Inday TrendingInday Trending
Hindi Boto ang Ginang na Ito sa Nobya ng Anak, Ito ang Rason Bakit Pilit Niya Itong Sinisiraan

Hindi Boto ang Ginang na Ito sa Nobya ng Anak, Ito ang Rason Bakit Pilit Niya Itong Sinisiraan

“Anak, magkasama ba kayo ng nobya mo kagabi?” tanong ni Belen sa kaniyang anak, isang umaga pagkauwi nito habang siya’y naghahanda ng makakain nito.

“Ay, hindi po, mama. Hindi po ba’t may pasok po ako sa trabaho kagabi? Siya naman po, nasa selebrasyon ng kaarawan ng matalik niyang kaibigan. Bakit niyo po natanong, mama?” wika nito na ikinailing niya.

“Ayon na nga ba ang sinasabi ko, eh! Una pa lang talaga, hindi ako kampante sa dalagang ‘yan, eh! Hiwalayan mo na ‘yan bago ka pa tuluyang masaktan niyan!” agad niyang utos dito dahilan para mapataas ang kilay nito.

“Ano po bang sinasabi niyo, mama?” tanong pa nito habang nagsasandok ng niluto niyang pagkain.

“Nakita ‘yan ng kumare kong may kalandian na lalaki sa selebrasyong iyon! Sabay pa nga raw umuwi ang nobya mo at ang lalaking ‘yon!” kwento niya na ikinatawa nito.

“Diyos ko, si mama, talaga! Binabae ang lalaking tinutukoy ng kumare niyo! Kilala ko ‘yon, pinasama ko talaga ‘yong kaibigan naming ‘yon para makauwi siya nang ligtas kahit wala ako,” sagot pa nito na labis niyang ikinainis.

“Kahit na, lalaki pa rin ‘yon! Baka mamaya, may nangyari sa kanila! Hiwalayan mo na ‘yon!” sigaw niya sa anak saka agad na nagkulong sa kaniyang silid dahil sa kahihiyan.

Hindi boto ang ginang na si Belen sa kasintahan ng panganay niyang anak na lalaki. Pakiwari niya kasi, ito ang dahilan para bahagyang maging tikom sa pera ang anak niyang ito at bahagyang magbago ang pakikitungo nito sa kaniya.

Kung dati’y panay bigay ito sa kaniya ng pera tuwing sweldo at tuwing hihingi siya pangbili ng mga pansarili niyang kagustuhan, ngayon, palaging wika nito, “Wala akong pera, mama, may pinag-iipunan po kami ng nobya ko,” na labis niyang ikinaiinis.

Natatakot pa siyang baka mabuntis ito ng kaniyang anak at hindi na siya tulungan sa pagtataguyod sa dalawa niya pang anak na dalaga.

Ito ang dahilan para kahit simpleng balitang matanggap niya, papalalimin niya para lamang masira ang dalagang ito sa kaniyang anak.

Walang araw na hindi niya sinasabi sa anak na hiwalayan na ang dalagang ito dahil sa maraming dahilang naiisip niya na wala namang katotohanan.

Nang araw na ‘yon, matapos niyang maramdamang tapos nang kumain ang kaniyang anak, agad na siyang lumabas ng silid at mag-isang kumain.

Pagkalipas ng isang oras, habang siya’y abala sa paghuhugas ng pinggan, narinig niyang kumakatok sa kanilang bahay ang nobya ng kaniyang anak.

“Ay, bahala ka mapaos d’yan, hindi kita pagbubuksan! Katutulog lang ng anak ko!” sa isip-isip niya.

Kaya lang, maya maya, narinig niyang bumukas ang pintuan ng silid ng kaniyang anak dahilan para mapalaki ang mga mata niya.

“Mama, hindi mo ba naririnig na nakatok ang nobya ko?” tanong nito.

“Naririnig,” sagot niya. “Bakit ayaw mo pagbuksan?” inis na tanong nito saka agad nang pinapasok ang dalaga.

“Kakatulog mo lang, anak, tapos ngayon dadating ‘yan? Nag-iisip ba ‘yan?” taas kilay niyang sambit habang masamang nakatingin sa dalagang pawis na pawis.

“Mama, naman!” sigaw ng kaniyang anak.

“Bakit? Kung nasa tamang pag-iisip ‘yan, hindi ‘yan pupunta ng ganitong oras at lalong hindi ka niya tuturuang magdamot sa pamilya mo!” bulyaw niya sa anak.

“Sino bang nagsabing nagdadamot ako, mama? Sadyang wala lang talaga akong pera nitong mga nakaraang buwan! Nawalan ako ng trabaho nang halos isang buwan at siya ang nagbigay ng trabaho sa akin sa restawran nila! Hindi mo alam ‘yon, ‘di ba? Kasi nga, puro perang binibigay ko ang binibilang mo at hindi ang naitutulong ko! Wala kaming pinag-iipunan, mama, dahil lahat ng pera naming dalawa, nagastos na namin sa pangkain niyo ng mga kapatid ko!” wika nito habang pigil-pigil ng naturang dalaga na ikinabato niya, “Ngayong alam mo nang siya ang dahilan kung bakit may nakakain pa kayo, sana huwag mo na siyang siraan sa akin at kainisan, mama,” dagdag pa nito saka agad na hinila palabas ang dalagang umiiyak na.

Wala siyang masabi ng mga oras na iyon, ni hindi siya magalaw sa kinatatayuan niya dahilan para alalayan siya ng dalawa niya pang anak na dalaga.

Labis siyang humingi ng tawad sa anak niya lalo na sa nobya nito kinabukasan pagkauwi ng dalawa sa kanilang bahay. Sa kabutihang palad naman, wagas ang kabaitang mayroon ang dalawa at siya’y labis pa ring ginalang.

“Salamat sa’yo, hija, ha, sana mapatawad mo ako nang tuluyan,” wika niya sa dalaga saka niya ito unang beses na niyakap.

Simula noon, pinakitunguhan na niya ito nang mabuti. Hindi dahil nakikibang siya rito, kung hindi dahil may utang na loob siya sa dalagang nagbigay pag-asa sa anak niyang nahihirapan.

Advertisement