Inday TrendingInday Trending
Matalino at Magaling na Abogado ang Binata Ngunit Tinanggihan Niya ang Alok na Trabaho sa Ibang Bansa; Nakakaiyak Pala ang Dahilan Niya

Matalino at Magaling na Abogado ang Binata Ngunit Tinanggihan Niya ang Alok na Trabaho sa Ibang Bansa; Nakakaiyak Pala ang Dahilan Niya

Bata pa lang si Lawrence ay kinakitaan na siya ng kakaibang talino. Mula grade school hanggang sa high school ay palagi siyang nangunguna sa klase. Panlaban din siya ng kanilang eskwelahan sa patagisan ng talino hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.

Sa dami ng medalyang nakukuha niya sa mga patimpalak na sinasalihan ay hindi na nga niya mabilang kung ilan ang mga iyon. Nang tumuntong sa kolehiyo ay kumuha siya ng kursong Abogasya at pagkaraan ng ilang taong pagpapakadalubhasa ay isa na siyang ganap na abogado.

Tuwang-tuwa ang mga magulang niya sa kaniyang narating.

“Ipinagmamalaki ka namin, anak. Nagpapasalamat kami dahil nagkaroon kami ng napakatalinong anak na gaya mo,” wika ng kaniyang inang si Celeste.

“Wala na kaming mahihiling pa ng iyong ina, Lawrence. Naabot mo na ang mga pangarap mo. Masaya kami dahil nagkaroon kami ng mabait, masipag at matalinong anak,” saad naman ng amang si Elineo.

“Kayo po ang dahilan kung bakit naabot ko ang aking pangarap. Kung ‘di dahil sa inyong pagtitiyaga, pagsuporta at pagmamahal ay hindi ko mararating ang kinalalagyan ko. Inihahandog ko po sa inyo ang aking pagsusumikap at pagtatagumpay,” tugon niya sa mga magulang.

Dahil sa angking galing ay nakilala rin si Atty. Lawrence Santillan sa labas ng bansa lalo na sa Amerika. Naging matunog ang kaniyang pangalan bilang isa sa pinakamahusay na abogadong Pinoy at nailathala pa siya sa pahayagan at napapanood din sa telebisyon sa ibang bansa. Naging sikat na personalidad si Atty. Lawrence na hinangaan ng marami ngunit hindi niya inasahan na bukod sa pagiging matagumpay sa kaniyang propesyon sa Pilipinas ay makikilala rin siya sa ibang paning ng mundo hanggang sa isang magandang balita ang natanggap niya.

“Lawrence, inaalok ka ng isang malaking kumpanya sa Amerika na doon ka magtrabaho. May alok din sa iyo na magtrabaho sa isang kilalang law firm sa Australia. Malaki ang kikitain mo roon. Kahit ano ang piliin mo sa dalawang job offer ay hindi ka na talo,” wika ng kaibigan niyang abogado rin na si Nathan.

“Kahit ako’y hindi makapaniwala sa mga natanggap kong offer, pero pag-iisipan ko pa rin.”

“Kung ako sa iyo ay huwag mo nang pag-isipan. Sunggaban mo na ang offer!” hirit ng kaibigan.

Marami pa sa mga kaibigan niya ang inudyukan siyang tanggapin na ang isa sa mga alok na trabaho sa ibang bansa. Mas makakatulong nga naman siya sa pamilya niya kapag tinanggap niya ang isa sa mga offer sa kaniya, kaya humingi siya ng payo sa mga magulang.

“Mama, papa, ano po ang gagawin ko? Hindi ko po alam kung tatanggapin ko o hindi.”

“Ikaw lang ang makakapagdesisyon niyan, anak. Kung ano ang nasa puso, iyon ang sundin mo,” wika ng ama.

“Anuman ang maging desisyon mo ay susuportahan ka pa rin namin, anak,” sagot naman ng ina.

Ilang beses niyang pinag-isipan ang magiging desisyon ngunit isang balita ang gumulat sa kaniya.

Makalipas ang ilang buwan

‘Di sinasadyang nagkita ang magkaibigang Lawrence at Nathan sa mall.

“R-Lawrence?! Narito ka pa? Hindi ka natuloy sa pag-alis? Ang akala ko’y umalis ka na at tinanggap ang offer sa ibang bansa?” bungad nito.

“Hindi ko tinanggap ang mga job offer sa akin, Nathan,” nakangiting sagot ni Lawrence.

Nanlaki ang mga mata ni Nathan sa sinabi niya.

“A-ano? Nahihibang ka na ba? Magandang oportunidad na iyon sa ibang bansa, Amerika at Australia na ‘yon, pinakawalan mo?!” gulat nitong tanong.

“Buo na ang desisyon ko. Mananatili ako rito sa Pilipinas. May mas mahalaga akong tungkuling dapat gampanan dito.”

“At ano naman ‘yon? Hindi ko lang kasi matanggap na pinalampas mo ang pagkakataon na mas makilala ka pa nang husto sa ibang bansa. Hinahangaan ka at sikat dito sa sarili nating bansa bilang sikat na abogado, pero mas malaking oportunidad ang makapagtrabaho sa mga bansang nag-alok sa iyo ng trabaho. Tiyak din na malaki ang kikitain mo roon. Sana ay ginamit mo ang iyong talino bago magdesisyong manatili rito,” napapailing na sabi ni Nathan.

Humugot muna ng isang malalim na hininga si Lawrence bago nagsalita.

“Alam ko na magandang oportunidad ang maibibigay sa akin sa ibang bansa, pero mas malaking oportunidad para sa akin ang mapaglingkuran ang aking mga magulang. Nalaman ko na may taning na ang buhay ni papa, malala na pala ang sakit niyang l*uk*mia. Kasalukuyan siyang nagpapagamot at lumalaban pa rin sa kaniyang sakit. Mas pinili kong manatili rito sa Pilipinas at huwag nang umalis dahil gusto kong samahan si mama na alagaan si papa at makasama sa mga huling araw niya. Kaya ako naging matagumpay ay dahil sa aking mga magulang na walang sawang sumuporta at gumabay sa akin. Hindi nila ako iniwan sa lahat ng aking laban sa buhay kahit hindi nila ako tunay na anak ay minahal nila ako na parang totoong kadugo. Habang buhay kong ipagpapasalmat sa aking mga magulang na umampon sa akin ang lahat ng mayroon at narating ko ngayon. Ngayon ay ako naman ang susuporta at sasama sa kanilang laban,” bunyag ni Lawrence sa kaibigan na ‘di na napigilang maluha.

Sa ipinagtapat niya ay hindi na rin napigilang maluha ni Nathan sa pinagdadaanan niya. Kung tutuusin ay maaari niyang tanggapin ang anuman sa dalawang alok na trabaho ng dalawang bansa dahil malaki ang maitutulong nito sa pamilya niya at maging sa kaniyang propesyon ngunit mas nangibabaw ang pagmamahal sa amang may karamdaman na kailangan ang kaniyang presensiya bilang anak at iyon ang mahalagang tungkulin niya na dapat gampanan kaysa sa pansariling hangarin.

Kung napakasuwerte ni Lawrence sa mga magulang na kumupkop sa kaniya, mas masuwerte pala ang mga magulang niya sa kaniya, ‘di ba?

Advertisement