Inday TrendingInday Trending
May Ginagawa Raw na Kababuyan ang Magkasintahan Ayon sa Dalaga, Naiyak Siya nang Marinig ang Usapan ng Dalawa

May Ginagawa Raw na Kababuyan ang Magkasintahan Ayon sa Dalaga, Naiyak Siya nang Marinig ang Usapan ng Dalawa

“Mama, pustahan tayo, magkakaapo ka na sa mga susunod na araw o buwan!” biglang paghahamon ni Awi, isang hapon habang tinutulungan niyang magsampay ng mga damit ang kaniyang ina.

“Anong sabi mo? Huwag mong sabihin sa aking nagdadalang tao ka na, Awi, ha! Kabata-bata mo pa! Kaya ayokong magkaroon ka ng nobyo, eh, ayan ang mga nasa isip mo!” sermon nito sa kaniya na ikinakunot ng noo niya.

“Iyon na nga, mama, eh, wala naman akong nobyo! Paano ako mabubuntis?” pamimilisopo niya rito. “Bakit hinahamon mo ako sa pustahan, ha?” tanong nito sa kaniya dahilan para linisin niya ang lalamunan bago magsalita.

“Kasi nga, palagi ko na lang napapansin si kuya pati ‘yong nobya na nasa kwarto! Anong gagawin nila roon, ‘di ba? Magpipitik bulag? Kaya kung ako sa’yo, mama, maghanda ka na sa ibabalita nila sa mga susunod na araw o buwan!” wika niya na ikinailing nito at siya’y agad na nilapitan.

“Halika nga rito, sasabunutan kita! Kung anu-anong nasa isip mo! Hayaan mo silang dalawa, may tiwala ako sa kuya mo! Hindi para bastusin niya ang dalagang matagal niyang pinaghirapan!” sambit nito sa kaniya habang siya’y sinasabunutan nang bahagya.

“Papatunayan ko sa iyong mayroon silang ginagawang kababuyan!” sigaw niya sa ina habang tinatanggal ang kamay nito sa kaniyang buhok.

Hindi mapakali ang dalagang si Awi sa tuwing dadalaw sa kanilang bahay ang nobya ng nakatatanda niyang kapatid. Bukod kasi sa naiinggit siya sa kagandahang mayroon ito, palagi niya pang napapansin na sa tuwing pupunta ito sa kanila, sa silid agad ng kaniyang kapatid ito dumidiretso na talagang nagbibigay sa kaniya ng palaisipan.

Palagi niyang tanong sa sarili, “Ano kayang ginagawa nila roon? Imposible namang magkuwentuhan lang sila! Tiyak, may kababalaghan silang ginagawa!”

May pagkakataon pa ngang titignan niya nang masama ang dalagang ito para lamang umalis na kaagad sa kanilang bahay. Minsan, siya’y nagtatagumpay, ngunit madalas, napapansin siya ng kaniyang kapatid na nagbubunga nang hindi nito pagbibigay ng baon sa kaniya.

Nang araw na ‘yon, pagkatapos nilang maglaba ng kaniyang ina, muli na namang umuwi ang kaniyang kapatid na kasama ang dalagang iyon. Katulad ng nakagawian ng dalawa, babati at magmamano lang ito sa kaniyang ina saka agad nang didiretso sa kwarto dahilan upang mapailing na lang siya.

“Hulihin ko kaya sila ngayon para masermunan sila ni mama?” sa isip-isip niya habang pinagmamasdan ang dalawang pumasok sa naturang silid.

Wala pang isang oras ang nakalilipas, tuluyan na nga niyang ginawa ang plano niya habang nagluluto ng kanilang hapunan ang ina. Kumuha siya ng kutsilyo at gumawa ng maliit na butas mula sa dingding ng silid ng kaniyang kapatid at doon niya sinilip kung anong ginagawa ng dalawa.

Nakita niyang may hawak na tig-isang laptop ang mga ito at tila abala sa kani-kanilang ginagawa.

Maya maya pa, narinig na niyang nag-uusap na ang dalawa tungkol sa investment at sa laki ng perang nakuha nila ngayong araw dahilan para mapalaki ang mata niya.

“O, ‘yong kalahati riyan, idiretso mo sa ginawa nating bank account para kay Awi, ha, para masigurado na nating makakapag-aral siya sa kolehiyo,” wika ng naturang dalaga na labis niyang ikinagulat.

“Laking pasasamalat ko talaga ikaw ang nobya ko. Kahit na masungit sa’yo ‘yon, palagi mo pa ring iniisip ang kinabukasan niya,” sambit ng kaniyang kuya na talaga nga namang nagbigay ng matinding pangongonsenya sa kaniya.

Tutulo pa lang sana ang luha niya nang mapansin niyang nakatingin na sa kaniya ang nanay nila.

“Ngayon, alam mo na?” tanong nito sa kaniya.

“O-opo,” uutal-utal niyang sagot saka agad na lumapit sa ina.

“Sabi sa’yo, eh, may tiwala ako sa kanila. Pinangako nila ‘yan, pag-aaralin ka muna nila bago sila magkapamilya,” kwento pa nito na labis niyang ikinaiyak.

Simula noon, tuluyan nang bumaliktad ang tingin niya sa kaniyang kapatid at sa nobya nitong palaging nagkukulong sa kwarto. Naiintindihan niya na ring hindi lahat ng magkasintahan ay mapusok at hindi iniisip ang hinaharap. Ito ang naging rason para mapalapit ang loob niya sa nobya ng kaniyang kapatid na tumayo na ring ate niya.

Ilang buwan pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang nakapagtapos sa hayskul at wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang makaapak siya sa pinapangarap niyang paaralang pangkolehiyo dahil sa kaniyang kapatid at sa nobya nito.

Labis siyang nagpasalamat sa mga ito at nangakong pag-iigihan niya ang pag-aaral upang makabawi sa pagsasakripisyo ng dalawang ito na labis namang ikinatuwa ng kanilang ina.

Advertisement