Tinatamad Nang Magtrabaho ang Babaeng Ito sa Kanilang Opisina Kaya Naiisipan Na Niyang Magbitiw; Sino Kaya ang Nakapagpapigil sa Kaniya?
Wala pang 30 minuto sa kaniyang ginagawa ay tamad na tamad na si Cathy sa kaniyang ginagawa. Nagtatrabaho siya bilang isang empleyado sa isang opisina. Mabigat pa ang mga talukap ng kaniyang mga mata. Dalawang oras lamang ang tulog niya dahil nanood siya ng paborito niyang K-Drama sa kaniyang tablet.
Sa totoo lamang ay tamad na tamad na si Cathy sa kaniyang ginagawa. Pakiramdam niya kasi ay hindi na siya umuunlad bilang isang empleyado. Kaya sumasagi sa isipan niya ang pagbibitiw o resignation. Gusto niya munang magpahinga sa pagtatrabaho.
Naaalala niya, noong nasa kolehiyo pa siya, atat na atat na siyang makatapos ng pag-aaral, maghanap ng magandang trabaho, at kumita ng pera.
Gusto niyang makaipon upang makabili siya ng maraming mga damit, sapatos, at bag na naipagkait sa kaniya ng kahirapan.
Nais niyang makapag-impok upang makapaglakbay.
Kaya naman, pagkatapos na pagkatapos ng kanilang graduation, hanap kaagad siya ng trabaho. Pinalad namang makapasok, sa kompanyang kaniyang pinagtatrabahuhan hanggang ngayon.
Ayaw niyang magkaroon ng posisyon kaya nasa katamtaman lamang ang antas ng kagalingan sa pagganap ng kaniyang tungkulin. Sapat na sa kaniya ang kumita.
Bagay na pinagsisisihan niya. Napagtanto niyang mas naungusan pa siya sa promosyon ng mga bagito sa kanilang kompanya. Kung tutuusin, kayang-kaya naman niyang maging pinuno o tumanggap ng iba pang mga mapanghamong posisyon.
At ngayon nga, bagot na bagot na siya sa kaniyang mga ginagawa. Isang rotinaryo na lamang ang paggising sa umaga, pag-aayos, pagbiyahe, pagpasok sa trabaho, pagbiyahe na naman dahil sa pag-uwi, pagligo, at paulit-ulit.
Kaya naman, gusto na niyang mag-resign. Naniniwala siyang marami naman sigurong mga kompanya ang tatanggap sa kaniya. Subalit ang pumipigil sa kaniya para gawin iyon, ang isiping magsisimula na naman siyang mag-ayos ng mga papeles, sumagot sa mga pagsusulit, panayam, at panibagong pakikisama na naman.
“Napapansin ko na hindi ka na masyadong nag-oovertime ngayon?” tanong sa kaniya ng isang kasamahan.
“Ah oo, nakakatamad na eh. Mas gusto ko na lang magpahinga sa bahay,” tinatamad na tugon ni Cathy sa kasamahan.
“Uy alam mo ba, mababakante pala ang posisyon ng assistant supervisor. Alam mo, puwedeng-puwede ka na roon. Bakit hindi mo subuking mag-aplay?”
“Nabalitaan ko nga. Pero wala na akong interes sa mga ganiyan. Dagdag-alalahanin lang iyan. Oh siya sige ha, mauna na akong mag-time out sa iyo,” paalam ni Cathy sa kaniyang kasamahan upang matapos na ang kanilang pag-uusap.
Habang naglalakad sa daan ay napansin niya ang isang matandang tinderong nakatambay sa bangketa. Nakalatag sa harapan nito ang ilan sa mga hinabing mga sisidlan kagaya ng bayong, buslo, bag, kalupi, at marami pang iba. Napakagaganda ng mga iyon! Nabighani si Cathy na lapitan ang matanda at usisain ito.
“Kayo po ba ang gumagawa ng lahat ng ito, Manong?” usisa ni Cathy.
“Oo ako lahat iyan. Bili ka naman,” nakangiting alok ng matandang tindero.
“Sige ho, pabili naman ho ako ng isang bag,” sabi ni Cathy sabay turo sa naibigan niyang habing bag. Agad naman itong isinilid sa plastik ng matandang tindero. Nagulat si Cathy na 200 piso lamang ito.
“Ikaw ang una kong customer kaya 150 piso na lamang para sa iyo,” saad ng matandang tindero.
“Naku Manong, huwag na ho. Mas gusto ko nga pong dagdagan eh. Parang nabababaan po ako sa presyo. Masinsin po ang pagkakagawa ninyo.”
“Okay lang… masaya naman ako sa ginagawa ko. Ito talaga ang gusto ko, ang paghahabi. Kapag may mga nagagawa akong ganito at nagustuhan ng mga gaya mo, masayang-masaya na ako,” paliwanag ng matandang tindero.
Habang nasa biyahe si Cathy, tinitingnan niya ang kaniyang biniling hinabing bag mula sa matandang tindero. Pinagnilayan niya ang mga sinabi nito kanina.
Naisip niya, panay siya reklamong nakakatamad ang kaniyang mga ginagawa sa opisina at nakakainip, ngunit siya naman ang tumatanggi sa mga hamong ibinibigay sa kaniya, kagaya ng pagkakaroon ng posisyon.
Kung tutuusin, mas mapalad pa nga siya dahil may mga taong naniniwala sa kaniyang kakayahan. Subalit siya naman mismo ang nagtatakwil sa ideyang iyon.
Kaya naman, napagtanto ni Cathy na nasa kaniya rin ang problema kung bakit ganoon ang nararamdaman niya sa trabaho.
Kaya naman kinabukasan, inaplayan ni Cathy ang bakanteng posisyon ng pagiging assistant supervisor, at dahil maganda naman ang kaniyang pagtatrabaho ay tinanggap kaagad siya.
Naisip niya, hindi siya dapat tamarin sa trabaho dahil ito ay biyaya ng Maykapal sa kaniya. Maraming mga taong naghahangad na sana ay tinatamasa rin nila ang kaniyang mga nararanasan.
Simula noon ay mas pinagbuti pa ni Cathy ang kaniyang trabaho bilang assistant supervisor.