Inday TrendingInday Trending
Nawala ang Ipinagbubuntis na Sanggol ng Ginang; Matutupad pa Kaya ang Pangarap Niyang Magkaroon ng Anak?

Nawala ang Ipinagbubuntis na Sanggol ng Ginang; Matutupad pa Kaya ang Pangarap Niyang Magkaroon ng Anak?

Nag-uumapaw ang saya ng ginang na si Karille nang malaman niyang sa wakas, siya ay matagumpay nang nagdadalantao pagkalipas ng halos limang taong pagsasama nila ng kaniyang asawa.

Kaya lang, nang dalawang buwan na pala siyang buntis bago niya pa malamang nagdadalantao na siya at dahil nga parehas silang negosiyante ng kaniyang asawa, siya’y natagtag sa mga gawain katulad ng pagbubuhat ng kanilang produkto papasok sa kaniyang opisina upang ito’y kilatisin, pagbiyahe ng tatlong oras upang makipag-usap sa mga kasosyo sa negosyo, at marami pang aktibidad na nakapagpapagod sa kaniya na labis nilang pinag-alalang mag-asawa.

“Dapat pala noong napansin kong hindi na ako dinadatnan ng buwanang dalaw ko, nagpatingin na agad ako sa doktor, ano? Baka mamaya, mapaano si baby. Kapag nangyari ‘yon, hindi ko mapapatawad ang sarili ko,” nguso niya sa asawa habang sila’y pauwi galing sa ospital.

“Ano ka ba, mahal? Huwag ka ngang mag-isip nang gan’yan! Ito na ‘yon, binigay na sa atin ng Panginoon ang matagal na nating inaasam! Kaya simula ngayon, alagaan mo siyang maigi sa sinapupunan mo, ha? Huwag ka munang mag-isip ng kung anu-ano riyan, lalo na kung tungkol sa negosyo natin. Ako nang bahala roon!” sambit ng kaniyang asawa na agad niyang ikinangiti.

“Swerte talaga akong maikasal sa isang katulad mo!” tugon niya saka sila nagtawanang dalawa.

Patuloy siyang namahinga noon sa kanilang bahay habang inaasikaso ng kaniyang asawa ang kanilang negosyo. Ngunit makalipas ang ilang linggo, napansin niyang imbes na lumobo ang kaniyang tiyan, umimpis ito na tila ba walang laman.

Agad-agad niya itong sinabi sa kaniyang asawa at nang sila’y magpatingin sa ospital, doon na nga nila nakumpirmang wala nang buhay ang ipinagbubuntis niyang bata. Agad na gumuho ang mundo niya nang marinig ang balitang iyon sa kaniyang doktor. Wala siyang maiiyak ni katiting na luha dahil sa sobrang sakit ng nararamdaman niya.

“Susubukan nating ulit, mahal, ha? Huwag mong sisihin ang sarili mo. Mahaba pa naman ang buhay natin, pupwede pa tayong sumubok na magkaanak ulit hanggang sa dumating na ang anak na para sa atin,” pagbibigay lakas ng kaniyang asawa habang siya’y yakap-yakap.

Ilang araw din siyang nagkulong sa kanilang bahay habang nagmumukmok. Sising-sisi siya sa pagbabatak niya ng buto na naging dahilan ng pagkawala ng mumunti nilang anghel.

“Gusto ko lang naman pong kumita, magkaroon ng magandang buhay kaya nagtatrabaho nang maigi, bakit naman kinuha Mo siya sa akin agad? Ni hindi Mo man lang siya pinakita, pinayakap, at pinaalagaan sa akin. Ang daya Mo naman!” iyak niya sa Panginoon sa tapat ng altar na nasa kanilang bahay.

Araw-araw siyang umiyak sa Panginoon hanggang sa magkaroon na siya muli ng lakas na umarangkada sa buhay. Muli siyang tumulong sa kaniyang asawa sa pagnenegosyo upang makalimot sa sakit na bigay ng tadhana.

Hanggang sa isang araw, napansin niyang hindi na naman siya dinatnan ng kaniyang dalaw.

“Imposibleng buntis ako, wala pang tatlong buwan mula nang makunan ako,” sabi niya.

“Malay mo naman, mahal, dininig ng Panginoon ang mga dalangin natin,” sagot ng kaniyang asawa saka siya nito agad na binilhan ng pregnancy test.

Nanginginig niya itong pinatakan… at nang makita niyang nagdalawa ang linya roon, doon siya agad na napaluhod at napaiyak dahil sa tuwa.

“Salamat po! Salamat po! Asahan Mong iingatan ko na ‘to!” sigaw niya habang humahagulgol kasama ang kaniyang asawa.

Wala na silang sinayang na oras noon at sila’y dali-daling nagpunta sa ospital upang ikumpirma ang magandang balita at katulad ng hinihiling niya, siya nga ay muling nagdadalantao na!

Simula noon, wala na siyang ibang inisip kung hindi ang kalagayan ng kanilang magiging anak. Siya’y nagpahinga, kumain nang tama at nag-ehersisyo.

Pagkaraan pa ng ilang buwan, napag-alamanan niyang kambal ang pinagbubuntis niyang mga bata at malulusog ang mga ito.

“O, misis, mukhang ibinalik na ng Panginoon ang batang nawala sa’yo noon, doble pa!” biro ng kaniyang doktor na ikinaiyak nilang mag-asawa.

Ngayong nalaman niyang kambal ang kaniyang pinagbubuntis, doble rin ang pag-aalagang ginawa niya sa kaniyang sarili katuwang ang kaniyang asawa hanggang sa isang araw, tuluyan na niyang naisilang ang dalawang sanggol na babae’t lalaki.

“Asahan niyong hanggang sa huling hininga namin ni daddy, hinding-hindi namin kayo pababayaan. Kayong dalawa ang totoong kayamanan namin, hindi ang negosyo namin, hindi ang pera namin,” mangiyakngiyak niyang bulong sa kanilang mga anak habang hawak-hawak ng kaniyang asawa ang kaniyang kamay.

“Siguro sinubok lang tayo ng Panginoon upang maihanda natin ang sarili natin sa napakalaking biyayang magkaroon ng kambal na anak. Asahan mong aalagaan at mamahalin ko kayong lahat higit sa sarili ko,” bulong naman ng kaniyang asawa saka siya hinalikan sa noo.

Advertisement