Kahit Isang Argumento, Wala Siyang Pinapalampas; Ito pala ang Makapagbibigay Bangungot sa Kanilang Pamilya
Walang pinapalampas kahit maliit na pag-aaway ang ginoong si Fidel. Gusto niyang palagi siyang nananalo sa kahit anong argumento dahil pakiramdam niya, palagi siyang tama at siya lang ang may alam ng lahat ng bagay.
Madalas mang ito ang pagmulan ng pag-aaway nila ng kaniyang asawa, patuloy niya pa rin itong ginagawa upang mapatunayan ang talino niya sa lahat ng bagay. May pagkakataon pa nga noong unang buwan ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa na ang pagtatalo nila tungkol sa kung sino ang dapat magluto ng kanilang pagkain at maghugas ng pinggan ay muntik nang mauwi sa agarang hiwalayan.
“Ikaw ang babae, Cynthia, ikaw dapat ang gumawa ng mga gawaing bahay! Pagod ako sa trabaho tapos pag-uwi ko, ako pa ang aasahan mong magluto ng pagkain niyong mag-iina?” sigaw niya rito.
“Hindi naman araw-araw inaasahan ka, ha? Ngayon lang kita pinakiusapan dahil may sakit ang anak natin at buong araw kong karga! Hindi ka ba naaawa sa asawa mo?” mangiyakngiyak nitong sabi habang hinehele ang kanilang anak.
“Ginusto mo ‘yan, hindi ba? Panindigan mo ‘yan! Basta ako, hinding-hindi ako gagalaw sa bahay na ‘to dahil ako ang nagpapakain sa inyo!” bulyaw niya pa, pagbubuhatan niya na sana ito ng kamay nang biglang dumating ang nanay niya at siya’y agad na pinaghahahampas ng walis tambong nadampot nito.
“Fidel! May asawa’t anak ka na, gan’yan pa rin ang ugali mo? Ikaw dapat ang magmahal sa kanila! Sana kahit sa asawa mo, magpatalo ka naman dahil hindi palaging ikaw ang tama! Kung ako, nababastos mo dahil sa ugali mo, hindi ako papayag na pati asawa mo, gagan’yanin mo! Ako mismo ang magpapakulong sa’yo kapag naulit ang eksenang ito!” pagbabanta ng kaniyang ina na talagang tumatak sa isip niya dahilan para simula noon, natutuhan na niyang magbigay ngunit para sa asawa niya lamang.
Kapag siya’y may nakakasagutan sa kalsada, tungkol man sa kumakalat na tsismis o dahil sa trapiko, hindi siya natatakot na mag-amok na nagbibigay naman nang kaba at takot sa kaniyang mag-iina na madalas niyang angkas sa sasakyan.
Isang araw, habang sila’y nasa kahabaan ng Edsa, usog pagong na nga ang trapiko, may isang motorsiklo pa ang nag-over take sa dala niyang sasakyan dahilan para kamuntikan na sila nitong magkabanggaan.
Sa sobrang inis niya, habang nakatigil ang motorsiklong iyon, agad niyang kinompronta ang drayber nito at nang sumagot-sagot pa sa kaniya, agad niyang tinanggal ang helmet nito at pinagsasasapok ito!
Nang makita ito ng kaniyang asawa, agad itong bumaba ng kanilang sasakyan at pilit siyang inawat. Ngunit imbes na makinig dito, patuloy siyang nakipagbuno sa motorista hanggang siya’y nakarinig ng isang malakas na putok ng baril kasabay ang pagbagsak ng katawan ng kaniyang asawa sa kalsada na naging rason para siya’y tumigil sa kakasuntok sa kaniyang kaaway. Pagkabitaw niya sa lalaking iyon, sakto namang umusad ang trapiko at ito’y agad na nakatakas.
“Tulong! Tulong! Ang asawa ko! Tulungan niyo kami!” sigaw niya sa ibang drayber na nasa gilid lamang nila habang pisil-pisil niya ang tiyan ng asawang naglalabas na ng sandamakmak na dugo.
Mabuti na lang, may mga drayber doon na naawa sa kanila at nagbigay daan para sa isang sasakyang nag-alok ng tulong sa kaniya para madala sa ospital ang kaniyang asawa kasama ang kanilang mga anak na parehong nag-iiiyak dahil sa takot bunsod ng nakitang eksena.
Pagdating nila sa ospital, agad na sinugod sa emergency room ang kaniyang asawa at ito’y agad na inoperahan. Habang naghihintay ng resulta, nanginginig niyang niyakap ang dalawang anak habang taimtim na nagdarasal.
“Hindi ko po kayang mawala ang asawa ko, Panginoon. Pakiusap, maawa Ka sa amin ng mga anak ko. Pangako, magbabago na ako!” hikbi niya.
Ngunit tila siya’y binibigyan talaga ng aral ng Maykapal dahil maya maya lang, lumabas ang doktor na nag-opera sa kaniyang asawa at sinabing, “Pasensya na po kayo, sir. Ginawa po namin ang lahat pero dahil sa dami ng dugong nawala sa asawa niyo at sa tagal ng oras bago kayo makapunta rito, hindi niya po nakayanan ang operasyon. Nakikiramay po kaming lahat sa inyong mag-aama,” na talagang ikinaguho ng mundo niya.
Kasabay ng malakas na pag-iyak ng dalawa niyang anak na nakaintindi ng sinabi ng doktor, tulala lang siyang napaupo sa isang sulok ng ospital at doon labis na sinisi ang sarili.
“Ano, Fidel? Ngayon ka pa titino kung kailan wala na ang asawa mo? Pinigilan ka na niya, hindi ba? Bakit hindi ka pa nakinig?” sigaw niya sa sarili.
“Anak, magpakatatag ka. May mga anak ka pang dapat alagaan at gabayan. Ngayon, ipakita mo kay Cynthia kung anong klase kang ama para sa mga bata. Bumangon ka, anak, aalalayan kita,” pagpapakalma ng kaniyang ina saka siya niyakap.
Hindi man natagpuan ang lalaking gumawa noon sa kaniyang asawa, ginawa niya ang lahat upang hindi maramdaman ng kanilang mga anak na wala na silang ina. Nagdoble kayod siya para sa mga ito at katulad ng pangako niya sa Panginoon, siya’y tuluyang nagbago.
Kung dati’y wala siyang pinapalampas na argumento, ngayo’y natuto na siyang kumilatis kung ano ang mga bagay na dapat ipaglaban at pagtuunan ng pansin, masiguro lang ang kaligtasan ng kaniyang mga anak.