Hindi Naniniwala sa Pag-ibig ang Dalaga kaya Itinaboy Niya ang Masugid na Manliligaw; Pagsisisihan Pala Niya Ito
“Shane, hanggang kailan mo ba pahihirapan si Jeffrey? Ilang buwan na ring nanliligaw sa iyo ‘yung tao. Sabihin mo na lang sa kaniya nang diretso kung ayaw mo na nang hindi na umasa pa,” saad ng matalik na kaibigang si Carla.
“Ilang beses ko nang sinabi d’yan kay Jeffrey na ayaw ko na! Siya lang naman itong makulit. Sinabi nang ayaw kong magkaroon ng kasintahan. Ni ayaw kong magkaroon ng asawa at pamilya. Ayos na ako sa buhay ko ngayon. Malaya at walang sakit ng ulo,” wika naman ni Shane.
“Talaga bang wala kang nararamdaman kahit katiting man lamang para kay Jeffrey? Mabait naman ‘yung tao at halata naman na mahal na mahal ka. Bakit ba hindi mo man lang magawang bigyan siya ng pagkakataon? Tungkol pa rin ba ito sa mga magulang mo, Shane?” pagtataka pa ni Carla.
“Magaling lang talaga ang mga lalaki sa simula. Kapag nakuha na nila ang gusto nila’y ituturing kang parang basahan. Kapag hindi ka na kayang pakinabangan ay itatapon ka na lang basta. At sino ang magiging kawawa? Ang mga anak. Kaya ayos na ako sa buhay kong ito. Wala akong inaalala na mananakit sa akin,” dagdag pa ni Shane.
Naging masalimuot kasi ang paghihiwalay ng mga magulang ni Shane. Dahil kaisa-isang anak ay ramdam ng husto ng dalaga ang pait ng pilit nang kinakalimutang nakaraan. Nagkaroon pa ng ibang pamilya ang kaniyang ama at ang kaniyang ina naman ay halos mabaliw na dahil sa depresyon. Ayaw ni Shane na mangyari ito sa kaniya kaya kahit sinong mga lalaki pa ang manligaw sa kaniya ay hindi na siya naniniwala pa sa pag-ibig.
Ngunit naging matiyaga sa kaniya si Jeffrey.
“Hindi ka ba talaga napapagod, Jeffrey? Ilang beses ko bang sasabihin na wala kang pag-asa sa akin. Hindi ako naniniwala sa salitang pagmamahal. Pakiramdam ko kapag pumasok ako sa isang relasyon ay katapusan na ng kaligayahan ko!” sambit ni Shane sa binata.
“Bakit kasi hindi mo ako hayaan na patunayan sa iyo ang pag-ibig ko. Hindi lahat ng tao ay sasaktan ka at iiwan ka, Shane,” pahayag naman ng binata.
“Tigilan mo na ang panliligaw sa akin, Jeffrey. Hindi na magbabago ang pasya ko. Wala kang aasahan sa akin!” giit ng dalaga.
“Handa akong maghintay, Shane. Handa akong maghintay hanggang sa mapagtanto mo na ako ang lalaking para sa iyo,” nakangiti pang sambit ni Jeffrey.
Kahit ilang beses nang ipagtabuyan nitong si Shane si Jeffrey ay hindi pa rin humihinto sa panliligaw ang binata. Alam niyang isang araw ay darating din ang panahon na iibigin siya ni Shane.
“Bakit ako pa ba ang napili mo, Jeffrey? Napakatigas ng puso ko. Inaaksaya mo lang ang panahon mo sa akin,” saad ni Shane sa binata.
“Dahil sa kabila ng pagiging matigas mo, alam ko na may natitira pa riyang pagmamahal sa puso mo. Pagtiwalaan mo akong kahit kailan ay hindi ko sasaktan ang puso mo, Shane. Aalagaan kita hanggang kaya ko. Ang tanging luha lang na papatak sa mga mata mo ay luha ng kaligayahan. Pinapangako ko iyan sa iyo!” sambit pa ni Jeffrey.
