Nakaranas ng Pang-aalipusta ang Mag-inang Kasambahay sa Malupit na Mag-Inang Amo; Sa Takdang Panahon, Napatunayan Nilang Bilog ang Mundo
“Hoy Nilda! Halika nga rito, halika rito! Lumapit ka, bilis…”
Nang marinig ng kasambahay na si Nilda ang dumadagundong na tinig ni Senyora Matilde ay agad niyang binitiwan ang mabulang espongha na ginagamit niya sa paghuhugas ng pinggan. Napatingin naman ang anak niyang dalagita na si Sandra sa kaniyang kaawa-awang ina. Gaya ng kaniyang ina, si Sandra ay kasambahay rin sa mansyon na iyon.
“I-Inay… si Senyora Matilde…” nakabadha ang takot sa mga mata ni Sandra. Naaawa siya sa kaniyang ina sa tuwing nakikita niyang sinisigawan ito ng kanilang among babae.
“Huwag kang mag-alala anak, para ka namang bago nang bago,” bulong ni Nilda sabay lapit na sa kanilang amo.
Lihim na pinanood naman ni Sandra ang gagawin ng senyora sa kaniyang ina. Ipinapanalangin niya na ayos lamang pagsalitaan nito ang ina subalit huwag na huwag pagbubuhatan ng kamay.
Patawarin siya ng Diyos subalit hindi niya mapahihintulutang masaktan ang pinakamamahal niyang ina.
“S-Senyora, tawag po ninyo ako?” mahinahong tanong ni Nilda.
Ibinato ng senyora ang paborito niyang pulang dress sa mukha ni Nilda. Nagtimpi si Sandra.
“Ano ‘yan ha? Bakit nasunog ang dress ko? Ha? Alam mo ba na mas mahal pa iyan kaysa sa nilalamon mo? Ang tanda-tanda mo na, kinatandaan mo na nga ang pamamalantsa, nakakadisgrasya ka pa rin ng gamit?” galit na galit na untag ng senyora.
“N-Naku, pasensya na po senyora… hindi ko po sinasadya…”
Isang malakas na sampal ang pinakawalan ng senyora sa mukha ni Nilda. Pagkaraan ay dinuro-duro ito.
“Ang ayoko sa lahat, iyang sumasagot-sagot sa akin! At pikang-pika na ako sa mga sagot mong hindi sinasadya! Lalo mo lang ipinakikita sa akin na bobo ka!”
Hindi na kinaya ni Sandra na makita sa gayong kalagayan ang kaniyang ina.
“Senyora, mawalang-galang na po… pero wala po kayong karapatang saktan ang nanay ko. Oho, nagkamali siya, pero hindi ho naman yata sapat iyon para sampalin siya,” pagtatanggol ni Sandra sa kaniyang ina. Niyakap niya ito. Tinangka naman siya nitong sawayin.
“S-Sandra, S-Sandra…” saway ni Nilda.
Humalukipkip si Senyora Matilde.
“Aba, napakawalanghiya mo naman, muchacha! Anong karapatan mong sagot-sagutin ako? Manang-mana ka sa nanay mong walanghiya!” at mabilis na dinaklot ni Senyora Matilde ang buhok ni Sandra. Sinabunutan siya nito.
“Anong nangyayari dito, Mama?” tanong ng nabulahaw na malditang anak ni Senyora Matilde na si Alegre, na mainit ang dugo naman kay Sandra.
“Itong walanghiyang muchacha na ito, sinagot-sagot ako! Silang dalawa ng nanay niyang mga hampaslupa at iskwater ang ugali!” galit na sabi ng senyora.
Agad na lumapit si Alegre at walang awang sinampal-sampal si Sandra.
“Tumigil kayo! Ako ang saktan ninyo, huwag ang anak ko!” at itinulak ni Nilda ang mag-ina. Nawalan silang pareho ng panimbang. Ang isang tupa na kagaya ni Nilda ay agad na naging mabangis na leon na handang sumila sa sinumang magtatangkang manakit sa kaniyang anak.
Nasa ganoon silang tagpo nang madatnan sila ni Senyor Favio.
“Anong nangyayari dito?”
“Papa! Papa! Ang mga muchachang ito, sinaktan kami ni Mama! Palayasin na ninyo sila! Ang kakapal ng mga mukha!” galit na sabi ni Alegre at nagkunwaring hindi makagulapay dahil sa pagkakatumba.
“Mga wala kayong utang na loob! Pinapalamon namin at binibigyan ko kayo ng trabaho, ganito ang gagawin ninyo sa mga amo ninyo?! Magbalot-balot na kayo at lumayas sa pamamahay ko!” galit na pagtataboy ni Senyor Favio.
Walang nagawa ang mag-inang Nilda at Sandra kundi mag-impake.
“Humanda kayo sa akin… lintik lang ang walang ganti… ipinapangako ko… kapag naging matagumpay na ako, muli akong babalik at ipatitikim ko sa inyo ang paghihiganting walang pangalawa!” naghuhumiyaw ang isip ni Sandra subalit tikom ang kaniyang mga bibig.
