Inday TrendingInday Trending
Ipinadampot ng Dalagang Ito ang Isang Batang Kalye sa Pulis, Ito nga kaya ang Kumuha ng Wallet Niya?

Ipinadampot ng Dalagang Ito ang Isang Batang Kalye sa Pulis, Ito nga kaya ang Kumuha ng Wallet Niya?

“Madeline, ingatan mo ‘yang bag mo, ha? Maraming mga batang kalye sa lugar na ito. Baka mamaya malingat ka, wala na ‘yang wallet at selpon mo!” babala ni Annabel sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang magtungo sila sa Quiapo upang magsimba.

“Naku, ayan ka na naman sa pagka-paranoid mo! Sabi ko naman sa’yo, hindi lahat ng batang kalye, masama ang sadya sa iyo, ang iba, nais lang humingi ng makakain,” sagot nito na ikinakunot ng noo niya.

“Mas mabuti nang maingat ka, ‘no! Ikaw din, kapag nawalan ka ng gamit dahil sa pagiging mabait mo, huwag kang iiyak-iyak sa akin, ha!” inis niyang sambit dito habang yakap-yakap ang bag niyang nakasabit sa harapan bahagi ng katawan niya.

“Marunong naman kasi akong tumingin ng mga batang kalye. Alam ko kung masama o mabuti ang intensyon nila. Baka nakalilimutan mo, isa ako sa mga gurong nagtuturo sa lansangan,” katwiran pa nito na ikinailing niya na lamang.

“Kahit na! Huwag kang magpapakasiguro!” giit niya pa saka agad nang hinila papasok ng simbahan ang kaibigan niyang panay pa rin ang pagtatanggol sa mga batang kalye.

Matigas ang loob ng dalagang si Annabel sa mga batang kalye. Kahit na may pera siya o pagkain, hindi niya pa rin ito ibibigay sa mga batang iyon na nanghihingi sa kaniya. Ang ginagawa niya pa sa tuwing lalapitan siya ng mga ito, yayakapin niya nang mahigpit ang bag niya at mabilis na maglalakad palayo. Kapag natantiya na nang hindi na siya maaabutan ng mga batang iyon, agad niyang hahalughugin ang kaniyang bag upang masigurong naroon pa ang selpon at wallte niya na labis na ikinatatawa ng kaniyang kaibigan.

May pagkakataon pa ngang nagsusumigaw siya nang umupo sa tabi niya ang isang batang kalye habang siya’y kumakain sa karinderya. Sa sobrang pagsigaw niya, pinagbababato tuloy ng mga taong nakain din doon ang naturang bata at kahit kapiranggot na pangongonsenya, wala siyang naramdaman dahil para sa kaniya, dapat lang iyon sa mga batang masasama ang intensyon.

Kaya naman, nang yayain siya ng kaniyang kaibigan na magsimba sa Quiapo, dekalibreng pag-iingat sa kaniyang gamit ang ginawa niya. Ni hindi siya nag-iwan ng panyo o payong sa sasakyan ng kaibigan dahil naiisip niyang baka may bumasag sa bintana nito at kuhanin ang kaniyang mga gamit.

Bahagya lamang siyang nakampante nang makaupo na siya sa upuan ng simbahan. Doon na siya taimtim na nakapagdasal. Pagkatapos ng misa, agad siyang niyaya ng kaniyang kaibigan na kumain sa labas.

Kaya lang, pagkalabas na pagkalabas nila, may isang batang kalyeng tumatakbo ang nakabangga sa kaniya dahilan para agad siyang mataranta.

“Teka, baka may nakuha sa akin ‘yon!” sigaw niya saka agad na tinignan ang wallet at selpon niya. Nang makita niyang selpon lang niya ang naroon, agad niyang hinabol ang naturang bata habang sumisigaw ng “magnanakaw” dahilan para makuha niya ang atensyon ng mga pulis na nagroronda roon.

Matagumpay na nahuli ang batang iyon ngunit nang kinukuha na niya ang wallet niya rito, wala itong maibigay at panay sabi nitong, “Wala po akong kinukuha sa inyo, ate, naglalaro lang po kami kanina,” na hindi niya pinaniwalaan. Dito na nagpasiya ang mga pulis na ipadala ito sa isang ahensya ng gobyerno na nagpapatino sa mga batang pasaway.

Nanghihinayang man siya sa laman ng wallet niya, hinahayaan niya na ito dahil matuturuan naman ng leksyon ang naturang bata.

Agad na siyang nagpauwi sa kaibigan niya pagkatapos ng pangyayaring iyon dahil nawalan na siyang ganang kumain. Pagkauwi niya, agad niyang kinuwento sa nanay niya ang pangyayaring iyon. Bakas pa sa mukha niya ang matinding pagkagalit sa bata.

“May iba ka pa bang wallet, anak?” tanong nito.

“Wala, nanay, isa lang po ‘yon! Nakakainis, ‘di ba? Bagong sweldo pa naman ako!” inis niyang sagot.

“Ano ka ba, anak? Ayon ang wallet mo, o, naiwan mo sa ibabaw ng lamesa!” wika nito saka itinuro sa kaniya ang wallet niya, nang makita niya ito, agad na nanlaki ang mga mata niya, “Diyos ko, kawawa naman ‘yong bata, anak!” dagdag pa ng nanay niya dahilan para mapahangos siya sa bahay ng kaniyang kaibigan.

Humingi siya ng tulong dito at sa kabutihang palad naman, nakuha nito ang numero ng mga pulis na kumuha sa bata at agad na itong pinakawalan.

“Pasensya na po, ako ang mali, sir,” sambit niya sa pulis matapos magmakaawang palayain ang batang iyon.

Naging isang malaking aral sa kaniya ang pangyayaring iyon dahilan para unti-unting bumukas ang mga mata niya sa kahirapang nararanasan ng mga batang kalye.

Simula noon, unti-unti na ring gumaan ang loob niya sa mga ito at natuto na rin siyang magbigay. Wika niya pa, “Nakatataba pala ng puso ang ganitong gawain.”

Advertisement