May Isang Matandang Nais na Pumasok sa Bahay ng Mag-Asawa, May Huhukayin Pala Itong Galing sa Puso Niya
“’Nay, sabi ko naman ho sa inyo, matagal na ho naming nabili ang bahay at lupa na ito sa sinasabi niyong may-ari. Ito nga po ang titulo, ako na ang may-ari nito, ‘nay!” inis na wika ni Patrick sa matandang nagpupumilit na kilala niya ang dating may-ari ng bahay ng tinitirhan nila.
“Galing pa akong probinsiya, hijo, may kukuhanin lang ako sa likod niyo. ‘Yung puno roon sa likod niyo, ‘yung puno ng mangga,” pagpupumilit pang muli ng matanda sa kaniya.
“Naku, ‘nay, kung ano man ho ang iniwan niyo roon ay wala na ‘yun kasi pina-renovate ko na ho ang lugar na ito. Isa pa, ‘nay, pasensya na ho kayo pero huwag niyo naman sanang masamain kung hindi ko kayo papasukin kasi hindi ko naman kayo kilala. Pasensya na ho talaga pero parang awa niyo na, tigilan niyo na ho ang kaka-door bell kasi kaunti na lang magpapatawag na ho ako ng barangay,” baling pang muli ng lalaki sa matanda.
“Ay hindi, huwag, babalik na lang ako bukas. Bukas na tayo mag-usap, maniwala ka sa akin, wala akong intensyon na masama. Aalis na ako, hijo, magandang gabi,” mabilis na pagpapaumanhin ng ale sabay dahan-dahan itong umatras.
“Hon, hindi ba masayado ka naman yatang bastos makipag-usap kay nanay? Malay mo naman ay may kukuhanin lang talaga siya sa likod,” wika ni Sarah, ang misis ng lalaki.
“Naku naman, hon, hindi mo ba napapanuod ‘yung mga ganyang modus? Kunwari kilala si ganito ng pamilya mo tapos makikituloy sa bahay, kapag nakapasok na ay nanakawan ka na. Mabuti sana kung nakaw lang, ang iba pa nga ay tinutuluyan. Isa pa, hon, hindi natin kilala ‘yun para papasukin kahit ba sa likod-bahay lang!” baling ni Patrick sa babae.
Hindi na nagsalita pa si Sarah at tinanaw na lamang ang matanda sa labas. Napansin niyang umupo lamang ito sa malapit na shed sa kanilang lugar at mukhang doon na ito matutulog. Gusto niyang lumabas at tulungan ang matanda ngunit niyugyog niya ang kaniyang ulo at nakinig na lamang sa kaniyang mister.
Hanggang kinaumagahan nang paalis na si Patrick ay natanaw niyang nasa labas pa rin ang matanda.
“Hon, tawagan mo ako kapag nagpumilit pa rin ang matandang ‘yun. Pupunta na ako sa barangay,” seryosong sabi ni Patrick sa kaniya.
“Huwag na, hon, ako na bahala. Hindi naman ako lalabas, baka nagpalipas lang ‘yan si nanay ng gabi at aalis na rin ‘yan mamaya. Huwag ka masyadong mag-alala, ang aga-aga ay umiinit kaagad ang ulo mo,” mabilis na sagot ni Sarah sa mister at pinilit na itong umalis.
Kaagad naman na nagsara ng gate at pinto si Sarah habang tahimik na nagmamasid sa matandang nasa labas. Nagising na ito at dali-daling pumunta sa harap ng bahay nila. Nakikita niyang panay ang pagmamasid nito at naghihintay nang makakausap. Dahil sa awa niya ay lumabas si Sarah kahit nga alam niyang delikado ito.
“Nay, kailangan niyo na pong umalis kasi magagalit lang ang asawa ko sa inyo. Hindi ho kasi namin talaga kayo kilala kaya hindi po talaga namin kayo mapapapasok,” mahinahong sabi ni Sarah sa matanda.
