Laging Nagbabangayan ang Mag-asawang Ito sa Harapan ng Kanilang Anak na Babae; Nagulat Sila Nang Isang Araw, Hindi na Ito Makapagsalita
“Wala ka talagang kuwentang asawa! Puro ka pasarap sa buhay! Lumayas ka na rito!”
“Mas wala kang kuwentang asawa! Hindi ka na nga masarap magluto, bungangera ka pa!”
Nag-aaway na naman ang Mama at Papa ni Sharina. Araw-araw na lamang na ginawa ng Diyos, lagi silang nagbabangayan na parang aso at pusa. Kinuha ni Sharina ang kaniyang paboritong teddy bear at niyakap ito nang mahigpit.
Nag-iisang anak lamang si Sharina, kaya wala siyang makausap sa kanilang bahay kundi ang kaniyang mga laruan. Malungkot na malungkot siya dahil minsan na nga lang magkita ang kaniyang Mama at Papa, mag-aaway pa. Mga pag-aaway na paulit-ulit na lamang at tila ba walang katapusan.
“Sino ba kasi ang pinupuntahan mo sa mga kabarkada mo? Imbes na narito ka sa bahay para bantayan si Sharina, ganyan ka pa? Siguro may ibang babae ka ‘no?” sumbat ng Mama ni Sharina.
“Iyan, iyan ang hirap sa iyo. Ako na naman ang may kasalanan? Ako na naman ang pinaghinalaan mo? Oh paano kung sabihin ko sa iyong mayroon? Anong gagawin mo, aber?”
Isang matunog na sampal ang kumawala sa pisngi ng Papa ni Sharina. Nagulat din si Sharina sa ginawa ng kaniyang Mama.
“Hindi ka na nahiya! Nasa harapan ka ng anak mo tapos ganyan ang sasabihin mo?” hindi na napigilan ng kaniyang Mama ang pagluha.
“Ayusin mo kasi ang ugali mo para maging maayos ang pamilyang ito!” pabalagbag na umalis ang kaniyang Papa. Nilapitan naman siya ng kaniyang Mama at niyakap siya.
“Pagpasenyahan mo na ang Papa mo anak… pagpasensyahan mo na siya,” paghingi ng paumanhin ng kaniyang Mama.
Nais sanang magsalita ni Sharina subalit walang lumabas na kahit na anomang tinig sa kaniyang bibig. Pinilit niyang ibuka ang kaniyang mga labi at puwersahin ang kaniyang lalamunan upang maglabas ng tunog, subalit walang lumabas ni isa mang kataga.
“A-Anak… anong nangyayari sa iyo? Bakit hindi ka makapagsalita?” kinakabahang tanong ng kaniyang Mama sa kaniya.
Subalit hindi pa rin talaga makapagsalita si Sharina. Bumalisbis ang mga luha sa kaniyang mga mata.
Kaya naman, nagdesisyon na ang kaniyang Mama na dalhin sa ospital si Sharina. Matapos ang mga pagsusuri kay Sharina, kinausap nang masinsinan ng doktor ang kaniyang Mama.
“Misis, nagkaroon po ng trauma ang inyong anak, na nakaapekto sa kaniyang pagsasalita. Mayroon po ba siyang mga karanasan na sa palagay ninyo ay naging traumatic para sa kaniya?” tanong ng doktor.
“Naku dok, wala naman po kaming masamang ginagawa sa anak namin. Hindi naman po namin siya sinasaktan ng Papa niya. Lahat po ng mga gusto niyang materyal na bagay, ibinibigay po namin,” paliwanag naman nito.
“Pero baka po may nakikita siyang iba na ikinaka-trauma niya?”
Napipilan naman si Sheryl, ang Mama ni Sharina.
“Madalas po kasi kaming mag-away ng mister ko. Minsan po sa harapan niya. Kanina po, nasampal ko po ang mister ko dahil may napagtalunan kami, at nakita po niya,” pag-amin ni Sheryl.
“Marahil iyon po ang naging dahilan kung bakit nakararanas ngayon ng trauma ang bata, lalo na po kung wala siyang mapagsabihang iba sa kaniyang pinagdaraanan. Nabanggit nga po ninyo na madalas ay naiiwan siyang mag-isa sa bahay dahil nga wala siyang kapatid. Kaya ang nararapat pong gawin, iwasan na po ninyong mag-asawa ang pag-aaway sa harapan niya para maibalik po natin ang pagsasalita niya.”
At ganoon na nga ang ginawa ni Sheryl. Pag-uwi sa bahay, masinsinan niyang kinausap ang mister na si Joselito. Idinetalye niya rito ang mga sinabi ng doktor sa kaniya hinggil sa kondisyon ng kanilang anak na si Sharina.
“Kailangan nga siguro nating bawas-bawasan ang mga away natin. Hindi natin napapansin na ang naaapektuhan ay ang anak natin. Kawawa naman si Sharina,” nasabi na lamang ni Joselito.
“Alang-alang sa anak natin. Alang-alang kay Sharina. Isalba natin ang relasyong ito,” pagsang-ayon ni Sheryl.
At iyon na nga ang simula. Bumawi ang mag-asawang Sheryl at Joselito kay Sharina. Hindi na sila nag-aaway.
Lagi na silang lumalabas na mag-anak. Namamasyal sila sa mall, sa iba’t ibang lugar.
Sa tingin ng mag-asawa naging ‘blessing in disguise’ ang nangyari kay Sharina dahil pinagbuklod silang mag-asawa. Mas kinilala nila ang isa’t isa, at bumalik sila sa kanilang pangakong mamahalin nila ang isa’t isa bilang mag-asawa, sa hirap at ginhawa.
Kaya naman, hindi nakapagtatakang bumalik na ulit sa normal ang pagsasalita ni Sharina, dahil unti-unting nawala ang kaniyang trauma, sa tulong na rin ng espesyalista.
Simula noon ay hindi na nag-away ang mag-asawa at inilaan ang kanilang mga oras at panahon sa pag-aalaga kay Sharina, na ilang buwan na lamang ay magkakaroon na rin ng nakababatang kapatid.