Inday TrendingInday Trending
Sumusobra na sa Pang-aapi ang “Siga” Niyang Kaibigan Ngunit Takot Siyang Pagsabihan Ito; Isang Pangyayari ang Magpapalakas ng Loob Niyang Magsalita para sa Tama

Sumusobra na sa Pang-aapi ang “Siga” Niyang Kaibigan Ngunit Takot Siyang Pagsabihan Ito; Isang Pangyayari ang Magpapalakas ng Loob Niyang Magsalita para sa Tama

Kitang-kita ni Roy kung paano sinipa ng kabarkada nilang si Greg ang isa sa kanilang mga kaeskuwela, dahil lamang sa hindi nito panlilibre sa kaniya kanina sa canteen. Nakadama siya ng awa sa panibago na namang biktima ng pambu-bully ng sigang si Greg na siya ring nagsisilbing leader ng kanilang grupo.

Kilala ang grupo nila bilang mga siga at basagulerong mahilig magdala ng gulo sa campus, at kabilang doon si Roy. Ang totoo ay hindi naman talaga masama ang kaniyang ugali, katulad ng ibang mga kagrupo niya. Sa katunayan ay masipag mag-aral si Roy at isang masunuring anak pagdating sa kanilang bahay… at ang mga katulad niya ang paboritong i-bully nina Greg noon.

Ayaw ni Roy na maranasan ang pasakit na dulot ng grupo nina Greg, kaya naman imbes ay sumali na lamang siya sa kanila. ‘Ika nga sa isang kasabihan, “If you can’t beat them, join them,” at iyon nga nga ang eksaktong ginawa niya.

Ngunit habang tumatagal ay hindi na kinakaya ng konsensya ni Roy ang mga ginagawa ng kaniyang kagrupo. Madalas nga ay nagdadahilan na lamang siya sa mga ito upang hindi siya makasama sa tuwing may bibiktimahin silang kaeskuwela. Ayaw ni Roy sa mga ginagawa nina Greg, ngunit natatakot naman siyang salungatin ito, dahil baka siya naman ang pagbalingan nila ng galit. Aminado si Roy na isa siyang duwag. Talagang natatakot siya sa maaaring gawin sa kaniya ng grupo nina Greg kung sakaling salungatin niya ang kanilang ginagawang kabulastugan.

Ngunit tila ba tadhana na mismo ang gumagawa ng paraan upang sa wakas ay magawa nang harapin ni Roy ang kaniyang kinatatakutan.

Lumipat sa pinapasukan niyang eskuwelahan ang pinsan niyang si Isaac. ’Tulad ni Roy ay isa rin itong masipag at mabait na binata, kaya lang ay medyo may pagkalampa. Alam na alam ni Roy na ang mga katulad ng pinsan niya ang paboritong bully-hin nina Greg. Todo bantay si Roy sa kaniyang pinsan, ngunit hindi pa rin nito napigilan ang kasamaan ng ugali nina Greg. Sa huli ay pinuntirya pa rin nila ito.

“Kaanu-ano mo ang lampayatot na ’to, Roy?” nakangising tanong ni Greg kay Roy nang mamataan sila nitong magkasama ni Isaac.

“Greg, please, huwag ang pinsan ko,” agad namang pakiusap ni Roy sa sigang kaeskuwela, ngunit tinawanan lamang siya nito.

“Pinsan mo pala ’yan?” tatangu-tangong sabi pa ni Greg. “Na-disappoint naman ako, Roy. Bakit may pinsan kang lalamya-lamya? Bakit hindi mo turuang maging matigas na lalaki ’yan?”

Maya-maya pa, hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang grupo nina Greg at sinimulan na nilang gulpihin ang kaniyang pinsan sa kaniyang harapan. Wala siyang magawa, dahil hinawakan siya ng dalawa sa mga kabarkada ni Greg upang hindi niya maipagtanggol si Isaac.

Tumigil lamang sina Greg nang mapansin nilang tila kinakapos ng hininga si Isaac. Nanlaki naman ang mga mata ni Roy, dahil naalala niyang may sakit nga palang asthma ang kaniyang pinsan!

Nag-panic ang lahat. Binitiwan ng mga humahawak sa kaniya si Roy kaya’t mabilis niyang dinaluhan ang kaniyang pinsan. Nagtatakbuhan na ang grupo nina Greg, ngunit nagawa pa itong mag-iwan ng banta sa kaniya…

“Huwag kang magsusumbong na kami ang may gawa n’yan sa pinsan mo, kundi ay malilintikan ka sa amin,” sabi nito bago sumibat, habang naiwan naman si Roy na nanggagalaiti.

Mabuti na lamang at may malapit na ospital sa pinangyarihan ng engkuwentro nila sa grupo nina Greg kaya agad niyang nadala si Isaac sa ospital at mabilis itong nalapatan ng lunas. Ilang sandali pa at napasugod na rin doon ang kanilang mga magulang, pati na rin ang guidance counselor ng kanilang eskuwelahan.

Sa pagkakataong ito ay hindi na pinairal pa ni Roy ang takot niya sa grupo nina Greg. Inilabas niya ang isang maliit na body camera, kung saan niya inire-record noon pa man ang mga pambu-bully na ginagawa nina Greg sa kanilang mga kaeskuwela. Naisip kasi ni Roy na baka dumating ang araw na magamit niya ito bilang ebidensya, at mukhang ito na ang panahong iyon. Napagtanto ni Roy na hindi naman pala kailangang daanin sa dahas o pisikalan ang pakikipaglaban sa mga abusado. Minsan, ang kailangan mo lang talagang gawin ay magsabi ng totoo at maging matapang na panindigan ang tama.

Matibay na ebidensya ang inilabas na iyon ni Roy, kaya naman sa lalong madaling panahon, ang grupo nina Greg ay agad nang nahuli ng pulisya. Tutal ay karamihan sa mga ito ay nasa legal na edad na, maaari na silang maging bahagi ng piitan. Iyon ang kabayaran sa kanilang mga kasalanan.

Advertisement