“Ayos lang, anak, ayos lang. Kung pwede sana ay makikisuyo lang ako,” malambing na sabi ng matanda sa kaniya.
“Ikaw na lang, hija, ang kumuha kung ayos lang naman sana. Tanda ko pa naman kung nasaan iyon. Maghihintay ako rito,” sabi pang muli nito.
Hindi naman nakapagsalita kaagad si Sarah at iniwan munang saglit ang matanda saka siya kumuha ng makakain dahil naalala niyang wala pa itong kain. Kaagad siyang nakinig sa ale at katulad ng turo nito ay pinuntahan niya ang sinasabing puno ng matanda. Hinukay niya ang ang eksaktong sinabi ng ale at laking gulat niyang may isang kahon siyang nakuha roon.
Mas lalo pa siyang kinabahan nang makarinig siya ng wangwang sa labas ng kanilang bahay. Dali-dali niyang kinuha ang kahon at pinuntahan ang matanda.
“Ma’am, pasenya na po kayo, pasyente po namin si Nanay Milagros, mukhang ginulo niya po kayo. Pagpasensyahan niyo na po talaga, may sakit na po kasi sa memorya si nanay. Marami na siyang nakakalimutan,” paliwanag ng lalaki na sakay ng ambulansiya.
“Ha? Ganun ba? Kasi ano, kasi may pinapakuha siya sa akin,” naguguluhang sagot ni Sarah sa lalaki ngunit hindi na siya pinakinggan nito at binigay na lamang ang numero nito upang sa susunod na mangyari raw ang insidente ay matawagan sila kaagad. Tumango naman si Sarah habang hawak pa rin ang kahon na nahukay niya.
Nang umalis na ito ay tinitigan muna ni Sarah ang kahon at nag-aalangan siyang buksan ito dahil baka kung ano ang nasa loob, kaya naman kinaumagahan ay pinuntahan niya ang matanda upang ibigay ito sa kaniya.
“Hija, maraming maraming salamat sa’yo. Salamat talaga,” yakap at iyak ni Nanay Milagros sa kahong bigay niya.
“Walang anuman po,” maiksing sagot ni Sarah sa ale.
“Mukhang hindi mo pa alam kung ano ang laman nito, gusto mo bang makita?” tanong ng matanda sa kaniya.
“Ay hindi na po, aalis na po ako,” mabilis na sagot ni Sarah dito ngunit kaagad na nabuksan ng ale ang kahon na labis niyang ikinagulat ang laman.
Mga lumang liham, tuyong bulaklak, at isang kwintas na may litrato sa loob. Doon niya nalaman na dating nobyo pala ni Aling Milagros ang nakatira roon ngunit hindi sila nagkatuluyan dahil sa maraming pangyayari at nung mabalitaan niyang sumakabilang buhay na ito ay kaagad niyang naalala ang kahon na naglalaman ng mga alaala ng kanilang tunay na pag-ibig.
“’Nay, buti’t tanda niyo pa kung nasaan ‘yan?” manghang tanong ng babae rito.
“Kahit na ulyanin na ako at may sakit ay hinding-hindi ko makakalimutan ang una ko at busilak naming pagmamahalan. Pangako namin sa isa’t isa na itatago namin ang kahon na ito at kukuhanin kapag dumating na ang tamang panahon. Alam ko, hindi na ako magtatagal pa sa mundo kaya naman masaya ako na alalahanin muli ang masasaya naming sandali,” lumuluhang sabi ni Nanay Milagros sa kaniya.
Napaluha na lamang si Sarah nang malaman iyon at humingi ng paumanhin sa matanda dahil sa pakikitungo ng kaniyang asawa. Gayunpaman, para sa kaniya ay swerte lamang siya dahil hindi siya napahamak sa pagtulong sa matanda at hindi nagkatotoo ang kung anumang iniisip ng kaniyang mister. Bukod pa roon ay mas lalo syang nabuhayan ng loob na hindi lahat ng tao ay masama ang intensyon dahil ang iba ay purong pag-ibig lamang ang dala sa mundo.