Inday TrendingInday Trending
Nakaranas ng ‘Di Maayos na Serbisyo ang Pamilya sa Isang Kilalang Restawran; Anong Ganti ang Ipapataw Nila Rito?

Nakaranas ng ‘Di Maayos na Serbisyo ang Pamilya sa Isang Kilalang Restawran; Anong Ganti ang Ipapataw Nila Rito?

Magkakasama ang mag-anak ni Owen na namamasyal sa mall nang maisipan nilang kumain.

“Nagugutom na ako. Tara, kain na tayo!” wika ni Owen sa mga kasama.

“Sige, darling! Kumakalam na rin ang sikmura ko, eh. Doon tayo kumain sa restaurant na iyon! Ikaw rin ba, Julie, anak? Nagugutom ka na rin ba?” tanong ng asawang si Vina.

“Yes, mama!” sagot ng bata.

Sabay-sabay na nagtungo sa isang kilalang restaurant ang mag-anak. Nang maayos na nakaupo sina Vina at Julie sa unahang mesa ay nagmamadali namang pumila si Owen sa counter. Nilapitan naman siya ng isang lalaking service crew.

“Good afternoon, sir, ano pong order niyo?” tanong nito.

“Tatlong cheeseburger, tatlong order ng spaghetti, tatlong pineapple juice at isang bucket ng fried chicken,” tugon ni Owen.

“Okay po, sir. Coming up!” sagot ng lalaki.

Ilang sandali pa’y dumating na ang kanilang order.

“Eto na pong order niyo!” sabi ng service crew.

“Naku, salamat! Ayos pala dito. Mabilis ang serbisyo,” sagot ni Owen.

“Papa, pagkatapos nating kumain, bilhan mo ako ng laruan, ha?” sambit ni Julie sa ama.

“Sige, anak. Ano bang laruan ang gusto mo?”

“Yung gusto kong Barbie doll! Bilhan mo ako n’un, papa, ha?”

“Kahit ano pa ang gusto mo ay bibilhin ko mamaya, pero kumain muna tayo at baka lumamig itong inorder natin.”

“Kainin mo na ‘yang spaghetti mo, anak. ‘Di ba paborito mo ‘yan? Mamaya mo na kulitin ang papa mo sa pagbili ng laruan,” sabad naman ni Vina.

“Opo, mama!”

Nagsimula na silang kumain nang may mapansin si Julie.

“Ay! Ano itong nasa spaghetti?” gulat na tanong ng bata.

“Nasindak si Owen nang makita kung ano ang nasa pagkain ng anak.

“Diyos ko! Pat*y na ipis!” aniya.

“Ha? Paanong nagkaroon ng gan’yan diyan?” gulat na tanong ni Vina.

“Dali-daling inilabas ni Owen ang cell phone niya at kinuhanan ng video at litrato ang pat*y na insekto na nakahalo sa spaghetti ni Julie.

“Magagamit natin itong ebidensiya laban sa restaurant na ito,” wika ni Owen.

Pagkatapos ay isinauli sa counter ang pagkain at…

“Marumi pala ang pagkain niyo rito! Humanda kayo, idedemanda ko kayo at ipapakalat ko sa social media ang tungkol dito!” sigaw niya sa mga service crew ng restaurant.

Dahil sa nangyari ay kinausap ni Owen ang pinsan niyang abogado.

“Puwede nating isampa ang kaso, pero maraming proseso ang pagdadaanan nito at matagal,” sabi ng pinsan niya.

“’Di bale, ang mahalaga’y maturuan ng leksyon ang restaurant na ‘yon,” sagot ni Owen.

Matapos na maipasuri ang pagkain ng restaurant ay napatunayan nilang marumi nga ito.

“Ngayong kumpirmado na ang ebidensiya natin sa kanila, puwede na nating ituloy ang kasong ito,” wika ng abogado.

Nagsampa na sila ng kaso sa korte. Buo na ang loob ni Owen na panagutin ang restaurant sa paghahain ng maruming pagkain sa kanila.

Isang gabi, habang magkakasama silang mag-anak sa kanilang bahay…

“O, magmeryenda muna tayo,” yaya ni Vina sa mag-ama.

“Aba, okay ‘yan, darling! Nagugutom na ako, eh,” sagot ni Owen.

“Ako rin, papa,” sabad ni Julie.

Nang makita ng bata ang pagkain…

“Ay! Spaghetti. Ayokong kumain nito!” sambit ni Julie na halatang takot sa pagkaing inihain sa kanya.

“Bakit naman, malinis ‘yan, anak. ‘Di tulad dun sa restaurant na kinainan natin,” tugon ng ina.

“Kahit na po, mama. Ayoko nang kumain niyan,” sagot ng bata.

