Inday TrendingInday Trending
Hinusgahan ang Babae Dahil Wala Raw Itong Ginawa Kundi ang Manlimos at Pati Anak ay Ginagamit Para Magkapera; Lupaypay Sila nang Malaman ang Dahilan Nito

Hinusgahan ang Babae Dahil Wala Raw Itong Ginawa Kundi ang Manlimos at Pati Anak ay Ginagamit Para Magkapera; Lupaypay Sila nang Malaman ang Dahilan Nito

“Ale, mama, penge pong barya!” wika ni Lourdes sa mga taong dumadaan sa harap ng simbahan.

Araw-araw siyang pumupuwesto roon kasama ang dalawang taong gulang niyang anak na si Myca. May hawak siyang lata na lalagyan ng limos ng mga gustong magbigay sa kanilang mag-ina. Kahit piso lang ang kadalasang inihuhulog sa kanyang bitbit na lata ay masaya na siya.

“Maraming salamat po!” tugon niya.

Hindi lang siya sa harap ng simbahan namamalimos. Kapag sumapasapit ang tanghali ay naglalakad-lakad siya sa palengke na malapit sa simbahan at nagbabakasakaling makahingi ng kahit kaunting barya.

“Manang, palimos po kahit barya lang,” aniya sa isang babaeng tindera ng gulay.

Nang makita ng ale ang karga niyang bata ay nakaramdam ito ng awa at dumukot ng pera sa bulsa.

“O, eto ang isang daan. Ibili mo ng pagkain ‘yang bata. Anak mo ba ‘yan?” pag-uusisa ng babae.

“Opo, manang. Salamat po,” sagot niya saka inilagay sa lata ang perang ibinigay ng tindera.

Maya maya ay lumapit naman si Lourdes sa katabing tindero ng mga prutas.

“Mama, kaunting tulong naman po,” sabi niya.

Hindi nag-atabuling kumuha ng barya ang lalaki at iniabot sa kanya.

“Pagpasensyahan mo na ito, ha? Wala pa kasi akong benta, eh,” wika ng tindero.

“Ayos lang po. Malaking tulong na po ito. Salamat po,” tugon niya.

Maya maya ay nakaramdam na ng gutom si Lourdes. Alam din niya na nagugutom na rin ang anak niyang si Myca kaya umupo sila sa gilid ng palengke at binuksan ang dalang maliit na bayong. Inilabas niya ang baong tinapay, isang boteng plastik na may lamang tubig at bote na may lamang gatas. Pinad*de niya muna ang anak pagkatapos ay siya naman ang kumain.

Napansin ng tindera ng gulay na hindi niya ipinambili ng pagkain ang ibinigay nitong pera. Hindi man lang kasi ginalaw ni Lourdes ang mga perang ipinanlimos sa kanya na nasa loob ng lata. Dahil may dala naman palang baon ang babae ay ipinagkibit-balikat na lang iyon ng ale at ipinagpatuloy ang pagtitinda.

Kinaumagahan, nakita na naman ng tindera si Lourdes na nanlilimos sa palengke at bitbit na naman nito ang anak na si Myca.

“Wala na bang gagawin ang babaeng ito kundi ang manlimos? Kawawa naman ‘yung anak niya, payat na payat na at mukhang sakitin pa dahil maghapong nasa arawan. Bakit hindi maghanap ng trabaho para may pangbuhay sa anak?” wika ng tinderang si Aling Loleng sa kapwa tindero na si Mang Lucas.

“Kahapon nga ay nilimusan ko rin ang babaeng ‘yan. Naaawa kasi ako sa bata, eh. Pero napapansin ko na parang nawiwili na siya sa panlilimos at ayaw nang magtrabaho,” tugon ng tindero.

Hindi lang pala sila ang nayayamot at naiinis kay Lourdes. Pati ang iba pang tindera na naroon ay gigil na gigil na sa babae dahil sa ginagawa nitong panlilimos. Ginagamit lang daw nito ang anak para magkapera. Mas inaatupag pa raw ang pagiging tamad kaysa maghanapbuhay para may maipalamon sa anak.

Isang araw ay hindi na nakatiis ang mga tindera at hinarap na nila si Lourdes.

“Hoy, ano ka ba naman? Wala ka na bang gagawin sa buong buhay mo kundi ang manlimos? Mukha namang malakas ang pangangatawan mo, ineng, pero bakit ayaw mong magtrabaho? Hindi ‘yung araw-araw ay inaasa mo sa limos ng ibang tao ang pagpapalamon sa anak mo!” inis na sabi ng tinderang si Aling Naida.

“Magbanat ka naman ng buto at huwag umasa sa barya-baryang limos ng kung sinu-sino,” sabad naman ni Mang Lucas.

“Huwag kang magagalit sa amin, ha, ineng? Pero nawiwili ka na kasi na palaging nanghihingi ng limos, eh. Ginagawa mo pang kasangkapan ang sarili mong anak para maawa sa iyo ang mga tao,” sabi pa ni Aling Loleng.

Maya maya ay nagsalita na si Lourdes.

“Pasensya na kayo kung palagi akong nanghihingi ng limos. Ito lang kasi ang naisip kong paraan para makaipon ng malaking halaga para maoperahan ang anak ko,” tugon ng babae.

Laking gulat ng mga tindera at tindero sa sinabing iyon ni Lourdes.

“O-operahan? A-ano bang sakit ng anak mo?” tanong ni Aling Loleng.

“May malubhang sakit sa bato ang anak ko at maaari niyang ikamat*y kung hindi siya maooperahan. Malaking halaga ng pera ang kailangan para maisagawa ang operasyon. Hindi sapat ang kinikita ko bilang tindera ng barbecue sa gabi para may ipantustos sa operasyon kaya sa umaga’y nanlilimos ako kung saan-saan at kung kani-kanino upang makaipon ng pera para mailigtas ang anak ko. Matagal na kaming inabandona ng aking asawa at ulilang lubos na rin ako’t wala ng ibang pamilya. Ayaw rin akong tulungan ng mga itinuring kong kaibigan na nang malaman na ako’y may mabigat na pinagdaraanan ay isa-isang nagsilayuan sa akin. Wala na akong iba pang malalapitan kaya mas pinili ko na lamang na manlimos at manghingi sa ibang tao kaysa sa gumawa ng masama. Gagawin kong araw ang gabi para makapanlimos kung kinakailangan madugtungan lang ang buhay ng anak ko,” hayag ni Lourdes na hindi na napigilang maiyak habang karga-karga ang nanghihinang anak.

Ang inis at galit ng mga tindera at tindero sa palengke ay napalitan ng matinding awa. Halos manlupaypay ang lahat sa malungkot na istorya ng mag-ina. Naunawaan na nila kung bakit araw-araw ay naroon at nagtitiyagang manghingi ng limos si Lourdes sa mga tao dahil para pala iyon sa operasyon ng may sakit nitong anak. Nagtulung-tulong sina Aling Loleng at iba pang tindera na makalikom ng pera para kay Myca. Inilapit din nila sa mga institusyong tumutulong sa mga batang may seryosong karamdaman ang kundisyon ng bata.

‘Di nagtagal ay nakaipon sila ng kailangang halaga at naisagawa na ang operasyon sa anak ni Lourdes. Naging matagumpay ang operasyon at ilang linggo lang ang lumipas ay maayos na at masigla na ulit ang bata. Labis na ipinagpasalamat ni Lourdes ang paggaling ng anak sa mga taong tumulong sa kanilang mag-ina. Humingi rin ng paumanhin sina Aling Loleng sa ginawang panghuhusga sa kaniya at nagkapatawaran.

Advertisement