Sumali sa Isang Singing Contest ang Isang Lalaking Utal kung Magsalita at Dahil Doon ay Marami ang sa Kaniya ay Nangutya; Hahangaan Pala Nila ang Angkin Nitong Talento
“Ano kamo? Sasali ka?” tanong sa kaniya ng isa sa mga staff na naroon sa registration desk ng event na nagaganap ngayon sa kanilang eskuwelahan. Animo ito hindi makapaniwalang sasali nga siya sa singing contest na gaganapin mamaya, na kabilang sa mga programa ng naturang event.
Napakamot naman sa kaniyang ulo si Aldrin. “Ah… o-opo. O-open naman p-po sa la-lahat, ’di ba?” tanong pa niya kaya napilitang tumango ang kausap. Akmang magpi-fill up na sana si Aldrin nang bigla niyang marinig ang malakas na pag-uusap ng ilang mga kaeskuwela niya tungkol sa kaniya!
“Hala, tingnan n’yo si buyoy, balak pa yatang sumali sa singing contest!” Sinundan ng malalakas na hagalpakan ang pagkasabing iyon ng nakikilala niyang si Anton, kilalang bully sa kanilang eskwela. Kasama nito ang mga kabarkadang sunod-sunuran lang naman din sa kaniya na animo mga walang sariling desisyon sa buhay.
“Paano kaya kakanta nang maayos ’yan, e, palagi namang utal ’yan?” komento naman ng isa pa.
Napailing na lang si Aldrin. Dahil sa kaniyang mga narinig ay tila lalong lumakas ang loob niya na sumali sa contest. Noong una ay ang papremyong pera lang naman ang habol niya kung bakit siya sasali roon. Malaki-laki na rin kasi ang premyong limang libo kung tutuusin, lalo na at nawalan ng trabaho ang kaniyang ama kahapon lang. Ngunit ngayon ay hindi na lamang iyon ang kaniyang dahilan. Gusto niyang ipakita sa lahat na kahit ipinanganak siyang utal kung magsalita ay maaari din naman siyang magkaroon ng talentong maaari nilang hangaan o palakpakan.
Nagsimula ang singing contest noong mga bandang hapon na, bilang huling programa para sa nagaganap ngayong event. Nagsimulang bumirit ang mga kalahok. Nang makita ni Aldrin kung gaano kagagaling ang kaniyang mga kalaban ay ganoon na lang ang mabilis na pagkalabog ng kaniyang dibdib sa kaba. Alam niyang mahihirapan siyang talunin ang mga ito, ngunit kailangan niyang magtiwala sa kaniyang sarili.
Huling tinawag sa stage si Aldrin. Habang pumapanhik siya sa entablado ay hindi nakaligtas sa kaniyang pandinig ang pagsigaw ng grupo nina Anton ng “boo!” para lang siya ay insultuhin. Ngunit hindi siya nagpatinag. Tumayo si Aldrin sa stage, nang taas-noo at may kumpiyansa sa sarili, habang sukbit ang gitarang hiniram niya lamang kanina sa isa ring kapwa niya contestant na masaya namang nagpaunlak.
“A-ang k-kakantahin ko p-po ngayon a-ay isang k-kanta mula s-sa sarili ko pong k-komposisyon, n-na may titulong Espesyal…” Tatlong taon na mula nang maisulat ni Aldrin ang kantang iyon na nagpapatungkol sa pinagdaraanan ng isang katulad niyang ipinanganak na may kapintasan. Ito ang napili niyang awitin upang kahit man lang sa lyrics ng kaniyang awitin ay maipabatid niya sa lahat ang mga gusto niyang sabihin na matagal na niyang kinimkim.
Matapos sabihin iyon ay nagsimula na niyang kalabitin ang hawak na gitara…
“Nananahimik, hindi na lang nagsasalita. Nauutal, ’di mapigil, dahil espesyal…”
Ipinikit ni Aldrin ang kaniyang mga mata habang sinasambit ang unang mga liriko ng kaniyang isinulat na awitin. Samantala, unang buka pa lang ng bibig ni Aldrin ay napanganga na ang mga manunuod, dahil tila ba biglang nagamot ang pagiging utal nito habang siya kumakanta. Bukod pa sa napakaganda talaga ng boses ng binata. Napakalamig at napakasarap pakinggan!
“Nahihiyang magpakita, ako’y natatakot…
Kumakabog ang dibdib, kaba’y bumabalot.
Laman ng puso’y itinatago nang matagal,
Nauutal, ’di mapigil, dahil espesyal…”
Sa bawat pagsambit ni Aldrin sa mga liriko ng kantang ’yon ay ang siya ring pagpatak ng luha mula sa kaniyang mga mata. Dahil sa wakas, makalipas ang mahabang panahon, nagawa niyang ibahagi ang damdamin niya sa iba, sa pamamagitan ng musika.
Punong-puno ng emosyon ang performance na iyon ni Aldrin at talaga namang dalang-dala sa kaniya ang mga manunuod. Noong katagalan nga’y sumasabay na ang mga ito sa pag-awit niya at iwinawagayway ang kanilang mga kamay sa ere habang nakapikit.
Labis na paghanga ang nakamit ni Aldrin matapos ang performance niyang iyon. Bukod pa sa siya ang itinanghal na kampyon ng nasabing patimpalak ay nagkaroon pa siya ng napakaraming offer upang sumali sa mga banda sa kanilang eskuwelahan.
Maging ang grupo nina Anton ay hindi naitangging, sila man ay nadala sa naging performance nito. Bukod pa roon ay naintindihan nila ang damdamin ni Aldrin at nagsisi sila sa mga ginawa nilang pang-aapi sa binata.
Oo nga’t kakaiba ang mga taong katulad ni Aldrin, ngunit sila ay espesyal, na ’tulad ng normal na mga tao’y dapat ding bigyan ng tamang respeto.