Inday TrendingInday Trending
Hopia Lang ang Kinakain Niya Tuwing Breaktime dahil sa Kagipitang Nararanasan; May Katapusan pala ang Pagtitiis Niyang Ito

Hopia Lang ang Kinakain Niya Tuwing Breaktime dahil sa Kagipitang Nararanasan; May Katapusan pala ang Pagtitiis Niyang Ito

Tuwing sasapit ang oras ng breaktime ng binatang si Jobert sa kaniyang trabaho, palagi siyang natatarantang lumabas ng kanilang opisina. Ito ay hindi dahil hindi na niya mapigilan ang kaniyang gutom o kaya nama’y siya’y nadudumi na, kundi dahil, ayaw niyang mayaya pa siya ng iba niyang katrabaho na kumain sa mga mamahaling restawran.

Sakto lang sa pang-araw-araw niyang pamasahe ang baon niya sa trabaho araw-araw. Maswerte na siya kung makabili siya ng tigki-kinse pesos na lugaw sa gilid ng kaniyang pinagtatrababuhang gusali dahil madalas, tigli-limang pisong hopia sa tindahan ang kaniyang kinakain upang mairaos lang ang gutom na kaniyang nararamdaman.

Kung tutuusin, malaki-laki naman talaga ang sinasahod niya sa kumpanyang iyon. Kaya lang, dahil sa laki ng pamilyang sinusuportahan niya sa araw-araw, wala nang natitira para sa kaniya.

Idagdag pa rito ang mga katrabaho niyang pilit siyang kinakaltasan ng sahod sa hindi niya malamang dahilan. Nagtatanong man siya sa mga ito, lalo na sa manager niyang si Gino, palagi lang siyang sinasabihan nitong, “Pasalamat ka nga, may pambili ka pa ng hopia, eh!” saka siya nito pagtatawanan hanggang sa marinig ng iba pa nilang katrabaho.

Sa totoo lang, gustong-gusto na niya talagang umalis sa kumpanyang iyon dahil sa hindi makataong trato sa kaniya. Ngunit dahil nga mayroon siyang kontratang dapat sundin doon, pinagtitiisan niya ang lahat ng ito.

“Kung tutuusin, marami kang trabahong pupwedeng pasukan, hijo! Iba ang talas ng isip mo! Umalis ka na sa kumpanyang iyan bago ko pa sila sugurin isa-isa!” inis na sabi ng ginang na nagbebenta ng hopia nang makwento niya rito ang sitwasyon niya sa trabaho.

“Manang, ang presyon mo. Kapag inatake ka, wala akong pang-abono sa ospital!” biro niya rito dahilan para siya’y bahagya nitong hampasin ng nahablot na dyaryo.

“Ay, ewan ko ba sa’yong bata ka! Matalino ka nga, nagpapauto ka naman sa mga gahaman sa kumpanyang iyan!” sigaw pa nito habang dinuduro-duro ang gusaling pinagtatrababuhan niya na tanaw sa tindahan nito.

“Ayoko lang pong may umalis nang hindi tapos ang kontrata ko. Makikita po iyon ng susunod kong pagtatrabahuhang kumpanya. Baka magbigay pa po iyon ng masamang record sa trabaho ko,” paliwanag niya rito kaya ito’y napailing na lang saka siya binigyan ng ilan pang hopia at isang basong tubig na labis niyang ikinapasalamat.

Halos sa araw-araw ng ginawa ng Diyos, doon siya palagi kumakain sa tindahan ng matandang iyon. Madalas man siya nitong sermunan, pinagkikibit-balikat niya na lang ito dahil binibigyan naman siya nito ng kahit anong pagkaing mayroon ito na nakatutulong sa pag-ibsan ng gutom niya.

Ngunit isang araw, habang siya’y masayang nakikipagkwentuhan sa matanda tungkol sa buhay nito, may isang ginoo ang bumili rito ng band-aid at nang mamukhaan niyang ito ang may-ari ng kumpanyang pinagtatrababuhan niya na minsan lang magpakita sa kanilang mga empleyado, agad niya itong binati.

“Empleyado ka sa kumpanya ko?” tanong nito habang tinitingnan ang suot niyang ID.

“Ah, eh, opo, sir!” masigla niyang sagot.

“Kung empleyado kita, bakit dito ka kumakain? Bakit hopia lang ang kinakain mo? Maliit ba ang pasahod ko sa inyong mga empleyado ko?” pang-uusisa nito.

“Malaki naman, sir! Kaso ang ibang empleyado niyo, lalo na ang manager niyang si Jobert, kinakaltasan ang sahod niya! Ewan ko ba riyan sa batang ‘yan bakit nagbubulag-bulagan! Araw-araw po ‘yang nandito sa tindahan ko dahil sa kagipitang nararanasan niyan!” sabat ng matanda na labis niyang ikinahiya.

“Manang naman…” saway niya rito.

“Alam mo, ayaw na ayaw kong may empleyado akong mababa ang sahod dahil malaki naman ang kinikita ko dahil sa inyo. Sige, sumama ka sa akin ngayon, aalamin ko kung sino ang dapat malagot sa paghihirap mo,” tugon nito saka siya agad na pinabalik sa kanilang opisina.

Pagdating nila roon, halos lumuwa ang mata ng kaniyang mga katrabaho nang makitang kasama niya ang may-ari ng kumpanya. Agad itong dumiretso sa kaniyang manager at tinanong kung magkano ang pinapasahod sa kaniya.

Katulad ng inaasahan niya, kasinungalingan ang sinabi nito kaya nang ikumpirma ito sa kaniya ng kanilang boss, agad niyang sinabi ang totoong halagang natatanggap niya.

Sa galit ng kanilang boss dahil sa korapsyong nagaganap doon, agad nitong pinatalsik ang manager na iyon… at siya ang ipinalit!

“Ikaw lang ang mapagkakatiwalaan ko ngayon, hijo. Huwag mo akong biguin. Makakaasa kang simula ngayon, makukuha mo na nang buo ang sahod mo at hindi ka na kakain ng hopia araw-araw. Tuwing breaktime mo, tawagan mo ako at isasabay kita sa pagkain ko,” sabi nito saka siya binigyan ng calling card na labis niyang ikinatuwa.

Simula noon, hindi na siya muling makaramdam ng kagipitan pagdating sa pera dahilan para matugunan niya hindi lang ang pangangailangan ng kaniyang buong pamilya, kung hindi pati na rin ang sarili niyang pangangailangan.

Sa araw-araw ding pagsabay niyang kumain sa kanilang boss sa kung saan-saang restawran, naipakita niya rito ang galing niya kaya ilang buwan lang, kinuha na siya nitong bilang personal na sekretarya na nagbigay sa kaniya ng mas malaking kita.

Dahil doon, nagawa niyang makabawi sa matandang nagpakain sa kaniya noong mga araw na walang-wala siya. Pinalaki niya ang tindahan nito at inaabutan niya pa ito ng maliit na halaga kada sahod niya na naging malaking tulong para sa matandang ito na hirap din sa buhay.

Advertisement