Hindi Nakinig ang Ama sa Sumbong ng Kanilang Anak na may Kakaibang Elemento sa Kanilang Tinitirahan; Isang Nakakakilabot na Pangyayari ang Magbubukas ng Kaniyang Isip
Kumaripas nang takbo ang mag-asawang Sally at Jose sa kwarto ng kanilang panganay na anak na si Melissa, matapos nilang makarinig ng malakas na pagtili mula rito. Dis-oras na ng hating gabi kaya naman kinabahan talaga ang mag-asawa.
Pwersahang binuksan ni Jose ang pintuan ng kwarto ni Melissa at doon ay naabutan nila ang kanilang anak na nakanganga at nahihintakutan habang nakatitig sa bukas niyang bintana.
“Melissa, ano’ng nangyari?!” tanong ng inang si Sally sa anak. Mukhang agad naman itong nakahinga nang maluwag nang marinig ang tinig ng mga magulang. Agad itong tumalon paalis sa kaniyang kama at yumakap sa kanila.
“M-may nakasilip po sa bintana ko, Mama! Pangit siya… maputik ang katawan at nanlilisik ang mga mata!” tarantang sumbong pa ni Melissa sa ina. “M-maligno! Maligno po ’yon, Mama!”
Marahas na napahilamos sa kaniyang mukha si Jose sa narinig na tinuran ng kaniyang anak. “Melissa, ano ba’ng pinagsasasabi mo?! Anong maligno? Alam mo, dahil ’yan sa kapapanuod mo ng horror videos d;yan sa cellphone mo! Puyat ka kasi nang puyat kaya kung anu-anong nakikita mo!” galit na paglilitanya pa ni Jose sa anak bago kinumpiska ang cellphone nito. “Akin na nga ’yang cellphone mo! Matulog ka na!”
“Papa, maniwala kayo sa akin! Una pa lang, sinasabi ko na sa inyo na may kakaiba sa bahay na ito! May kasama tayong maligno rito!” ngunit giit pa rin ni Melissa.
Tila bingi naman sa pakiusap ng anak si Jose. Si Sally naman ay hindi alam kung maniniwala ba siya sa anak o hindi. Isang linggo pa lang buhat nang lumipat sila sa bahay na iyon na pinauupahan lamang ng mura ng may-ari, kaya naman laking tipid nila sa gastusin. Pagkatapos ay heto namang si Melissa ang nagiging hadlang.
“Mahal, baka naman totoong may nakikita sa bahay na ’to ang anak mo.” Sinubukang kausapin ni Sally ang kaniyang mister.
“Pati ba naman ikaw, nagpapapaniwala ka riyan sa anak mo? Sigurado akong ginagawa niya lang ’yan dahil gusto niyang bumalik tayo sa dati nating bahay para magawa niya ang lahat ng gusto niya.” Malapit kasi sa mga kaibigan ni Melissa ang dati nilang inuupahang bahay.
Ilang araw pa ang lumipas at nanatili pa ring ganoon ang mga akto ni Melissa. Animo ito palaging may kinatatakutan, kaya nagsisimula na ring mag-alala si Sally lalo na at maging ang mga kapatid ni Melissa ay natatakot na rin. Si Jose naman ay wala pa ring pakialam dahil para sa kaniya ay umaarte lamang ang kaniyang anak.
Hanggang isang araw, muli na namang makarinig ng malalakas na sigaw sina Sally at Jose mula sa kanilang mga anak. Dapit hapon pa lamang noon at nasa labas sila ng bahay nang mangyari iyon kaya naman nagmadali silang pumasok. Naabutan nila ang dalawa nilang anak na sina Bugoy at Kikay na nakatingin sa kanilang Ate Melissa, na ngayon ay kataka-takang nakalutang sa ere!
“Melissa, anak!” umiiyak na hiyaw ni Sally habang nakatingala sa kanilang panganay. Si Jose naman ay nanlalaki ang mga mata at hindi makapaniwala sa nakikita!“Mama, Papa, tulungan n’yo po ako!” narinig pa nilang sabi ni Melissa kahit pa nga hindi pa nila nakikitang bumubuka ang bibig nito.
Tatakbo sina Sally kasama sina Bugoy at Kikay upang tawagin ang kura paroko ng kanilang lugar. Magkahalong takot at matinding pag-aalala ang nararamdaman ni Sally lalo na at ang asawang si Jose lamang ang naiwang nagbabantay sa kaniyang anak.
Samantala, si Jose naman ay makailang ulit nang napapaantanda sa kaniyang nakikita! Nakadarama rin siya ng matinding pagsisisi. Kung una pa lang kasi ay nakinig na siya sa anak ay baka hindi pa ito nangyari.
“Father, hayun! Hayun po ang anak ko!”
Isang oras ang nakalipas ay dumating na rin si Sally kasama ang pari. Sandali muna niyang iniwan ang dalawa pa nilang mga anak sa kaniyang kapatid upang hindi na sila matakot pa sa mga susunod na maaari nilang masaksihan.
Agad na kumilos ang pari. Dinasalan nito si Melissa na agad namang nagwala sa ere sa bawat pagbigkas ng pari sa mga salita. Kasabay niyon ay ang pagbebendisyon nito ng agua bendita sa lahat ng sulok ng bahay pati na rin kay Melissa.
Sa wakas ay napalayas na rin ng pari ang anumang elementong naglaro kay Melissa. Matapos iyon ay umalis na rin sila sa bahay na iyon upang iwasang mangyari ulit ang ganoong insidente. Humingi ng tawad si Jose sa anak dahil sa hindi niya agad paniniwala rito at nangakong hindi na ulit magiging sarado ang kaniyang isip pagdating sa mga hinaing ng anak.