Ipinagtanggol ng Binatilyo ang Matandang Lalaki sa Kamay ng Mandurukot; Grabeng Pasasalamat ang Ibibigay Nito sa Kaniya
Hindi pa tuluyang sumisikat ang araw ay gising na ang binatilyong si Gerry para magtrabaho. Kahit kumakalam ang sikmura dahil sa gutom ay tiniis niya muna ang nararamdaman para maghanda na papunta sa tambakan ng mga basura para mangalakal.
Mula nang maulila sa mga magulang ay ang pamumulot ng mga basura na ang pinagkakaabalahan ni Gerry para kumita. Kapag nakuha na niya ang perang kinita ay saka lang siya makakabili ng pagkain.
“Ayan, makakabili na ako ng pagkain. Kasya na ito hanggang mamayang gabi,” sabi niya sa isip.
Nang makapagpahinga ay agad niyang kinuha ang isang lumang libro at siya’y nagbasa. Napulot niya ang librong iyon habang namumulot siya ng basura. Marunong siyang magbasa at sumulat. Nakatuntong si Gerry sa elementarya ngunit nahinto sa pag-aaral dahil pumanaw ang kaniyang ama sa isang aksidente. Nasagas*an ang tatay niya habang naglalako ng balut sa kalsada. Ang nanay niya ay maaga ring pumanaw dahil inatake naman sa puso. Mag-isa na lang niyang binubuhay ang sarili.
“Balang-araw ay makakapag-aral din ako at magkakaroon ng magandang trabaho,” bulong pa niya sa sarili.
Nang sumunod na araw, habang naglalakad siya papunta sa tambakan ng basura ay may nakita siyang binatilyo na pilit kinukuha ang hawak na maleta ng isang matandang lalaki.
“Akin na ‘yan, tanda! Ibigay mo ‘yan sa akin!” sabi ng binatilyong mandurukot.
“Bitawan mo ang maleta ko, bata!” sigaw naman ng matanda.
Dali-dali niyang sinugod ang mandurukot.
“Hoy, bitawan mo ang maleta ni lolo kundi ay mata mo lang ang walang latay sa akin!” malakas niyang sambit.
Nang makita siya ng kapwa niya binatilyo ay mabilis itong tumakbo palayo.
“Wala ka naman pala, eh,” natatawang sabi ni Gerry.
“Naku, maraming salamat sa tulong mo, hijo! Muntik na niyang makuha ang maleta ko,” pasasalamat ng matanda.
“Walang anuman po, lolo. Mag-ingat po kayo dahil marami pong g*gong mandurukot dito.”
“Ano nga palang pangalan mo?”
“Ako po si Gerry. Mabuti na lang po at nakita ko kayo. Papunta na sana ako sa trabaho ko,” tugon niya.
“Ang bata mo pa, nagtatrabaho ka na?!” gulat na tanong ng matandang lalaki.
“Opo. Namumulot po ako ng mga basura at ibinebenta para magkapera ako.”
“Nag-aaral ka pa ba?” tanong ng matanda.
“Nahinto na po ako sa pag-aaral mula nang pumanaw ang aking mga magulang,” sagot niya.
“Kawawa ka naman. Ang mabuti pa ay sumama ka sa akin. Ako nga pala si Domeng, Lolo Domeng na lang ang itawag mo sa akin. Nagpapa-aral ako ng mga kabataan na walang kakayahang makapag-aral. Halika, sumama ka sa opisina ko,” yaya ng matanda.
Isinama siya ni Lolo Domeng sa opisina nito at tinulungan siyang makakuha ng scholarship para muling makapag-aral. Isa palang mayamang negosyante ang matanda na may sariling organisasyon na tumutulong sa mga kabataang mahihirap na hindi kayang makapag-aral.
“Mula ngayon ay hindi ka na mamumulot ng mga basura para kumita, tutulong ka na lamang sa mga gawain dito sa opisina. Bukod sa allowance na nakukuha mo para sa iyong pag-aaral ay susuwelduhan kita sa pagtatrabaho mo rito,” sabi pa ni Lolo Domeng.
“Salamat po sa ibinigay niyong pagkakataon sa akin, Lolo Domeng,” sambit ng binatilyo.
“Lahat ng kabataan na kagaya mo ay may karapatang magkaroon ng magandang kinabukasan,” tugon ng matanda.
Hindi sinayang ni Gerry ang magandang pagkakataon na ibinigay sa kaniya ni Lolo Domeng para muling makabalik sa pag-aaral. Kaya naman habang nag-aaral ay pinagbutihan niya sa klase. Ito ang naging susi upang siya’y makapagtapos bilang Valedictorian sa elementarya at high school sa mga pinasukang eskwelahan. Dahil doon ay muli siyang nakatanggap ng scholarship sa kolehiyo.
“Congratulations, Gerry, ipinagmamalaki kita!” masayang bati ni Lolo Domeng.
“Utang ko po sa inyo ang lahat, lolo. Kung hindi dahil sa inyo ay hindi ko narating kung anuman po ako ngayon.”
“Hindi, Gerry. Narating mo ‘yan dahil matalino ka at dahil sa iyong determinasyon na makapagtapos sa pag-aaral kaya mo nakamit ang tagumpay. Nakikita kong malayo pa ang mararating mo kaya ipagpatuloy mo lang ‘yan!”
‘Di nagtagal ay nakapagtapos din siya sa kolehiyo bilang Summa Cum Laude. Sa kaniyang pag-akyat sa entablado ay isang malamang mensahe ang sinambit niya sa harap ng iba pang magsisipagtapos.
“Hindi ko makakamit ang lahat ng mayroon ako ngayon kundi dahil sa tulong ni Lolo Domeng at ng kaniyang organisasyon na tumutulong sa mga kabataang gaya ko na makapag-aral. Binigyan niya ng pag-asa ang isang tulad ko na makamit ang aking mga pangarap. Sa lahat ng aking narating ay ipinagmamalaki ko pa rin ang aking pinagmulan at kung saan ako nanggaling. Hindi ko kailanman ikahihiya at kakalimutan na ako’y dating nangangalakal ng basura pero nagsikap ako at nagpursige hanngang sa narating ko ang tagumpay. Nakahanda ko pa ring balikan ang aking pinanggalingan dahil doon ako unang natuto at naging matatag sa hamon ng buhay,” sabi ni Gerry sa kaniyang mensahe.
Nagsipalakpakan ang lahat sa sinabi niya. Masayang-masaya si Lolo Domeng sa narating niya at sa pagsusumikap niyang makapagtapos nang may karangalan.
Makalipas ang maraming taon, isa nang hinahangaang negosyante si Gerry. Mayroon na siyang sariling kumapanya na pinamamahalaan niya. Pumanaw na si Lolo Domeng ngunit hinding-hindi niya ito makakalimutan sa laki ng nagawa nito sa buhay niya. Habang buhay niyang ipagpapasalamat sa matanda ang lahat ng kaniyang narating. Laking gulat din niya nang malamang sa kaniya ipinamana ni Lolo Domeng ang mga ari-arian nito pati na ang organisasyong itinayo nito. Walang ibang pamilya si Lolo Domeng kaya sa kaniya nito iniwan ang mga pinaghirapan nito. Ipinangako niya na iingatan ang palalaguin pa ang negosyong iniwan sa kaniya ni Lolo Domeng.
Ipinagpatuloy din niya ang sinimulang adhikain ng matanda, itinuloy niya ang pagtulong sa mga kabataang mahihirap na gustong makapag-aral at maabot din ang mga pangarap na gaya niya.