Inday TrendingInday Trending
Napakanta Nang ‘Di Oras ang Kasambahay na Ito sa Loob ng Isang Mall; Bakit Kaya Pinagkulumpunan Siya ng Maraming Tao?

Napakanta Nang ‘Di Oras ang Kasambahay na Ito sa Loob ng Isang Mall; Bakit Kaya Pinagkulumpunan Siya ng Maraming Tao?

Katatapos lamang mamili ng mga ipapaninda sa maliit na tindahan ng kaniyang amo ang kasambahay na si Daisy. Nasa supermarket siya ng isang sikat na mall. Ipinasya niyang maglakad-lakad sandali at mamasyal nang kaunti, samantalahin ang pagkakataon na nasa loob na siya ng pasyalan.

Habang tulak-tulak niya ang malaking pushcart na naglalaman ng kaniyang mga pinamili, hindi maiwasan ni Daisy ang paglalakbay ng kaniyang imahinasyon. Iniisip niya na siya talaga ang may-ari ng mga pinamiling iyon, na iuuwi niya ang mga iyon sa kaniyang pamilya na nasa Negros Occidental.

18 taong gulang pa lamang si Daisy nang magbaka-sakali siyang makatisod nang magandang kapalaran sa Maynila. Tipikal na ginagawa ng mga kagaya niyang probinsyana. Pakiramdam niya, mababago ang buhay niya kapag nasa Maynila siya.

Hindi naging madali ang paghahanap niya ng trabaho. Mabuti na lamang at matiyaga siya sa paghahanap-hanap sa mga palengke. Nakuha siyang kasambahay. Dalawang taon na siya roon. Mababait naman ang kaniyang mga apo at maayos naman ang trato at pasahod sa kaniya.

Masasabing kontento naman siya sa kung anong trabaho ang mayroon siya, subalit syempre, naghahangad din naman siya na mas mapabuti pa ang kanilang buhay. Matatanda na ang kaniyang mga magulang, at ayaw na niya sana silang pagtrabahuhin. Isang mangingisda ang kaniyang ama at ang kaniyang ina naman ay gumagawa at nagtitinda ng mga bagoong at patis.

Naniniwala si Daisy na darating din ang kaniyang panahon. Marami siyang pangarap. Pangarap niyang mapagawa ang kanilang luma at giray na bahay. Pangarap niyang madala sa Maynila ang mga magulang at maipasyal ito sa mga malls, maipamasahe ang mga ito, o kaya naman ay madala sa mga mamahaling restawran. Pangarap niyang makapag-grocery ng lagpas sa dalawang libong piso kagaya ng ginagawa niya para sa mga paninda ng kaniyang amo.

Habang siya ay naglalakad, naraanan niya ang isang sales agent na nakatoka sa isang ‘magic microphone’ na ginagamit sa mga videoke.

“Hi Ma’am, baka gusto mong kumanta,” alok ng beking ahente sa kaniya.

Matagal-tagal na nga siyang hindi nakakapag-videoke. Ang huling videoke niya ay sa Negros pa, sa reception ng kasal ng kanilang kapitbahay.

“Puwede ba, kuya? Hindi ba nakakahiya?”

“Naku hindi. Sige lang.”

Noong una ay nahihiya pa si Daisy. Pero ibinigay na sa kaniya ng ahente ang magic microphone. Ibinigay niya ang paboritong kanta. Maya-maya, umawit na siya.

Sa kaniyang pagkanta, napukaw niya ang atensyon ng lahat. Napatingin sa kaniya ang mga kahera, ang mga naglalakad, at iba pang mga naroon. Napakaganda pala ng tinig ni Daisy! Kaya naman, matapos ang kaniyang pagkanta, nagulat siya dahil nagpalakpalakan ang mga tao sa kaniyang paligid at may sumisigaw pang ‘More! More!’

“Nahiya ka pa nang lagay na ‘yan ah. Ang ganda-ganda ng boses mo, Ma’am! Isa pa raw sabi nila,” papuri ng beking ahente.

Bagay na pinagbigyan naman ni Daisy. Marami sa mga nakikiusyoso sa kaniya ay nakatapat na ang mga cellphone upang kuhanan siya ng video, kaya naman mas lalo niyang ginalingan sa pagkanta.

Kagaya sa naunang pagkanta, pinalakpakan ulit siya ng mga nakapalibot na manonood sa kaniya.

“Galing mo Ma’am! Bakit hindi ka mag-artista, o kaya sumali ka sa mga singing contest sa TV, tiyak na mananalo ka!” papuri sa kaniya ng beking ahente.

“Naku, salamat ha? Mahiyain kasi ako eh. Takot akong madiscover,” pagbibiro ni Daisy.

“Alisin natin ang hiya at takot mo, Miss.”

Napalingon si Daisy at ang beking ahente sa isang babaeng tantiya niya ay nasa 40 hanggang 50 taong gulang. Mukha naman itong maayos at matinong kausap.

“Linda Madriaga ang pangalan ko, isa akong talent manager. Napakinggan ko ang boses mo, at masasabi kong puwedeng-puwede kang maging isa sa mga tinitingalang mang-aawit ng Pilipinas. Kung may panahon ka, usap tayo,” saad ng talent manager. Iniabot nito ang calling card sa kaniya.

“Naku Miss, kung ako sa iyo, sunggaban mo na iyan!” panghihikayat sa kaniya ng beking ahente.

“Sige pag-iisipan ko, magpapaalam muna ako sa amo ko, baka kasi hindi ako payagan,” tugon naman ni Daisy.

Kaya nang sabihin niya sa kaniyang amo ang nangyari, buong-puso ang suporta nito sa kaniya.

“Sunggaban mo na iyan. Minsan lang dumating ang mga ganyang pagkakataon,” tuwang-tuwang pahayag ng kaniyang amo.

Kaya naman, nakipagkita si Daisy kay Linda at napag-usapan nga nila ang tungkol sa inaalok nitong paghulma sa kaniya bilang bagong tuklas na mang-aawit. Pumayag si Daisy.

Para sa kaniyang sarili…

Para sa kaniyang mga pangarap…

Para sa kaniyang pamilya.

Matuling lumipas ang tatlong taon.

Heto na ngayon si Daisy, sikat na sikat, maraming guestings at show sa loob at labas ng bansa, at kinuha pang regular na mang-aawit sa isang musical variety show ng isang TV network na napapanood tuwing Sabado at Linggo.

Nakapagpundar na siya ng sariling bahay, at hindi lamang basta bahay, kundi pagkalaki-laking bahay!

May sarili na siyang kotse.

Naipaayos na rin niya ang kanilang bahay sa probinsya.

Higit sa lahat, lagi na ring bultuhan ang mga naipapamili niyang grocery para sa sarili at para sa pamilya.

Sa kabila ng kasikatan at karangyaan, hindi pa rin nakalilimot si Daisy sa kaniyang pinanggalingan. Maya’t maya ang dalaw niya sa kaniyang dating amo gayundin sa beking ahente na naging presidente ng kaniyang fans’ club, na naging kaibigan na rin niya.

Kaya naman, tiyak ang pag-asenso ng taong may nakabibilib na talento at mabuting puso!

Advertisement