Ipinamukha ng Kaniyang Dating Asawa ang Hirap sa Buhay ng Ginang; Isang Swerte pala ang Dadapo sa Kaniya
Hindi na mapakali si Lanie sa kakaikot sa kaniyang silid dahil sa pag-aalala at kaba. Makalipas kasi ang anim na buwang walang komunikasyon sa kaniyang asawa ay muli silang magkikita. Nais kasi ni Lanie na tuluyan nang gawing legal ang paghihiwalay nilang mag-asawa. Kaya nagtakda sila ng araw upang pag-usapan ito.
Habang balisa ay natanaw si Lanie ng kaniyang amang si Conrad.
“Gusto mo ba ay samahan kita, bukas? Hindi ako mapapakali kung mag-isa ka lang na haharap sa dati mong asawa. Baka mamaya ay kung anong gawin nun sa iyo!” sambit ng nag-aalalang ama.
“Ayos lang po ako, ‘tay. Saka wala namang magagawa sa akin si Jess. Hindi ko lang talaga alam kung ano ang gagawin ko sa muli naming pagkikita,” tugon naman ni Lanie.
“Bakit, anak? Nag-aalala ka ba dahil mahal mo pa rin siya hanggang ngayon? Sa kabila ng lahat ng ginawa niya sa iyo’y nais mo pa siyang balikan? Nagdadalawang-isip ka ba sa annulment?” tanong pa ni Conrad.
“Hindi naman po, ‘tay. Ang gusto ko na lang po ngayon ay maging malaya. Gusto kong maibalik ang apelyido ko ng pagkadalaga. Tutal naman masaya na siya sa kinakasama niya ngayon. Nais ko rin namang maging maligaya ang buhay ko,” dagdag pa ng anak.
“Ano ang ikinakaba mo pa riyan? Tandaan mo, anak, siya ang may atraso sa iyo! Huwag kang kabahan kasi ikaw ang nasa tama. Gawin mo ang nakaplano. Papirmahin mo siya sa mga dokumento at siya ang pagastusin mo para sa annulment dahil una, siya naman ang nagkaroon ng kalaguyo at siya ang sumira sa pagsasama n’yo,” payo pa ng ama.
Ang tunay na kinakaba ni Lanie ay ‘yung makita niya ang dating asawa sa piling ng iba. Kahit na kasi nasusuklam siya sa ginawa ng kaniyang asawa ay hindi pa rin maiaalis na naging parte ito ng kaniyang buhay. Sa halos dalawang dekada na sila ay magkasama.
Kinabukasan ay nagpasya si Lanie na isama na lang ang ama. Tiyak kasing kasama ng dati niyang asawang si Jess ang kalaguyo nitong si Carmela.
“Narito na ba tayo, anak? Aba’y dito kayo sa hotel na ito magkikita ni Jess? Dapat sinabi mong sa mamahaling hotel tayo pupunta nang gumayak sana tayo nang mas maayos,” saad ni Conrad sa anak nang makita ang labas ng hotel.
“Hindi ko rin naman po kasi alam, ‘tay. Sadyang dito talaga pinili ni Jess para lang pagmukhain tayong kawawa,” saad naman ni Lanie.
Pagpasok ng mag-ama ay wala pa roon si Jess. Naghintay pa sila ng halos isang oras sa pagdating nito.
Ilang sandali pa ay nariyan na si Jess at kasama nga si Carmela.
“Pasensya na kayo at idinaan pa kasi namin ang aso namin sa vet. Saka pina-groom na rin namin siya,” sarkastikong sambit ni Carmela.
“Jess, bakit mo pa siya sinama? Hindi ba pag-uusapan natin ang annulment natin? Paano tayo makakapag-usap nang nariyan siya?” sambit naman ni Lanie.
“Tulad mo, sinama mo rin naman ang tatay mo, hindi ba? Saka ‘wag ka nang maarte pa riyan! Ibibigay ko na nga ang gusto mo! Kumain muna tayo dito. Alam ko kasing hindi ka pa nakakakain o nakakapasok man lang sa ganitong klaseng lugar,” panghahamak naman ni Jess.
“Hindi kami nagpunta rito ng anak ko para lang yurakan mo ang pagkatao namin. Narito kami para makipag-usap ng maayos at masinsinan, Jess,” nagpipigil ng galit si Mang Conrad.
Inawat naman siya kaagad ni Lanie.