“Di bale, igagawa na lang kita ng chicken sandwich,” sabi pa ni Vina sa anak.

Habang nasa kuwarto ang mag-asawa ay ‘di nila naiwasan na pag-usapan ang kanilang anak.

“Kita mo na, pati anak natin ay naaapektuhan na ng pangyayaring ‘yon,” sambit ni Owen.

“Naaawa nga ako sa kanya, eh. Para siyang nagkaroon ng trauma,” tugon ng asawa.

Dahil dito’y mas lalong ipinursige ng mag-asawa ang kaso.

“Huwag kang mag-alala, Owen, sigurado akong natanggap na nila ang subpoena, kaya malapit na natin silang maharap sa korte,” sabi ng pinsang abogado.

“Mabuti kung ganoon. Dapat lang sa kanila na maparusahan,” natutuwang sabi ni Owen sa kausap.

Ngunit bago pa dumating ang takdang araw ng paghaharap sa korte ay bumisita sa bahay ng mag-asawang Owen at Vina ang manager ng restaurant. Hinarap naman nila nang maayos ang panauhin.

“Ano’ng maipaglilingkod namin sa inyo?” tanong ni Owen.

Ikinagulat ng mag-asawa ang ginawa ng manager. Bigla itong lumuhod sa harapan nila.

“Hindi na po ako magpapaliguy-ligoy pa. Ako na po ang personal na humihingi ng kapatawaran sa nangyari. Hindi po namin sinasadya, binigyan na po namin ng leksyon ang service crew na naging pabaya sa nangyari. Magbibigay rin po kami ng malaking halaga, iatras niyo lang ang kaso laban sa amin,” pagmamakaawa ng lalaking manager.

Ngunit naging matigas si Owen.

“Ipagpasensiya po ninyo pero hindi namin kailangan ng halagang inaalok niyo sa amin. Wala rin akong personal na galit sa inyo, pero ang ipinaglalaban ko’y ang kapakanan naming mga kustomer niyo.”

“Kaya nga po humihingi kami ng isa pang pagkakataon para maituwid namin ang aming pagkakamali. Marami pong empleyado ng aming kumpanya ang mawawalan ng trabaho sa oras na matalo kami sa kaso. Nakahanda rin po kaming mag-public apology kung kinakailangan,” pakiusap pa ng manager.

Nakaramdam ng awa ang mag-asawa dahil matanda na at mukhang mahina na ang katawan ng manager ng restaurant. Naramdaman naman nila na sinsero ito sa mga sinabi sa kanila. Saglit na nag-isip si Owen. Maya maya ay kinausap din niya si Vina at nagpasiya kung ano ang kanilang gagawin.

Matapos ang ilang oras na pag-uusap ay nagpaalam na ang manager.

“Sige po, magpapaalam na ako,” wika ng matanda.

“Maraming salamat sa pagbisita,” tugon ni Owen.

Nang makaalis ang manager ng restaurant ay nag-usap ang mag-asawa.

“Sa tingin mo kaya’y tama ang desisyon natin, Owen?” tanong ni Vina sa mister.

“Sa palagay ko’y tama dahil ‘yon ang idinidikta ng aking kunsensiya. Hindi ko maaatim na makitang mawalan ng trabaho ang ibang empleyado ng restaurant na wala namang kasalanan. Ang pagkakamali ng isa ay hindi pagkakamali ng lahat. At isa pa, personal namang humingi ng tawad ang manager na ‘yon. Ipinangako niya na magpa-public apology sila at hindi na kailanman mauulit ang nangyari. Naisip ko na hindi naman masamang magbigay ng ikalawang pagkakataon ‘di ba? Kung ang Diyos nga, ilang beses na nagpapatawad at nagbibigay ng pagkakataon, tayo pa kayang mga tao ang hindi?” tugon ni Owen.

Iniatras ng mag-asawa ang kaso laban sa restaurant. Hindi nila tinanggap ang halagang ibinibigay ng manager sa halip ay sinabihan nila ito na aminin sa publiko ang pagkakamali at mangakong aayusin ang serbisyo. Tinupad naman ng manager ang pangako at nag-public apology. Mula noon ay mas maayos na sebisyo na ang ginagawa ng restaurant sa kanilang mga kustomer at hindi na naulit pa ang nagawa nilang pagkakamali. Nagpasalamat din sa mag-asawa ang mga empleyado ng restaurant dahil hindi na mawawalan ng trabaho ang mga ito at nangakong mas lalong pagbubutihan ang serbisyo. Nakalimutan na rin ng anak nilang si Julie ang nangyari at hindi na takot kumain ng spaghetti.

Sa tingin niyo, tama ba ang naging desisyon nina Owen?

Advertisement