Palaging Tinatanong ng Anak sa Amang May Pusong Babae Kung Nasaan ang Kaniyang Ina; Ikaaantig Niya ang Malalaman
“Papa, bakit wala po akong mama?”
Ito ang paulit-ulit na tanong kay Bing ng nag-iisa niyang anak na si Klea. Si Bing na Binoldo ang tunay na pangalan ay isang lalaki na may pusong babae.
“A, eh, puwede rin naman akong maging mama mo, ‘di ba? Tawagin mo rin akong mama kung gusto mo, anak, tutal mukha naman akong girl ‘di ba?” sagot niya sa anak.
“Pero papa kita, eh. Ang gusto ko po ay totoong mama!”
Napapakamot na lang sa ulo niya si Bing sa tuwing tungkol sa ina ang topic ng anak.
Maging sa eskwelahan ay inuusisa rin ito ng mga kaklase.
“Ano ba talaga ang tawag mo sa papa mo? Papa o mama?” tanong ng isa niyang kaklase.
“Papa ko ‘yon!” sagot niya.
“Kung papa mo ‘yung palaging naghahatid at nagsusundo sa iyo rito, eh, sino ang mama mo? Bakit mukhang babae ang papa mo?” sabad pa ng isang bata.
Hindi na nakasagot pa si Klea. Kahit siya ay naguguluhan na rin sa sitwasyon.
Pag-uwi niya sa bahay ay agad nitong kinausap ang ama.
“Papa, kinukulit ako ng mga kaklase ko. Bakit daw po mukha kayong babae? Sino raw po ang mama ko?”
Napabuntong-hininga na lang si Bing sa tanong ng anak.
“Anak, kapag nagtanong pa sila kung bakit ako mukhang babae, ang sabihin mo, kasi b*kla ako, anak. Kapag tinanong ka naman kung sino ang mama mo, ang sabihin mo sa kanila ay ako rin ang mama mo,” sagot niya rito.
“Wow, ang galing naman po, may papa na ako, may mama pa!” tuwang-tuwang sabi ni Klea.
Napaiyak na lamang si Bing. Alam niyang nahihirapan sa sitwasyon nila ang anak ngunit balang-araw ay mauunawaan din nito ang lahat.
Matuling lumipas ang mga taon at ganap na dalaga na si Klea. Nasa kolehiyo na ito at kumukuha ng kursong Engineering. Kahit nasa tamang edad na ay patuloy pa rin ang pagtatanong nito kay Bing tungkol sa ina.
“Papa, bakit po ba wala akong mama? Nasaan po ang tunay kong ina?”
“Anak, hindi mo pa rin nakakalimutan ang tungkol diyan? ‘Di ba ang sabi ko sa iyo na ako rin ang mama mo?”
“Alam ko po ‘yon, pero may karapatan po akong malaman kung bakit wala akong mama,” sagot ng dalaga.
“Ang mabuti pa, anak, ay magbihis ka na at aalis tayo. Iseselebra natin ang matataas mong grades sa school!” nagmamadaling sabi ni Bing.
Ang totoo’y sinadya niyang ibahin ang usapan para hindi na siya kulitin pa ng anak. Napailing na lamang si Klea dahil nakagawa na naman ng dahilan ang ama para makaiwas ito sa tanong niya.
Linggo ng umaga at wala sa bahay ang kaniyang ama. Sa isip ni Klea ay oras na para alamin ang totoo. Pumasok siya sa silid nito at pinakialaman ang mga gamit ng ama hanggang sa matagpuan niya ang isang lumang sulat na nakatago sa tokador. Nang basahin niya ang nakasulat doon ay hindi niya naiwasang mapaiyak.
Nalaman niya na nakapag-asawa pala ng babae ang papa niya, ang pangalan nito ay Madonna, ang tunay niyang ina. Nakilala ito ng papa niya noon sa parlor, dahil nais ng papa niya na magkaroon ng pamilya at normal na buhay, kahit may puso itong babae ay niligawan nito ang mama niya at pinakasalan. Sa una ay naging masaya naman ang pagsasama ng mga magulang niya ngunit hindi inasahan ng papa niya na magloloko ang mama niya at magkakaroon ng ibang lalaki. Walang awang iniwan ng mama niya ang papa niya at sumama sa mayamang Amerikano na naging ka-pen pal nito. Pinakiusapan ng papa niya ang ina na huwag silang iwan pero naging matigas ang puso nito at tuluyan pa rin silang inabandona. Mula noon ay hindi na ito nagpakita pa sa kanila, ginawa ng papa niya ang lahat mahanap lang ang mama niya ngunit sadya talagang ayaw na nitong magpakita pa. Mag-isa siyang itinaguyod ng kaniyang ama, ginawa ng papa niya ang lahat ng makakaya nito mabigyan lang siya ng magandang kinabukasan.
‘Di niya namalayan na dumating na pala ang papa niya at nakita nitong binabasa niya ang lumang sulat na ginawa noon ng papa niya para sa mama niya. Nakasaad doon na nagmamakaawa ang papa niya na bumalik ang mama niya.
“Imbes na sagutin ay ibinalik lang ‘yan sa akin ng mama mo. Lahat na ay ginawa ko, pero ayaw na niya talaga tayong balikan, anak. Sorry kung hindi ko naibalik sa atin ang mama mo, patawarin mo ako, anak,” naluluha na ring sabi ni Bing.
“Kaya po pala ayaw niyong sagutin kung bakit wala akong mama. Ayaw na po pala niyang magpahanap at magpakita sa atin. Ipinagmamalaki po kita, papa, kasi ikaw ang tumayong ina at ama sa akin. Wala kang dapat ihingi ng sorry, papa, dahil wala kang ginawang mali. Thank you po dahil kahit mag-isa ka lang ay kinaya mo lahat para sa akin. Mahal na mahal kita, papa,” wika ni Klea sabay yakap nang mahigpit sa ama.
“Mahal na mahal din kita, anak!”
Nalaman man ng anak ni Bing ang totoong nangyari, hindi pa rin nagbago ang pagtingin at pagmamahal nito sa kaniya. Mas humanga pa nga at mas minahal siya ni Klea dahil sa ginawa niyang sakripisyo bilang magulang.
Naging malinaw na rin sa kaniyang anak ang sitwasyon nilang mag-ama. Para kay Klea, hindi na nito kailangan pa ng isang ina dahil ang pagmamahal niya rito ay sapat na dahil iyon ay walang katulad. Tatay na, nanay pa!