Inday TrendingInday Trending
Pinakasalan Lang ng Lalaki ang Matandang Dalaga Niyang Kapitbahay Para Perahan Ito; Mas Mautak Pala sa Kaniya ang Napangasawa Niya

Pinakasalan Lang ng Lalaki ang Matandang Dalaga Niyang Kapitbahay Para Perahan Ito; Mas Mautak Pala sa Kaniya ang Napangasawa Niya

Napadaan ang binatang si Tanner sa harap ng bahay ng kapitbahay niyang si Julieta. Nakita niya ang tatlong naggagandahan nitong pamangkin na sina Anji, Sharina, at Blessie.

“Magandang araw mga chikas! Mas lalo kayong gumanda sa damit niyong suot, a!” masaya niyang bati.

“Aba, ikaw pala, Tanner, magandang umaga sa iyo,” sagot ni Sharina.

“Dapat lang na maganda kaming tatlo,” tugon naman ni Anjie.

“Tahi yata ito ni Tita Julieta namin,” wika ni Blessie.

Natawa si Tanner nang marinig ang pangalan ng babae.

“A, si old maid. Nawiwili yata sa pananahi ang tiyahin ninyong iyon, nakalimutan na ang pag-aasawa,” sambit niya.

“Huwag kang maingay at baka marinig ka ni tiya. Naku, ‘di bale nang matandang dalaga, makuwarta naman ang tiyahin naming iyon,” sabi ni Anji.

“Tama iyon, Tanner. Kahit old maid si Tiya Julieta ay mapera naman,” sabad ni Blessie.

“Kaya masuwerte ang lalaking mapapangasawa niya kung sakali,” wika naman ni Sharina.

Sa sinabi ng tatlong dalaga ay natigilan ang binata.

“Makuwarta pero walang anak na magmamana ng kaniyang mga salapi, hmmm,” bulong ni Tanner sa isip.

Maya maya ay lumabas na sa bahay si Julieta at niyaya na ang mga pamangkin.

“Sharina, Anji, Blessie, tayo na! Baka mahuli pa tayo sa misa,” sabi ng babae na nakadamit pang-manang. Makaluma kung magdamit si Julieta, literal na old fashioned kaya madalas itong usap-usapan ng mga tambay sa lugar nila.

“Naririyan na kami, tita,” sagot ni Anji.

“O, diyan ka na muna, Tanner, magsisimba muna kami,” wika naman ni Blessie.

Napansin ni Julieta ang binatang kapitbahay.

“Naririyan ka pala, Tanner. ‘Di ba ka magsisimba?” tanong nito.

Hindi alam ni Tanner ang sasabihin kaya…

“Ha, eh, oo! Sasabay na ako sa inyo,” napilitan niyang sabi. “Tamad akong magsimba pero pagbibgyan ko’ng old maid na ito,” bulong pa niya sa isip.

Mula nang sumama siyang magsimba kay Julieta ay…

“Oy, Tanner, panay ang dalaw mo ngayon kina Anji, Sharina, at Blessie, a! Sino ba sa kanila ang dinidigahan mo, pare?” usisa ng kaibigan niyang si Jobert.

“Tsismoso ka talaga, Jobert! Labas ka na roon,” sagot niya.

“Huwag ka nang mahiya, pare. Pare-parehong magaganda ang tatlong iyon, walang tulak kabigin kaya suwerte mo kung sinuman sa kanila ang mabingwit mo,” sabi naman ng kaibigan niyang si Romulo.

“Ligawan nating tatlo, tiyak na walang talo sa atin,” suhestyon ni Jobert.

“Kumporme kay Tanner,” sabad ni Romulo.

“Bahala kayong dalawa,” tanging tugon ng binata.

Samantala, sa bahay ni Julieta…

“Alam kong mahal na mahal ninyo ako, pero ang masaklap ay…” wika ng babae.

“Ay ano, Tiya Julieta?” tanong ni Blessie.

“Kapag nagsipag-asawa na kayong tatlo ay mag-iisa na ako rito,” tugon ni Julieta sa mga pamangkin.

“Tiya, anuman po ang mangyari, ‘di ka namin papabayaan,” wika ni Anji.

“Oo, tita, mag-asawa man kami ay isasama ka namin,” sabad ni Sharina.

“Mahal na mahal ka namin, tiya, kung nasaan kami ay naroon ka rin,” sabi ni Blessie.

