Halos Manlimos ang Ginang sa Kaniyang Asawa sa Tuwing Manghihingi ng Pera; Sa Huli’y Magkakabaligtad ang Kanilang Sitwasyon
Naririnig pa lang ni Karen ang yabag ng paa ng kaniyang asawa na papasok sa kanilang silid ay labis na siyang kinakabahan. Alam kasi niyang aawayin na naman siya nito kapag nalamang nawalan na siya ng trabaho.
“Kailan mo balak sabihin sa akin na wala ka na palang trabaho? Nagresign ka nang hindi man lang ako kinukunsulta?” galit na bungad ni Dante sa asawa.
“H-hindi naman ako nagresign, Dante. Kung ako ang masusunod ay sino ba naman ang ayaw ang trabaho at ng sweldo? Nagkataon kasi na kailangang magtanggal ng kompanya ng mga tauhan. At napasama ako ro’n,” nakayukong tugon naman ng ginang.
“Hindi mo siguro pinagbubuti ang trabaho mo, Karen! Paano na tayo ngayon niyan? Hindi madali ang magpaaral ng anak at punan ang mga bayarin dito sa bahay! Talagang sa akin mo na iaasa ang lahat, ano?” bulyaw pa ng asawa.
“Hayaan mo’t hahanap ako kaagad ng malilipatan kong trabaho. Saka naisip ko rin kasi na magandang oportunidad din ito para matugunan ko ang pag-aalaga dito kay Junior. Hindi ko na kailangan pang iwan siya sa mga magulang ko dahil ako na ang mag-aalaga sa kaniya,” paliwanag pa ni Karen.
Ngunit kahit anong pagsuyo niya sa mister ay labis ang galit nito. Pakiramdam kasi ni Dante ay ibinigay na ng misis ang lahat ng bigat ng responsibilidad sa kaniya.
“Hindi ko naman kasalanan na mawalan ako ng trabaho. Maging ako ay nalulungkot. Napakahirap ng walang sariling pera,” kwento ni Karen sa kumareng si Helen.
“Alam mo sa tingin ko ay hindi ka talaga mahal niyang asawa mo. Kung mahal ka kasi niyan ay mauunawaan niya ang sitwasyon mo. Saka bilang lalaki kailangang siya naman talaga ang gumagastos, hindi ba?” sambit naman ng kumare.
“Namomroblema nga ako dahil kailangan ng panggamot ng tatay ko. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin bumubuti ang kaniyang lagay. Noong may trabaho ako ay kahit paano’y nakakapagbigay ako. Sigurado akong hindi ako makakahingi riyan kay Dante,” saad naman ni Karen.
“Pasensya ka na at wala rin akong mapapahiram sa iyo. Alam mo naman ang sitwasyon naming pamilya,” saad naman ni Helen.
“Wala iyon, mare! Sapat na ‘yung naiistorbo kita sa oras na kailangan ko ng makakausap,” saad pa ng ginang.
Hindi alam ni Karen ang gagawin kung paano niya kakausapin ang kaniyang asawa. Ngunit nang tumawag ang kaniyang ina at nanghihingi ng pambili ng gamot ay nilakasan na lamang ni Karen ang kaniyang loob.
“Dante, baka p’wedeng makahiram naman ako sa iyo kahit ng limang daan lang. Kailangan kasi ng tatay ko ng pambili ng gamot. Hindi kasi p’wedeng matigil ang pag-inom niya,” pakiusap ng ginang.
“Bakit pati ang ang gamot ng magulang mo ay ipinapasa mo pa rin sa akin? Kung wala silang pambili ay pabayaan mo sila! Kung gusto mo talagang mabigyan sila ng tulong ay gumawa ka ng paraan. Pero wala kang mahihita sa akin,” sambit ni Dante sa asawa.
Labis ang sama ng loob ni Karen. Hindi man lamang naisip ni Dante na ang mga magulang ng misis niya ang nag-aalaga sa kanilang anak sa tuwing papasok sa trabaho itong si Karen.
Ngunit pinalampas pa rin ito ni Karen. Pilit niyang inintindi ang sitwasyon ng kaniyang asawa.
“Siguro ay talagang nag-aalala lamang siya para sa panggastos namin,” saad ni Karen kay Helen.