Mabuti na lamang at may kaunti silang naipon. Nakahanap sila ng maliit na mauupahan.
“Sandra anak, maghahanap lamang ako ng trabaho sa bayan,” paalam ni Nilda sa kaniyang anak. Si Sandra naman, inayos ang kanilang munting tahanan. Kahit paano ay nakahinga nang maluwag si Sandra dahil mabuti na rin ang mga nangyari. Wala na sila sa poder ng mga among matapobre at mapanakit.
“Anak…” dumating na si Nilda. Ngunit may kasama itong matandang lalaki na kagaya ni Senyor Favio. Mukhang may sinasabi sa buhay.
“’Nay? Sino po siya?”
“Nagkrus ang mga landas namin sa bayan. Panahon na upang makilala mo ang tunay mong ama… si Rafael…” pagpapakilala ni Nilda sa kaniyang ama.
Makalipas ang tatlong taon…
Nagulat si Alegre nang ihagis ng kaniyang Mama ang cellphone nito, matapos kausapin ang kaniyang Papa.
“Mama, anong problema?”
“Ang hayop mong Papa, ibinenta na ang mansyon na ito! Talagang wala na siyang balak na balikan pa tayo,” umiiyak sa galit na sabi ni Senyora Matilde. “Hindi ako makapapayag na sa kaniya lamang mapunta ang pera! Mag-asawa pa rin kami, kahit na matagal na siyang umalis dito. Ang kapal ng mukha!”
“Eh kasalanan mo rin naman kasi Mama. Bakit ka naman kasi nagpahuli na may iba kang… kinakalantari? Hayan tuloy, nagalit si Papa. Ano na ngayon ang gagawin natin? Sino kaya ang nakabili ng mansyong ito?”
Maya-maya, nagulat ang mag-ina nang biglang bumukas ang malaking pinto ng mansyon. Pumasok ang isang sopistikadang babae na naka-shades pa. May kulay ang buhok nito at nakasisilaw ang kaputian.
“E-Excuse me? Sino kang mahadera ka na bigla-bigla na lamang pumapasok dito sa property namin? This is trespassing!” nanlalaki ang mga matang tungayaw ni Senyora Matilde.
Nagtanggal ng kaniyang shades ang babae. Labis na nagulat sina Senyora Matilde at Alegre.
“Excuse me rin, pero kung ako sa inyo, magbalot-balot na kayo dahil ako na at ang pamilya ko ang may-ari ng mansyong ito!” taas-noong sabi ni Sandra. Naupo ito sa isang silya.
Maya-maya, pumasok na si Nilda na maganda na rin ang postura at ang mayamang ama ni Sandra na si Don Rafael.
“A-Anong ibig mong sabihin? Paano ka nagkaroon ng pera? Kumabit ka sa may asawa? Naki-anib ka sa sindikato? Nagpapatawa ka ba?” pang-iinsulto ni Senyora Matilde.
“Ako ang bumili sa mansyong ito. Nang malaman kong for sale ito, ako ang nagprisintang bumili,” at iniabot ni Don Rafael kay Senyora Matilde ang kopya ng mga papeles na pinirmahan niya, at ng ka-transaksyon niyang si Senyor Favio. “Nabayaran ko na ito sa mister mong si Favio, kaya kami na ang nagmamay-ari ng mansyong ito. Ako nga pala si Don Rafael. Ako ang tatay at partner sa buhay ng mga muchacha ninyo dati na inapi-api niyo.”
“Kaya kung ako sa inyo, magbalot-balot na kayong mag-ina at magsilayas na kayo sa bahay namin! Kung ayaw ninyong kaladkarin namin kayong palabas!” galit na sabi ni Sandra habang tinuturo ang malaking pinto.
“P-Parang awa ninyo na… wala kaming matutuluyang iba. Hindi kami sanay sa trabaho. Sanay kaming pinagtatrabahuhan. Wala na kasi kaming kapera-pera dahil… dahil…”
“Dahil sa galit ng asawa mo dahil sa kabalbalang ginawa mo! Alam ko ang mga nangyayari sa buhay ninyo. Iniputan mo siya sa ulo! Puwes, baligtad na ngayon ang mundo, Senyora Matilde at Senyorita Alegre! Ay teka, hindi ko na nga pala kayo dapat tawaging senyora at senyorita ngayon dahil mas mahirap pa kayo sa daga!” sumbat ni Sandra sa mag-ina.
“S-Sandra, N-Nilda… nagmamakaawa kami ni Mama… huwag naman ninyo kaming palayasin kaagad. Hayaan muna ninyo kaming makapaghanap ng bago naming matutuluyan, nakikiusap kami,” wika naman ni Alegre.
Natahimik naman si Sandra.
“P-Pangako… aalis din kaagad kami kapag nakahanap kami ng bagong bahay,” nauutal na pakiusap ni Senyora Matilde.
