Inday TrendingInday Trending
Tatay ang Tawag sa Kaniya ng Marami; Subalit Wala Naman Siyang Tunay na Pamilya

Tatay ang Tawag sa Kaniya ng Marami; Subalit Wala Naman Siyang Tunay na Pamilya

“Tao po!”

Muli nagtawag si Ruben nang walang lumabas na tao. Nakailang tawag pa siya bago siya narinig at pinagbuksan ng pinto ni Dina, asawa ng kaniyang suki. Basang-basa ang damit nito at tila problemado.

“Naku, pasensiya na po! Abala kasi ako sa loob at hindi ko marinig. Iyan na ho ba ang pinabibili ng asawa ko?”

Tumango siya bago sumagot. “Oo. Kumpleto na ‘yan at lahat ng resibo ay nasa loob.”

Ngumiti ang babae at nagpasalamat.

“E, ano ba ang problema at basang-basa ang damit mo?” hindi napigilang usisa niya.

“Kasi po, nasira ang gripo namin, bumabaha tuloy sa loob tapos hindi ko pa maayos. Wala pa naman ang asawa ko, habang nasa kabilang bayan ang tuberong kakilala ko.” problemadong paglalahad ng babae.

Hindi na siya nangimi pang mag-alok ng tulong.

“Talaga po ba? Naku, nakakahiya naman po!” tila nahihiyang bulalas nito.

“Madali lang ‘yan, ako na,” sagot niya sa babae.

Wala pang limang minuto ay naayos niya na ang tubo ay napigilan niya na ang pagragasa ng tubig.

Kay laki ng pasasalamat ni Dina.

“Ayos lang. Madalas ko naman itong gawin noon,” paliwanag niya.

“Sandali lang ho. Hintayin niyo ako,” sabi nito bago patakbong umakyat sa ikalawang palapag ng bahay.

Nang bumalik ito ay inabutan siya nito ng isandaang piso.

Matigas ang naging pagtanggi niya.

“Hindi na. Napakadali lang ng ginawa ko. Kapag kailangan mo ulit ng tulong at wala ang asawa mo ay tawagin mo lang ako kahit na anong oras.”

Nahihiyang ngumiti ang babae.

“Maraming salamat po, Tatay Ruben. Napakabait niyo po talaga. Para ho talaga kayong tatay ng lahat ng mga tao dito,” anito.

Napaisip siya. May katotohanan nga ang sinabi ng babae.

Tatlong dekada na simula noong mapadpad siya sa bayan at nagdesisyon na manatili na lamang doon at maghanap ng trabaho.

Hindi kailanman nakatapak sa loob ng paaralan si Tatay Ruben kaya’t pagiging construction worker, kargador at iba pang mahirap at mabibigat na trabaho ang ikinabuhay niya.

Nang tumanda na siya siya ay hindi na siya pwede pa sa mga mabibigat na trabaho. Swerte namang tinanggap siya ng isang kumpanya bilang taga-deliver ng pagkain o kung ano-ano pang nais ipabili ng mga kustomer.

Sa ganoong paraan niya nakadaupang palad ang mga residente at naging malapit sa mga ito. Nakilala siya bilang “Tatay Ruben” ng mga tao dahil sa kaniyang trabaho.

Napalapit na rin siya sa mga ito dahil kapag may maliit na problema ang mga residente ay sinusubukan niyang tumulong. Masaya siya na makatulong sa mga ito kaya’t hindi niya kailangan ang kahit na anong bayad. Sapat na sa kaniya ang ngiti ng mga ito at pasasalamat.

Dahil si Dina na ang huli niyang kustomer nang araw na iyon ay dumiretso na siya ng uwi. Binati siya ng katahimikan ng maliit niyang tahanan kung saan mag-isa siyang naninirahan.

Kung iisipin ay nakakatawang isipin na “Tatay Ruben” ang tawag sa kaniya ng lahat ngunit wala siyang pamilya sa totoong buhay. Mag-isa lamang siya sa buhay.

Maaga siyang naulila sa magulang at nawalay sa mga kapatid. Nang tumanda siya ay napagtanto niyang napakahirap ng buhay kaya’t hindi niya na tinangkang mag-asawa at magkaroon ng anak.

Kaya mula noon hanggang ngayon ay wala siyang kasama sa buhay. Akala nya ay ayos lang iyon ngunit minsan ay hindi niya maiwasang isipin na sana ay hindi ganoon ang sitwasyon.

Nagising siya sa tunog ng kaniyang telepono. Pilit niyang sinagot iyon kahit pa hindi maganda ang pakiramdam niya.

“Tatay? Papasok ka po ba sa trabaho ngayon? Tinatanong ni Boss.” Si Edwin, katrabaho niya, ang nasa kabilang linya.

“Pasensiya na, Edwin. Pakisabi masama talaga ang pakiramdam ko ngayon. Siguro dahil naulanan ako kahapon, tapos natuyuan ng pawis,” sagot niya.

“Sige po. Ako na po ang magpapaalam para sa inyo. Magpagaling po kayo,” anito bago ibinaba ang tawag.

Ang inakala niyang simpleng sakit lamang ay tumagal. Pangatlong araw na siyang walang lakas at walang ganang kumain lalo na’t wala naman siyang ibang pagkain kundi ang mga de-lata na swerteng naitabi niya sa kusina.

Maya-maya ay narinig niya ang pagkatok sa pintuan. Hirap na hirap siyang bumangon para pagbuksan ito. Bumungad sa kaniya ang nag-aalalang mukha ni Dina.

“Bakit, hija? Kailangan mo ba ng tulong? Pasensya na at masama ang pakiramdam ko,” nanghihinang anas niya sa babae.

“Wala naman po. Nag-aalala kami sa’yo kaya’t binisita ka namin.”

Noon niya nakita ang mga residente na may dalang mga pagkain, prutas at kung ano-ano pa.

“Para saan ang mga ito?” nasorpresa niyang bulalas.

“Nagtataka kasi kami dahil ilang araw na kayong wala. Tapos nalaman namin na may sakit kayo. Alam po namin na nag-iisa lang kayo, kaya bumisita kami,” paliwanag nito.

“Naku, nakakahiya naman sa inyo… Ayos lang ako, kailangan lang sigurong magpahinga,” aniya sa mga residente.

“Hindi po. Gusto naming lahat na magpunta rito at tulungan kayo kahit papaano kagaya ng pagtulong niyo sa amin kapag kami naman ang may kailangan,” sabat ni Abner, isa sa mga kalalakihan. Nakilala niya ito nang minsan niyang kumpunihin ang nasira nitong bisikleta.

Hindi siya makapaniwala sa narinig.

“Maliit na bagay lang naman iyon at masaya akong matulungan kayo. Hindi niyo na kailangan pang ibalik iyon…” nahihiyang pakli niya.

Ngumiti si Dina.

“Kung sa inyo po maliit na bagay lang iyon, sa amin po ay hindi. Napakalaki ng tulong na iniabot niyo sa amin sa simpleng paraan kaya’t maraming salamat po, Tatay Ruben. Kayo ho ang itinuturing na Tatay ng lahat.”

“Maraming salamat sa malasakit,” sinserong pasasalamat niya sa mga ito.

Nangilid ang luha ni Tatay Ruben nang maisip na kahit wala siyang pamilya ay may iilan pa ring mga tao na pamilya ang turing sa kaniya.

Siguro ay sapat na iyon para isipin na naging makabuluhan ang kaniyang buhay sa mundong ibabaw!

Advertisement