Sa bahay naman ni Tanner ay may ibang iniiisip ang binata.

“Kung sa bagay, sampung taon lang naman ang tanda sa akin ni Julieta, pero maganda pa rin siya. Old maid nga siya, pero tiyak naman na birhen na birhen pa siya. ‘Di tulad ng makabago at bata pa, hindi ka nakakasiguro kung may karanasan na o wala pa kaya kung si Julieta ang mapapangasawa ko’y maganda ang magiging buhay ko sa kaniya,” sambit niya sa isip.

Naging puspusan ang paghahangad ni Tanner na ligawan at pasagutin ang matandang dalaga niyang kapitbahay.

“Julieta, roses para sa iyo,” aniya nang dalawin ito sa bahay.

“O, Tanner, paborito ko nga ang red roses,” tuwang-tuwang sabi ng babae.

Sa halos araw-araw na pagpunta ni Tanner sa bahay nina Julieta ay nakakahalata na ang tatlong magkakapatid.

“Napapansin niyo ba na panay ang bigay ng regalo ni Tanner kay Tiya Julieta?” tanong ni Anji kina Sharina at Blessie.

“Oo nga, eh, ‘di ko akalain na si tiya pa ang liligawan niyang si Tanner. Ngayon ko lang nalaman na mahilig pala siya sa mas may edad sa kaniya,” sagot ni Sharina.

“At si tiya naman ay kilig na kilig kay Tanner. ‘Di ko masisisi si tiya, guwapo naman talaga si Tanner,” wika naman ni Blessie.

Hanggang sa…

“Tiya Julieta, tila nahuhulog na ang loob mo kay Tanner,” sabi ni Anji.

“Malaki ang agwat ng edad niyo, tiya,” wika ni Blessie.

“Oo nga, ano na lamang ang sasabihin ng mga kapitbahay natin?” sabad ni Sharina.

Ngunit hindi nakasagot ang tatlo sa sinabi ng kanilang tiyahin.

“Anji, Sharina, Blessie, hindi ko pinakikialaman ang buhay pag-ibig ninyo. Marahil naman ay may karapatan din akong lumigaya, ‘di ba?” sagot ni Julieta.

Hindi rin napigil ang kagustuhan ng matandang dalagang si Julieta, sinagot niya si Tanner at sila’y agad na nagpakasal. Tuwang-tuwa naman si Tanner dahil sa wakas ay makakahiga na rin siya sa salapi.

“Ngayon ay solong-solo ko na ang yaman ni Julieta,” bulong niya sa isip.

Sa gabi ng kanilang honeymoon ay…

“Alam mo ba, sweertheart, tuwang-tuwa ang mga pamangkin kong sina Anji, Sharina at Blessie,” sabi ni Julieta sa mister.

“Salamat naman! Kumporme na rin sila sa kasal natin,” natatawang sagot ni Tanner.

“Oo nga, eh. At dahil sa kasal na tayo ay secured na ako at hindi na nag-iisa, kaya…” pabitin na sabi ni Julieta.

“Kaya ano, sweetheart?” atat na tanong ni Tanner.

“Kaya ipinamana kong lahat sa aking mga pamangkin ang lahat ng pera ko’t mga ari-arian. Dahil may trabaho ka naman ay panatag na ako na kaya mo akong buhayin,” bunyag ni Julieta.

“A-ano?!”

Halos atakehin sa puso si Tanner sa ibinunyag ng misis. Ang akala niya ay mauutakan niya si Julieta, na makakahiga na siya sa salapi nito, pero mas matalino sa kaniya ang babae na mas piniling ibigay sa tatlong pamangkin ang lahat ng yaman nito kesa mapakinabangan ng ganid niyang tangka. Wala nang nagawa si Tanner kundi tanggapin ang sitwasyon niya, kasal na siya kay Julieta kaya wala na siyang kawala.

Sa paglipas ng panahon ay natutunan na rin naman niyang mahalin nang totoo ang kaniyang asawa, napagtanto niya na napakabuting babae pala nito kaya hindi mahirap mahalin. Pinagsisihan na rin niya ang masama niyang balak noon. Kung hindi siya binigyan ng leksyon ni Julieta ay hindi niya mapapatunayan na tama ang desisyon niyang pakasalan ang babaeng nagbibigay sa kaniya ngayon ng labis na kaligayahan.

Advertisement