“Sige. Pumapayag ako. Hindi naman ganoon kasama ang ugali ko hindi kagaya ninyo,” ngumiti nang makahulugan si Sandra.
“S-Salamat, Sandra… maraming salamat…” naiiyak na pasasalamat ni Senyora Matilde.
“Anong salamat? May bayad ang lahat. Habang nandito kayo sa bahay namin, kailangan namin ng kasambahay. Kailangan ninyo ng pera, ‘di ba? Huwag kayong mag-alala dahil susuwelduhan ko kayo. Habang nakikitira kayo rito sa bahay, kailangan ninyong pagtrabahuhan,” wika ni Sandra.
“Ano? Bakit kailangan naming manilbihan dito?” sarkastikong tanong ni Alegre.
“Oh bakit? Anong gusto ninyo? Oh sige, magbayad na lang kayo ng upa. Eh hindi ba wala kayong pera? Saka kung maghahanap kayo ng bagong malilipatan at trabaho, kailangan ninyo ng pera para makapagsimula ng bagong buhay. Kagaya ng ginawa namin noong pinagtabuyan ninyo kami na parang mga busabos!” paliwanag ni Sandra.
Natahimik naman sina Senyora Matilde at Alegre.
“Tatlo lang ang pamimilian ninyo. Papayag akong tumira muna kayo rito habang naghahanap kayo ng malilipatan, pero maninilbihan kayo bilang kasambahay, may suweldo pa at libreng pagkain. Kung ayaw naman ninyo, magbayad kayo ng renta sa bahay, at bawal kayong kumain dito. Oh kaya naman, kung ayaw ninyo pa rin, puwes simulan na ninyong mag-impake, dalhin ninyo lahat ng mga gamit ninyo kahit ang mga appliances ninyo, at lumayas na kayo.”
Walang nagawa ang mag-ina kundi piliin ang unang opsyon. Kung tutuusin ay maaari naman nilang ibenta ang kanilang mga kasangkapan, ngunit sino naman ang bibili? Matrabaho rin iyon.
Kaya naman naging kasambahay nina Sandra at Nilda ang mag-ina.
Ngunit hindi kagaya ng ginagawa ng mag-ina kina Sandra at Nilda, naging maayos naman ang trato ni Sandra sa kanila, kaya nga lamang, marami itong utos at hindi nila kaya ang mga pinapagawa nito, gaya ng paglalaba at pamamalantsa.
Isang araw, tinawag ni Nilda si Senyora Matilde.
“Matilde… anong ginawa mo sa damit ko? Bakit ganito, may sunog?” mahinahong tanong ni Nilda.
“P-Pasensya na… alam mo namang hindi ako marunong mamalantsa… S-Senyora Nilda…”
Akala ni Matilde, gaganti sa kaniya si Nilda at ibabato sa mukha niya ang damit nitong may sunog ng plantsa, ngunit kabaligtaran ang ginawa nito.
“Sa susunod, mag-iingat ka na. Masasanay ka rin. Bilang ilaw ng tahanan, isa sa mga pangunahing gawaing-bahay na kailangan mong matutuhan ang pamamalantsa. Naiintindihan mo ba?” malumanay ngunit may diin sa pagbibitiw ng mga salita si Nilda.
“O-Opo, S-Senyora Nilda, hindi na po mauulit, pasensya na po,” wika ni Matilde. At pagkatapos ay nagpaalam na ito.
Pagbalik ni Matilde sa quarter’s nila, sinalubong siya ni Alegre.
“Ano Ma, gumanti ba siya sa iyo? Ginawa ba niya ang ginawa natin noon?”
Umiling si Matilde.
“H-Hindi anak… kung tutuusin, mabuti ang pakikitungo nila sa atin at hindi pa tayo pinagbubuhatan ng kamay, hindi kagaya natin noon. Malaki ang naging kasalanan natin sa kanila, anak. Naging matapobre tayo noon. Sinaktan ko ang Papa mo. Siguro nga, ito na ang ganti ng kapalaran sa lahat ng mga ginawa ko noon,” realisasyon ni Matilde.
Nang makaipon na nang sapat na pera mula sa kanilang paninilbihan kina Sandra at Nilda, nagpaalam na si Matilde na aalis na sila sa mansyon, ngunit sa kondisyon na papayagan silang hakutin ang kanilang mga gamit upang makapagsimula. Pumayag naman sina Sandra at Nilda.
Ang ibang mga gamit ay ibinenta na lamang nila sa mga kakilalang naawa sa kanila. Ang mga kasangkapan na sa palagay nila ay kakailanganin pa nila ay pinanatili nila.
Isang malaking leksyon sa buhay ang natutuhan nina Matilde at Alegre. Napagtanto nila na huwag dapat mang-api ng kapwa dahil bilog ang mundo. Minsan ikaw ay nasa itaas, at maaari ding sa susunod, ikaw na ang nasa ilalim.