“Tigilan mo nga ‘yan, Karen! Hindi naman gano’ng kababa ang sahod ng asawa mo! At hindi naman gano’n kalaki ang hinihingi mo sa kaniya! Ang sabihin mo, talagang pagdating sa pera ay pusong bato ‘yang si Dante,” sambit naman ng kumare.
Sa paglipas ng araw ay unti-unting nadadagdagan ang sama ng loob ni Karen sa kaniyang asawa. Maging para sa mga pangangailangan kasi ng kaniyang anak ay hirap pa rin si Karen na manghingi sa kaniyang asawa.
Hanggang sa hindi niya inaasahan na makita ang asawa na nasa isang mall kasama ang isang babae. Halos nakalingkis na sa mister niya ang babaeng kasama nito.
Upang hindi na makatanggi pa si Dante sa panlolokong ginagawa ay agad siyang kinompronta ni Karen.
“Dito pala napupunta ang lahat ng pera mo, Dante! Kaya pala kapag para sa pamilya ay lagi kang mahigpit sa pera, may pinaglalaanan ka pala! Simula ngayon ay ayaw ko nang makita pa ang pagmumukha mo. Sumama ka na sa babaeng ito kung gusto mo. Pero hindi ka na p’wedeng bumalik sa amin ng anak mo!” pilit na pinipigilan ni Karen ang kaniyang sarili.
“Hindi mo ako p’wedeng basta na lang tanggalan ng karapatan sa anak natin! Kukunin ko sa’yo si Junior!” saad pa ni Dante.
“Sige, subukan mo! Para sa likod ng rehas ang tuloy mo. Malaking ebidensya ang pakikipaglandian mo sa babaeng ito, Dante. Ngayon, nauunawaan ko na kung bakit kulang na lang ay manlimos ako sa iyo para lang makahingi ng pera,” umiiyak na sambit ni Karen.
Simula ng araw na iyon ay hindi na nakipagbalikan pa si Karen ay Dante. Umuwi ang mag-ina sa bahay ng kaniyang mga magulang.
“Nanay, pasensya na po kayo kung abala pa kami dito ni Junior. Pipilitin ko pong makahanap kaagad ng trabaho. Tapos ako na po ang bahala sa atin,” saad ni Karen sa ina.
“Huwag mo kaming alalahanin, Karen. Mahal na mahal namin kayong mag-ina. Bahay n’yo na rin ito. Magtutulungan tayo hanggang mapabuti ang buhay natin,” saad pa ng ina.
Mabuti na lamang at nakahanap agad ng trabaho si Karen. Ipinasok siya ng isang kamag-anak upang magtrabaho sa munisipyo ng kanilang lugar.
Samantala, nagpatuloy naman ang pakikiapid ni Dante sa kabit nito. Akala niya ay hindi matatapos ang kaniyang kaligayahan ngunit nagkakamali siya.
Isang matinding suliranin ang tumama sa kompanyang pinapasukan ng ginoo at kailangang magtanggal ng mga tauhan. Sa kasamaang palad ay isa na rito si Dante dahil palagi itong huli. Hindi rin nito ginagampanan ang kaniyang mga responsibilidad sa opisina.
Dahil sa pagkawala ng pagkakakitaan ay iniwan na rin si Dante ng kaniyang kinakasama. Halos magmakaawa si Dante na muli siyang tanggapin ng kaniyang misis. Ngunit huli na ang lahat.
“Noong kailan kita ay hindi ko man lamang maramdaman na may asawa ako. Ngayon ay kakailanganin mo kami ng anak mo? Dahil ba wala ka nang mapuntahan? Dahil wala nang makuha sa iyo ang kalaguyo mo? Tama na, Dante! Hindi mo na kami magagamit pa ng anak mo! Umalis ka na dito dahil kung hindi ay ipapadampot kita sa mga pulis!” matapang na sambit ni Karen.
Kahit anong pagsusumamo ni Dante ay hindi na talaga siya tinanggap pa ng asawa.
Sa huli’y pinilit ni Karen na itaguyod ang kaniyang anak sa tulong na rin ng kaniyang mga magulang. Dahil sa husay niya sa trabaho ay napromote pa siya.
Namuhay nang masaya at masagana ang mag-ina kahit na wala na sa piling nila ang padre de pamilya.