Inday TrendingInday Trending
Nagagalit ang Misis na Ito sa Kaniyang Mister Dahil Nagbitiw Ito sa Trabaho at Walang Ginawa Kundi Maglaro ng Online Games; Maging Dahilan Kaya Ito ng Kanilang Hiwalayan?

Nagagalit ang Misis na Ito sa Kaniyang Mister Dahil Nagbitiw Ito sa Trabaho at Walang Ginawa Kundi Maglaro ng Online Games; Maging Dahilan Kaya Ito ng Kanilang Hiwalayan?

“Imbes na maghanap ka ng trabaho, puro paglalaro ng online games ang inaatupag mo!”

Umagang-umaga pa lamang subalit sumusulak na ang dugo ni Maritess sa kaniyang mister na si Nuelan. Pagkagising na pagkagising kasi nito, matapos lamang na makapagmumog ay dumiretso na ito sa isang sulok ng kanilang bahay kung saan naroon ang kanilang computer. Naglaro na kaagad ito ng paborito nitong online games.

Nagbitiw sa kaniyang trabaho si Nuelan. Sawa na raw ito sa araw-araw na ginagawa sa trabaho bilang isang ahente. Akala ni Maritess, ilalaan ni Nuelan ang oras at araw nitong bakante sa paghahanap ng panibagong mapapasukan. Subalit makalipas ang tatlong buwang nakatengga, wala na itong inatupag kundi ang maglaro ng online games.

Matagal nang kinahihiligan ng mister ang paglalaro nito, subalit tila mas malala ngayon, kung kailan naman kasal na sila at may dalawa na silang maliliit na anak. Nangangamba siyang baka maubos ang kanilang kaunting naipon kung wala namang stable na trabaho ang mister.

“Ang aga-aga naman nagagalit na kaagad ang misis ko. Kulang yata sa lambing eh,” agad na sabi ni Nuelan nang mapansing tila ‘umuusok na ang ilong’ ni Maritess. Agad itong tumayo at niyakap siya. Kung may isang bagay na nakapagpapahupa kay Maritess, ito ang pagiging malambing at makarinyo ni Nuelan.

“Eh ano bang balak mo sa buhay? Tatlong buwan ka nang nandito lang sa bahay. Para kang walang pamilya ah. Wala ka bang balak humanap ng trabaho? Kung ayaw mong magtrabaho, ako na lang ang hahanap, gusto mo ba?”

“Magtiwala ka lang sa akin, Mahal. Alam ko ang ginagawa ko. Hayaan mo lang akong maglaro nang maglaro.”

“Bakit? May napapala ka ba sa kakalarong iyan? Tumataas ang bill ng kuryente natin. Buti sana kung may inaasahan kang pera buwan-buwan para pambayad eh wala naman kasi nga wala kang trabaho. Mauubos ang perang ipon natin, mag-aaral na ang mga bata,” nababahalang giit pa ni Maritess. Nakahalukipkip na ito.

“Mahal… hindi ba’t sabi ko sa iyo magtiwala ka sa akin? Malalaman mo rin kung may mapapala ako rito o wala sa ginagawa ko. Magtiwala ka lang sa akin. Hinding-hindi ko kayo pababayaan ng mga anak natin.”

“Siguraduhin mo lang… kung hindi, iiwanan kita! Hahanap ako ng ibang lalaki, gusto mo ba ‘yon?” pagbabanta ni Maritess.

“Ay huwag namang ganyan, Mahal. Matitiis mo ba ako eh, ang alam mo namang ang galing-galing kong mag…”

“Tumigil ka na nga at baka marinig ka ng mga bata! Sige na, magluluto na ako ng almusal para naman may enerhiya ka sa kakalaro mo!” naiinis na saad ni Maritess.

Napapailing na lamang siya kapag nakikita niya ang kaniyang mister na nakatutok ang mga mata at atensyon sa kaniyang paglalaro.

Hanggang isang araw…

“Mahal, bilisan mo na… may pupuntahan tayo…”

“Saan?”

“Basta… sorpresa ko sa iyo.”

Ilang oras ang binyahe ng mag-asawa bago makarating sa isang malaking bakanteng lupa.

“Ang laki naman ng lupa… bakit mo ipinapakita ito?” tanong ni Maritess sa kaniyang mister.

“Sa atin na ito, nabili ko na. Dito natin itatayo ang pangarap nating bahay, Mahal. Hindi na tayo rerenta pa,” saad ni Nuelan.

Bahagya siyang binatukan ni Maritess.

“B-Bakit mo ‘ko binatukan?”

“Pangarap nga talaga dahil wala ka namang trabaho! Saan ka kukuha ng perang pampagawa nito, aber? Nasaan ang titulo nito kung talagang sa iyo na?”

Kinuha ni Nuelan ang isang mahabang brown envelope. Iniabot kay Maritess. Inilabas naman ni Maritess ang papel sa loob nito. Nanlaki ang kaniyang mga mata. Naitutop niya ang kanang kamay sa kaniyang bibig.

T-Totoo nga! Sa atin na ito? Paano nangyari iyon?” naiiyak sa tuwa si Maritess. Hindi siya makapaniwala.

“Mahal, kumikita ako nang malaking pera dahil sa online games. Ang tawag doon, ‘pabuhat.’ May mga inaalagaan akong characters na ako ang naglalaro para sa mga may kakayahang magbayad, pero walang oras para maglaro. Nagbabayad sila sa akin. Ganoon na ang uso ngayon.”

“Kaya huwag mong maliitin ang mga online gamers dahil iyan na ang hinihingi ng panahon ngayon. Heto, nakaipon na tayo, may pampagawa na tayo ng bahay,” paliwanag ni Nuelan.

Dahil sa mga naipon ni Nuelan sa kaniyang karera sa online games, nasimulan na ang pagpapatayo ng kanilang bahay.

Hindi lamang iyon. Dahil mahusay rin siya sa animation, nag-aplay pa rin siya ng trabaho sa isang kompanya ng online game bilang animator. Tungkulin niyang mag-isip at gumawa ng mga panibagong karakter, disenyo, o detalye na makikita sa isang tipikal na online game. Lalong naging maginhawa ang kanilang buhay dahil ginamit niya sa pagkita ng pera ang gawaing noong una’y isang hilig lamang.

Advertisement