Inday TrendingInday Trending
Maraming Mamahaling Bagay ang Pagmamay-ari ng Ginang; Ngunit Tunay na Mapalad nga ba Siya?

Maraming Mamahaling Bagay ang Pagmamay-ari ng Ginang; Ngunit Tunay na Mapalad nga ba Siya?

Napangiti si Fatima nang isuot niya ang mamahaling kwintas na regalo ng kaniyang asawa. Sigurado siya na kabi-kabila na naman ang magtatanong sa kaniya kung saan niya nabili ang kwintas na iyon.

“Manigas sila sa inggit,” nakangising bulong niya habang maingat na pinadaraanan ng kaniyang mga daliri ang malaking dyamante sa kaniyang kwintas.

Sinukbit niya ang bagong-bagong bag bago siya tumungo sa kaniyang destinasyon – sa bahay ng kaniyang amiga na si Margarita. Kaarawan kasi nito.

Nang makarating siya sa malaki nitong bahay ay agad niyang natanaw ang umpok ng kaniyang mga kaibigan.

Bahagyang napalis ang ngiti niya nang makita na siya lamang ang walang kasama na asawa. Ngunit nang dumako ikumpara niya ang itsura niya sa mga ito ay bumalik ang ngiti niya. Siya pa rin ang pinakamaswerte sa kanilang magkakaibigan, dahil naibibigay ng asawa niya ang lahat ng gustuhin niya.

“Fatima, halika rito!” yaya sa kaniya ni Shane nang makita siyang nakatayo sa hindi kalayuan.

Masigla siyang naglakad palapit sa mga ito. Gaya nang inaasahan ay nagningning agad ang mata ng mga ito nang makita ang nakasukbit sa leeg niya.

“Ang ganda!” manghang-manghang bulalas ni Margarita.

“S’yempre naman. Regalo ng asawa ko,” nakangiting sagot niya.

“Nasaan si Pareng Roland, bakit hindi mo kasama?” takang tanong ni James, asawa ni Margarita.

“Naku, may trabaho raw. Biglaang pinatawag ng boss,” aniya sa lalaki.

Agad na kumunot ang noo nito. “Trabaho? Wala namang sinabi ang boss namin,” tila takang-takang komento nito.

Isang alanganing ngiti ang pumaskil sa labi niya. “Siguro kasi kaka-promote lang sa kaniya ‘di ba? Baka ‘yung mga matataas ang posisyon lang ang ipinatawag,” sagot niya, na may bahagyang pagyayabang.

Tila napahiya naman ito bago tumawa. “Siguro nga!”

Nang makaupo siya ay agad niyang dinampot ang baso na may wine. Agad siyang napangiwi nang hindi niya magustuhan ang lasa ng alak.

“Mare, may problema ba?” agad na usisa ni Margarita.

“Hindi masarap ang wine! Ano bang lasa ‘yan!” walang gatol na pintas niya.

Kiya niya sa mukha nito ang pagkapahiya.

“N-naku, pasensya na. Magpapakuha ako ng iba sa storage, ‘yung mas mamahalin,” anito bago tumayo upang kausapin ang isa sa mga serbidora.

“‘Wag ka na kasing magpa-party kung magtitipid ka, mare,” natatawang biro niya sa amiga nang bumalik ito dala ang bagong wine.

Hindi na ito umimik, marahil sa pagkapahiya.

Nasa kalagitnaan sila ng pagkain nang magsalita si Berna.

“Ano kaya kung magbakasyon tayo? ‘Yung kasama ang mga asawa natin? Punta tayo sa magandang beach!” pag-aaya nito.

Agad na umingay ang mga babae, tila mga sabik sa ideya ng bakasyon. Ngunit agad siyang kumontra.

“Naku, hindi makakasama ang asawa ko. Lagi ‘yung busy sa trabaho simula noong ma-promote siya, eh,” agaran niyang pagtanggi.

“Ano ba naman ‘yan, lagi na lang hindi pwede si Roland, Hindi ba siya nagkukulang sa’yo?” tanong ni Shane.

Agad na umangat ang kilay niya bago itinaas ang mamahaling bag. “Sa dami ng mamahaling bagay na binibili ng asawa ko, hindi ko rin masasabi na nagkulang siya. Binibigyan niya ako ng mga bagay na hindi kayang ibigay ng mga asawa niyo!” inis na sagot niya sa kaibigan.

“Hindi lang naman materyal na bagay laging mahalaga. Mas mahalaga ang pagsasama bilang mag-asawa,” litanya ni Margarita, na sinang-ayunan ng dalawa pang babae.

Ang mga kalalakihan naman ay tahimik lamang tila nakikiramdam.

Umiling siya. “Sinasabi niyo lang ‘yan kasi wala kayo nung mga meron ako,” buong pagmamalaki niyang sagot sa mga kaibigan na noon ay pawang nakasimangot.

Matagal na katahimikan ang namayani. Tumunog ang cellphone ni James. Nang mabasa nito ang mensahe ay agad itong sumulyap sa kaniya. Bakas sa mukha nito ang kaba at pagkabalisa.

Agad siyang nakaramdam ng kaba. “M-may nangyari ba sa asawa ko, James?” usisa niya.

Umiling ito bago ipinakita sa kaniya ang hawak nitong cellphone.

“M-may katrabaho lang na n-nagpadala sa’kin…” utal-utal nitong sambit.

Nang tingnan niya ang cellphone ay may video. Doon ay kitang-kita niya ang asawa na may kaakbay ang isang batam-batang babae!

Ilang sandali pa ay napapikit siya nang makitang hinalikan ng asawa niya ang babae. Alam niya na bago lamang ang video na iyon dahil sa suot ng asawa niya. Hindi niya magawang tingnan ang pagtataksil ng asawa na pinagmamalaki niya sa ibang tao.

Nang iangat niya ang tingin ay isa lamang ang ekspresyong nakita niya sa mukha ng mga kaibigan. Awa.

Napahawak siya sa mamahaling kwintas. Napangiti siya nang mapait. Akala niya kasi ay nasa kaniya na ang lahat. Akala niya lang pala.

Naramdaman niya ang pagyakap ng kaniyang mga amiga. Noon lamang tumulo ang luha na kanina niya pa pinipigilan.

Sa utal-utal na pananalita ay humingi siya ng tawad sa mga nabitiwan niyang masasakit na salita.

“Sorry. Tama kayo, walang mas mahalaga sa pagsasama ng mag-asawa na may respeto at pagmamahal,” aniya.

Bago pa sumikat ang araw ay nakausap niya na ang asawa. Sinabi niya rito na natuklasan niya ang pagloloko nito.

Kahit anong pakiusap nito ay hindi siya nagpatinag. Kasabay ng paghihiwalay nila ay ang pagbabalik niya ng lahat ng bagay na ibinigay nito sa kaniya. Kasama na ang singsing na inakala niyang tanda ng pagmamahalan nila.

Napakalaki ng leksyon na natutunan ni Fatima dahil sa pangyayaring iyon. Maraming bagay ang mas nakahihigit sa mga materyal na bagay!

Advertisement