Laging Binabara at Kinokontra ng CEO ang COO Niya sa Kaniyang Kompanya; May Personal Nga Ba Silang Hidwaan?
“Iyan lang? Iyan lang ang sasabihin mo sa amin?”
Napahinto sa kaniyang business presentation si Charles Alcaraz, 32 taong gulang at COO ng kompanyang gumagawa ng iba’t ibang mga mamahaling alahas, iyon. Inilalahad niya sa harapan ng mga miyembro ng board, ang kaniyang business proposal na pag-eexpand ng kanilang mga produkto sa iba pang mga bansa sa Timog Silangang Asya. Sinansala na kaagad siya ng kanilang CEO na si Enrique Madrigal, 52 taong gulang.
“E-Excuse me, sir?”
“Well, to be honest… maganda naman ang mungkahi mo. Maganda ang mga disenyo ng mga alahas mo. Pagbati sa mga kinuha mong jewelry designers. Naisip nilang pagsamahin ang perlas at ginto, na bihira lamang gawin,” paliwanag ni Enrique.
“M-Maraming salamat po, sir. Kaya nga po…”
“Pero sa kabilang banda,” putol ni Enrique sa sasabihin ng COO ng kompanya. “Risky iyan. Palagay ko, hindi iyan magiging matagumpay.”
“With all due respect sir, dapat po hindi lang tayo tumitigil sa kung ano ang mga nakasanayan natin. Dapat marunong tayo sa inobasyon. Kailangang may makitang bago ang mga tao sa produkto natin dahil madali silang magsawa. Kailangan, sumasabay tayo sa trend ngayon,” depensa ni Enrique sa kaniyang business proposal. Hindi siya puwedeng magpatalo sa CEO.
“Tama ka naman diyan, Mr. Alcaraz. Kailangan nating mag-isip ng mga bagong inobasyon, na tiyak na kakagatin ng mga customers. Kailangan nating sumabay sa trend, gaya nga ng sinasabi mo. Pero tatandaan mo rin na nakilala at minahal ang mga produkto at kompanya natin dahil ibinibigay natin sa kanila ang mga klasikong bagay, kagaya ng mga alahas natin,” paliwanag ni Enrique.
Natahimik si Charles. Nakatingin lamang sa kanila ang mga miyembro ng board ng kanilang kompanya.
“Trends are fleeting, but the classics are timeless. Palagay ko, kailangan muna nating ipakilala ang mga produkto natin sa mga kalapit na bansa, gaya ng Indonesia, Malaysia, at Taiwan. Saka tayo mag-market sa mga bansang medyo malalayo na. Baka kasi malugi tayo kapag sumugal tayo riyan. Sa ngayon, isantabi muna natin iyan,” giit ng CEO na si Enrique.
“Pero wala namang mawawala kung susubukin natin. Let us give this project a chance!” laban pa ni Charles.
“Malaki ang mawawala sa pondo ng kompanya kapag ipinilit natin ang gusto mo, Mr. Alcaraz. Sa ngayon, isantabi muna natin. Hindi ko naman sinasabing ibasura na natin. Hindi pa panahon iyan,” desisyon ni Enrique na siya ring may-ari ng kompanya.
At wala na ngang nagawa si Charles. Gusto niyang lumubog sa kaniyang kinatatayuan. Hanggang kailan nga ba niya patutunayan sa kanilang CEO na karapat-dapat siya sa kaniyang posisyon bilang COO, at balang araw, siya naman ang hahalili rito?
Matapos ang board meeting na iyon, hindi agad umuwi si Charles. Nakipagkita muna siya sa kaniyang mga kaibigan. Kaunting inuman, bago siya nagdesisyong umuwi.
“Sa susunod, huwag kang magmamaneho kung nakainom ka. Gusto mo ba akong mawalan ng COO sa kompanya?”
Napalingon si Charles sa pinagmulan ng tinig. Ang kaniyang Papa. Si Enrique Madrigal.
“Hi sir… kumusta po? Good evening, sir…” sarkastikong bati ni Charles sa kaniyang Papa, at kunwari ay nagpatirapa pa siya nang bahagya.
“Huwag mo akong tawaging sir, wala tayo sa opisina. Wala tayo sa pulong. Manang, yelo nga…” tawag ni Enrique sa kaniyang kasambahay.
“Lagi mo na lang akong pinapahiya sa board, Pa. Hindi ba ako karapat-dapat sa posisyon ko bilang COO mo? Imbes na suportahan mo ako, lagi mo akong pinapahiya sa kanila. Ipinamumukha mo sa akin na Alcaraz ako at Madrigal ka. Na hanggang ngayon, apelyido ng dati mong karelasyon ang dala-dala ko, at hindi ang apelyido mong tinitingala!” maya-maya ay sumbat ni Charles sa kaniyang Papa.
Sanay naman si Charles na laging binabara ni Enrique sa kanilang board meeting subalit ito na yata ang sukdulan ng lahat. Karaniwan kasi, tahimik lamang si Charles kapag may hinanakit siya sa ama, na kaniya ring boss. Ngunit kakaiba ngayon dahil sumulak na ang kinikimkim na damdamin ng anak.
“Aminin mo na… hanggang ngayon, ikinahihiya mo ako na anak mo ko, kaya hanggang ngayon, walang nakakaalam sa opisina na anak mo ako,” sumbat ni Charles.
Nagitla si Enrique sa sinabi ng kaniyang anak.
“Charles, anak… simula nang mawala ang Mama mo at kupkupin kita, nakita ko sa iyo ang isang malaking potensyal. Kaya naman, isinabak na kaagad kita sa pagsasanay. Sinadya nating panatilihin ang apelyido mo dahil ayaw nating may masabi ang mga empleyado na dahil anak kita, ikaw ang magmamana ng kompanya.”
“Pero pinatunayan mong karapat-dapat ka. Nagsimula ka lamang bilang simpleng empleyado. Walang nakakaalam na anak kita. Hanggang sa unti-unti, sila na mismo ang nagmungkahing itaas ka nang tungkulin. Look at you now, ikaw na ang COO. Sinong mag-aakalang anak kita?” paliwanag ni Enrique.
“Yeah. I guess, hindi ka talaga proud sa akin.”
“Anong hindi? Ipinagmamalaki kita, sobra-sobra.”
“Lagi mong binabara o kinokontra ang mga proposal ko.”
Napahinga nang malalim si Enrique.
“Tatandaan mo anak. Ang mga brilyante natin, dumadaan sa masalimuot na proseso para maging mas maganda. Dumadaan sa apoy para mapakinang. Hindi biro ang pagdidisenyo ng ating mga alahas bago maipakita ang ganda ng mga kombinasyon. Ganoon din ang pagsasanay ko sa iyo, anak.”
“Kapag wala na ako, magiging kampante akong sa iyo mapupunta ang posisyon ko at ang kompanya dahil ikaw talaga ang karapat-dapat, at hindi dahil sa anak kita,” huling paliwanag ni Enrique.
Umiiyak na niyakap ni Charles ang kaniyang ama.
Sa pagdiriwang ng araw ng pagkakatatag ng kompanya, inihayag ni Enrique sa lahat na si Charles ay kaniyang anak, at ito ang magiging CEO ng kompanya at papalit sa kaniya, kapag dumating ang puntong iyon, bagay na ikinasiya naman ng lahat dahil talaga namang mahusay si Charles. Nasa dugo nito ang pagiging mahusay sa negosyo, dahil anak niya ito.