“Hindi mo ako madadaan sa mga pambobola mo, Jeffrey. Hindi mo alam kung gaano kasakit ang nangyari sa pamilya ko. Hanggang ngayon ay nagtatanong pa rin ako kung paano nagawa ng tatay ko na lokohin ang nanay ko gayong sabi niya mahal niya ito. At gaano ako nakakasigurado na hindi ito muli mangyayari sa akin?”wika naman ni Shane.
Halos lahat ay ginawa na ni Jeffrey para kay Shane. Ngunit talagang matigas ang dalaga.
Hanggang sa isang araw ay biglang hindi na lang pumasok ng opisina si Jeffrey.
“Himala ata at walang nangungulit sa akin? Mabuti na ‘yan at tahimik ang buhay ko ngayon!” saad ni Shane sa kaibigan.
“Oo nga, ‘no? Nasaan kaya si Jeffrey? Hindi ba, hindi naman pala-absent ‘yung lalaking iyon? Ano kaya ang nangyari sa kaniya?” pagtataka naman ni Carla.
Kahit na hindi aminin ni Shane ay nag-aalala rin siya para kay Jeffrey. Kinabukasan ay hindi pa rin pumasok sa opisina ang binata. Inabot ng isang linggo at tila hinahanap-hanap na ni Shane si Jeffrey.
“O, bakit palinga-linga ka riyan? Hinahanap mo si Jeffrey, ‘no?” kantiyaw ni Carla sa kaibigan.
“Hindi ‘no! Bakit ko naman siya hahanapin? Sinisigurado ko lang na hindi na ako kukulitin pang muli nung lalaking ‘yun!” tugon ni Shane.
Magdadalawang linggo na rin at wala pa ring balita ang mga taga-opisina kung nasaan at ano na ang tunay na kalagayan ni Jeffrey,
“Baka lumipat na ng ibang kompanya? Mainam nga ‘yun at wala nang mangugulo sa akin. Wala nang taong pinagsisiksikan ang sarili sa akin!” sambit ni Shane.
Ngunit sa loob-loob nito ay hinahanap hanap na niya si Jeffrey. Nangungulila na siya sa mga matatamis nitong mga ngiti. At higit sa lahat, namimiss na niya ang kakulitan nito.
“Shane, hindi na talaga natin makikita pa si Jeffrey,” malungkot na sambit ni Carla.
“P-paanong hindi na natin siya muling makikita? Umalis na ba siya? Talagang lumipat na siya ng kompanya? Marahil ay dahil sa pang babasted ko sa kaniya, ano?” nag-aalalang sambit ni Shane.
“H-hindi, Shane. Hindi na natin siya muling masisilayan pa dahil wala na si Jeffrey. Kinuha na siya ng Panginoon kaninang madaling araw. Ang sabi’y may matindi raw itong karamdaman. Maging siya ay hindi niya alam. Naging mabilis ang lahat, Shane. Nakakabigla talaga ang nangyari,” wika ng kaibigan.
Parang unti-unting nabibingi si Shane sa mga sinasabi ni Carla. Hindi siya makapaniwala na wala na si Jeffrey. Dito na niya napatunayan ang tunay niyang nararamdaman para sa binata.
Tumakbo siya palabas ng opisina at nagtungo sa ospital kung nasaan si Jeffrey. Doon ay nakita niya ang walang buhay na katawan ng binata.
“Mahal pala kita, Jeffrey! Mahal pala talaga kita! Akala ko ba hihintayin mo ako? Akala ko ba ay walang tutulong luha sa mga mata kung hindi luha ng kaligayahan? Ang daya mo naman, e! Bakit ngayon pa, Jeffrey?” pagtangis ni Shane.
Kahit anong pilit na sigaw ni Shane ay hindi na siya maririnig pa ni Jeffrey.
Ngayon ay nauunawaan na ni Shane ang ibig sabihin ng pag-ibig.
“Kukunin ko ang anumang sandali kahit gaano kabilis maiparamdam ko lang sa iyo kung gaano rin kita kamahal, Jeffrey. Habambuhay kang mananatili sa puso ko,” saad ng dalaga habang tangan ang kamay ng walang buhay na iniibig.