Makulimlim ang langit. Nagsimulang bumagsak na naman ang ulan.

“Medyo minalas ka, p’re. Sabagay, talagang ganoon. Habang nayayari ang gusali, pakonti nang pakonti ang tao. Siguro mga isang buwan pa, talsik na rin kaming lahat. Ang pag-asa na lang kung may tatanggapin ulit na kontrata si Mr. Licauco, o kaya yung sinasabi ko sa iyo,” wika ni Sepio.

Tila naglagos lamang sa kaliwang tenga ni Gardo ang mga sinabi ni Sepio.

Lulugo-lugong paalis na sana si Gardo ngunit natigilan siya nang makita ang magarang sasakyan ni Mr. Licauco. Makulimlim ang langit. Malakas ang ulan. Natanggal siya sa trabaho…

Naispatan niyang may kausap sa cellphone si Mr. Licauco. Ang saya-saya. Humahalakhak. Sa isang kamay, hawak ang isang baso na may lamang alak.

Inilabas ni Gardo ang plais sa kaniyang bag…

Kinabukasan, isang tawag ang natanggap ni Gardo. Mula kay Sepio. Kinakabahan si Gardo.

“S-Sepio… napatawag ka?”

“Uy p’re, may trabaho ka na ulit. Kasi nga hindi naman ako tinanggal, eh kailangan na raw kumuha ng tao ng kaibigan ko. Ikaw ang nireto ko,” balita ni Sepio.

Nakahinga nang maluwag si Gardo. Napatanaw siya sa bintana ng kanilang bahay. Wala pa ring hinto ang ulan simula kahapon hanggang ngayon. Walang bagyo ngunit may habagat. Ganoon naman talaga kapag buwan ng Disyembre.

“Saka p’re, alam mo ba, huwag ka mabibigla ha? Tepok na si Mr. Licauco! Naaksidente raw. Sabi, medyo nakainom siya noong nagmaneho. Hindi yata nakapagpreno kaagad nang may makasalubong na traktora. Basag na basag ang kotse niya at pati na ang bungo niya. Kawawa naman. Nakarma kaagad…”

Nanatiling nakatitig si Gardo sa labas ng kanilang bahay. Natulala siya sa makulimlim na langit at malakas na ulan…

Naalala niya ang ginawa niya sa sasakyan ni Mr. Licauco.

Kasingdilim ng langit ang kaniyang utak. Ang nais niya ay makapaghiganti. Muli niyang binalikan ang naganap kahapon…

Lulugo-lugong paalis na sana si Gardo ngunit natigilan siya nang makita ang magarang sasakyan ni Mr. Licauco. Makulimlim ang langit. Malakas ang ulan. Natanggal siya sa trabaho…

Naispatan niyang may kausap sa cellphone si Mr. Licauco. Ang saya-saya. Humahalakhak. Sa isang kamay, hawak ang isang baso na may lamang alak.

Inilabas ni Gardo ang plais sa kaniyang bag…

Balak niyang putulin sana ang preno sa kotse nito. Tamang-tama naman na hindi nai-lock ni Mr. Licauco ang pinto ng kotse kaya nakapasok siya sa loob.

Kaunting-kaunti na lamang at mapuputol na niya sana ang kable ngunit bumadha sa kaniyang balintataw ang mukha ng kaniyang ina at kapatid. Paano kung makulong siya? Paano na sila?

Hindi niya itinuloy ang kaniyang balak.

Kinakabahan siya nang umuwi dahil sinusundot siya ng kunsensya. Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil hindi Siya nito napahintulutang gumawa ng masama sa kapwa.

Tanging dalangin na lamang ang mai-aalay niya para sa kaluluwa ni Mr. Licauco.

Advertisement