Inaway-away ng Ginang ang Matandang Katiwala Nila sa Bahay; Sa Huli ay Nagsisi Siya sa Pagtrato Rito
“Ano ba naman ito! Napakarumi!”
Umagang-umaga ay napakainit ng ulo ni Wanda. Paano ba naman ay naabutan niyang napakarumi ng rest house na pagmamay-ari nila.
Matagal niya nang sinabi sa kaniyang tauhan na kailangan malinis ang bahay kapag dumating sila para magbakasyon kaya’t hindi niya mapigilan ang galit na nararamdaman.
Mabuti na lang pala at napagpasyahan niyang mauna sa lugar. Kung hindi ay tiyak na makukunsumi ang kaniyang ina lalo na’t ayaw nito ng makalat at maruming paligid.
“Mang Generoso!” inis na sigaw niya sa katiwala.
Maya-maya ay pumasok ang dalawang lalaki. Si Mang Generoso na siyang katiwala niya at isang matandang lalaking hindi niya kilala.
“Mang Generoso, ano ho ang nangyari rito at bakit naman napakakalat?” usisa niya.
“Pasensya na po, Ma’am. Naglinis ho ako noong isang linggo rito, ngunit dahil bumagyo, bumalik ang lahat sa dati. Noong maglilinis na ako ulit ay nagkasakit naman ako,” ang lalaking kasama nito ang sumagot.
Agad na kumunot ang kaniyang noo at itinanong kung sino ang huli.
“Eto ho si Luisito, ang tagalinis ng bahay buwan-buwan.”
Mataman siyang tumango at tiningnan ng mabuti ang matandang tinawag nitong “Luisito.”
“Mukhang magaling na naman siya ngayon kaya bakit nadatnan ko pa ring ganito? Hindi pa ba sapat ang perang ibinabayad ko para gawin niyo ng maayos ang inyong trabaho?” kastigo niya kay Mang Generoso na nakayuko lamang at hindi nagsasalita.
“‘Wag ho siya ang kagalitan niyo, Ma’am. Ako ho ang may kasalanan,” sabat ni Mang Luisito.
Umirap siya dahil sa iritasyon.
“‘Wag ho kayong makialam dahil kayo ho ang dahilan kaya nagagalit ako. Hindi niyo ginawa ang trabaho niyo,” maanghang na bwelta niya kay Mang Luisito.
“Pasensiya na po talaga, Ma’am. Biglaan din ho kasi ang pagdating niyo kaya’t hindi kami nakapaghanda masyado,” pagdadahilan ni Mang Generoso.
Napaisip siya sa sinabi nito. Totoo ang sinabi nito. Dapat ay sa susunod na linggo pa ang bakasyon nila ngunit napaaga. Subalit imbes na maging rasonable ay mas pinili niyang magalit sa mga empleyado.
“Hay naku! Kung ako sa inyo, gawin niyo nang maayos ang trabaho. Sayang ang binabayad ko sa inyo! Ayusin niyo ang lahat ngayong gabi dahil darating ang pamilya ko bukas. ‘Wag niyong hintayin na masisante ko kayo pareho,” banta niya.
“Naku! ‘Wag naman ho! Kailangan ko ho itong trabaho. Pangako po, aayusin ko po lahat ngayong gabi,” pakiusap nito ni Mang Luisito.
Imbes na sumagot ay umirap lang siya saka iritableng iniwan ang mga ito.
Kinabukasan ay gumising siya na maayos na paligid. Mabuti na lang dahil ilang sandali lang ay dumating na rin ang kaniyang ina, asawa, at mga anak na unang beses na nakarating sa lugar na iyon.
“Mommy, pwede po bang mag-swimming diyan?” sabik na tanong ni Sean, ang pitong taong gulang niyang anak habang nakaturo sa malaking swimming pool.
Tumango naman siya dito.
“Oo naman anak, pero kumain muna tayo.”
Iyon ang kanilang ginawa, sama-samang nagsikain ang mag-anak pagkatapos ay halos maghapon silang nagtampisaw sa tubig. Pinanood niya ang mga anak buong maghapon.
“Anak, sino ‘yun? Mula kanina pa siya naglilinis diyan,” usisa ng kaniyang ina nang matanaw si Mang Luisito. Mula kasi umaga ay naglilinis na ito.
Ipinaliwanag niya sa ina ang nangyari. Kinagalitan pa siya nito, dapat daw ay hindi niya pinagalitan ang mga matanda, bagay na ipinagkibit-balikat lamang niya.
Nang kumagat na ang dilim ay pilit niya na ipinaahon ang mga anak ngunit mapilit ang bunsong si Sean na ayaw pang huminto sa paglangoy. Sa huli ay umiiyak itong binuhat ng ama nito papasok sa loob para makapagbanlaw na.
“Mang Luisito, hindi pa ho ba kayo uuwi? Maghapon na ho kayo riyan,” sigaw niya sa matanda.
“Ayos lang ho, at kailangan ko pang tapusin ito,” magalang nitong tugon.
Sa huli ay pumasok na rin siya sa loob ng bahay. Matapos niyang asikasuhin ang mga anak ay agad din siyang tinalo ng antok dahil sa sobrang pagod.
Nang bandang madaling araw at nagising siya dahil sa lamig. Nang kapain niya ang kama para humila ng kumot ay laking pagtataka niya nang mapansing wala sa kama ang bunsong anak.
“Hon, nawawala si Sean!” tarantang ginising niya ang asawa.
Tila binuhusan siya ng malamig na tubig nang maalala ang pagpupumilit ng anak na manatili sa swimming pool.
Sinalakay man ng takot ang kaniyang puso ay mabilis niyang tinungo ang swimming pool.
Noon niya nakita ang anak na walang malay na nakahiga sa gilid ng pool. Basang-basa ito. Sa tabi nito ay si Mang Luisito na tila sinuswubukang ibalik ang hininga ng kaniyang anak.
“Diyos ko, anak, Sean!” nanginginig na nilapitan niya ang anak bago mahigpit na hinawakan ang nanlalamig nitong kamay.
Ilang segundo ang lumipas ay umubo ito ay dire-diretsong iniluwa ang maraming tubig.
Mahigpit niyang niyakap ang anak habang si Mang Luisito naman ay pagod na napasalampak nang masiguro nito na ligtas na ang kaniyang anak.
Nang mahimasmasan siya ay nilingon niya ang matanda ay paulit-ulit na nagpasalamat.
“Bakit nga ho ba narito pa kayo, eh alas tres na?” kuryosong usisa niya sa matanda.
Napayuko ito. Tila napahiya. “Eh Ma’am, sabi niyo po kasi, sisisantehin niyo ako kapag hindi maayos ang trabaho. Eh ako lang ho ang inaasahan sa amin,” pag-amin nito.
Muli siyang napaiyak. Sa pagkakataong iyon, dahil sa pagkapahiya. Ang tao kasi na sinungit-sungitan niya ang siya pang nagligtas sa buhay ng pinakamamahal niyang anak.
“Patawarin niyo po ako, Mang Luisito,” lumuluhang anas niya sa matanda.
Ngumiti ito. “Wala ho iyon. Ang mahalaga ay naisalba ang buhay ng bata.”
Lalo lamang napahagulhol si Wanda. Sising-sisi siya sa hindi niya pagtrato nang maayos sa matanda.
Isang bagay ang natutunan ni Wanda mula sa nakakatakot na pangyayaring iyon – hindi natin alam ang magiging takbo ng buhay, at kung kanino tayo magkakaroon ng utang na loob, kaya maging mabait sa sinuman!