“Kumain na muna nga tayo at saka na ang pag-uusap na iyan! Huwag mong palagpasin ang pagkakataon na ito dahil kami naman ang magbabayad! Orderin mo ang gusto mong kainin, Lanie. Nang sa gayon ay makaranas ka naman ng ganitong buhay,” saad pa ng kalaguyo.
Nagpipigil lamang ang mag-ama sa pang-iinsultong ginagawa sa kanila ng magkarelasyon. Kailangan kasi muna nilang masigurado na pipirma itong si Jess sa kasulatan na pinapalaya na niya si Lanie at siya ang gagastos ng lahat.
Ngunit hindi pa rin huminto sa panghahamak itong si Jess. Nang matapos silang kumain ay muli itong nagsalita laban sa mag-ama.
Inilabas na ni Lanie ang mga dokumento at saka niya pinapirmahan kay Jess. Binasa muna itong maigi ni Jess at Carmela saka nilagdaan.
“Baka kasi ang akala n’yo ay maauutakan niyo kami!” nakangising sambit ni Carmela.
Nang matapos na ang kanilang pagkain at pag-uusap ay tinawag na ni Jess ang waiter para magbayad.
“Baka gusto n’yong magbalot, Lanie. Huwag na kayong mahiya at kami naman ang magbabayad,” natatawang sambit ng dating asawa.
“Jess, tama na, huwag mong ipamukha sa amin na hindi namin kayang kumain sa ganitong kamahal na restawran. Kung gusto mo ay huwag mo nang bayaran ang lahat ng ito at ako na ang magbabayad!” naiinis na sambit ni Lanie.
Ngunit ang katotohanan ay sapat lamang ang dalang pera ni Lanie para sa pamasahe nila ng ama. Kinuha niya ang kaniyang credit card at siya ang nagbayad. Hindi naman siya pinigilan ni Jess at Carmela.
“Pabayaan mo siya, Jess, Tutal sabi niya, kaya naman daw niyang magbayad. E ‘di hayaan mo siyang magbayad,” saad ni Carmela.
Habang hinihintay ni Lanie ang kaniyang credit card, ay binulungan siya ng kaniyang ama.
“Nakita kong limang libo ang lahat ng kinain natin. Sigurado kang babayaran mo? Pero kapag wala kang pambayad sa credit card, anak, gagawa ako ng paraan,” sambit ni Conrad.
“Ako na po ang bahala, tatay. Huwag na po kayong mag-alala,” tugon naman ni Lanie.
“O siya, aalis na kami baka matrapik pa kami. Dadaanan pa namin ang aso namin!” saad ni Carmela.
Ilang sandali pa ay bigla na lamang nagkaroon ng ingay na tila may isang selebrasyon.
Hindi maunawaan ni Lanie ang nangyayari.
Isa-isang lumapit sa kanila ang mga crew ng naturang hotel at saka siya binati.
“A-anong nangyayari?” pagtataka ni Lanie.
“Ma’am, dahil po nagbayad kayo ng higit sa limang libong piso ay nagkaroon po kayo ng isang tiket para sa aming raffle. At ikinalulugod po naming ibalita sa inyo na ang number n’yo ang nabunot! Nanalo po kayo ng lupa’t bahay at isang magarang sasakyan!” bati ng nangangasiwa ng hotel.
Natalulala ang lahat sa nangyari. Maging sina Jess at Carmela ay napanganga dahil na rin sa laki ng napanalunan ni Lanie.
“Totoo ba ang sinasabi n’yo? Hindi kayo nagbibiro?” hindi pa rin makapaniwala si Lanie.
Nagtatalon at nagsisisigaw si Lanie habang ginagawad sa kaniya ang kaniyang napanalunan.
“Napakaswerte mo, anak! Binabati kita! Ngayon ay may sarili ka nang bahay at lupa at magarang sasakyan!” saad ni Conrad.
Laking panghihinayang ni Jess. Maaaring siya dapat ang nabunot at nagkamit ng gantimpala kung hindi niya pinikon at hinayaan na magbayad si Lanie ng kanilang nakain.
Umalis na nag-aaway sina Jess at Carmela. Nagsisisihan sila sapagkat napunta kay Lanie ang dapat ay sa kanila.
Samantala, sobrang saya naman ng mag-ama sa swerteng nangyari sa kanilang araw.
“Magiging legal na ang paghihiwalay namin ni Jess at siya pa ang gagastos tapos ay may sarili na akong bahay, lupa at kotse. P’wede na talaga akong magsimula ng bagong buhay, ‘tay! Maraming salamat sa Panginoon at hindi Niya tayo pinababayaan!” saad naman ni Lanie habang tinatanggap ang mga napanalunan.