Inday TrendingInday Trending
Sinikreto ng Dalaga na Mayroong Pagsusulit ang Kanilang Klase, Pinagsisihan Niyang Siya lang ang Nakapasa

Sinikreto ng Dalaga na Mayroong Pagsusulit ang Kanilang Klase, Pinagsisihan Niyang Siya lang ang Nakapasa

“Hoy, Joy, samahan mo naman ako sa kaarawan ng kaibigan ko! Naiwan kasi nila ako, eh, gustong-gusto ko pa namang magpunta roon para makalibre ako ng pagkain at mga alak! Tagal ko na ring hindi nakakapag-inom, eh!” yaya ni Ani sa kaniyang pinsan, isang gabi nang sadyain niya ito sa bahay.

“Naku, kaya mo na ‘yan, marami pa akong dapat aralin!” inis na sagot ni Joy habang patuloy sa pagbabasa ng kanilang mga aralin.

“Tigilan mo ako sa pagdadahilan mo, ha! Alam kong halos lahat ng kaklase mo, pupunta rin sa pagdiriwang na iyon. Saka, kaya mo namang hindi mag-aral kahit na may pagsusulit kayo! Mangopya ka na lang, sige na!” pagpupumilit pa nito na lalo niyang ikinainis.

“Wala akong pagkokopyahan bukas, kaya tumahimik ka riyan! Hindi ko sinabi sa kanilang lahat na may pagsusulit kami para ako lang ang makapasa,” dire-diretsong wika niya na ikinagulat nito.

“Anong pinagsasasabi mo riyan?” tanong nito sa kaniya.

“Nakasabay ko sa jeep ‘yong isa naming propesor at sabi niya, may mahabang pagsusulit daw kami bukas,” kwento niya pa habang panay pa rin ang pagbabasa.

“Diyos ko, sabihan mo sila, kawawa naman ang mga kaklase mo baka bumagsak!” sambit nito na ikinainis niya pa lalo.

“Ayoko! Gusto ko ako lang ang makapasa upang magkaroon ako ng mataas na grado! Subukan mong sabihin sa kanila, ikakalat ko ‘yong bidyo mong nakahubad!” babala niya rito dahilan para maglupasay ito sa sahig.

“Joy, naman!” bulyaw pa nito.

“Umalis ka na!” utos niya kaya agad na siya nitong iniwan.

Kahit na nasa kolehiyo na, nakikita pa rin ng dalagang si Joy na isang kompetisyon ang kaniyang pag-aaral. Gusto niya laging siya ang nangunguna sa klase, ang palaging inuutusan ng kanilang mga propesor, at higit sa lahat, palagi pa siyang nakadikit sa kaniyang mga propesor upang masiguro niyang mataas ang makukuha niyang marka.

Ngunit dahil may pagkakamote siya, kahit na ginagawa niya na ang lahat upang makuha ang pabor ng mga propesor, mayroon pa ring mga estudyante nangunguna sa kaniya na labis niyang ikinaiinis.

Ito ang dahilan para isikreto niya ang sinabing balita ng kanilang propesor sa kaniya. Agad siyang nag-aral pagkauwing-pagkauwi niya sa kanilang bahay upang masigurong mapapasa niya ang pagsusulit na mayroon sila bukas.

Wika niya pa, “Tiyak na ako ang mangunguna sa pagkakataong ito dahil ako lang ang nakapag-aral!” saka siya tumawa nang malakas habang iniisip kung anong magiging reaksyon ng kaniyang mga kaklase.

Kinabukasan, katulad nga ng inaasahan niya, siya lamang ang nakapasa sa pagsusulit na iyon habang ang mga klase niya, kung hindi bokya ang nakuhang iskor, pasang-awa naman dahilan para labis siyang papurihan ng kanilang propesor na ganoon niya talagang ikinatuwa.

“At dahil ikaw lang ang nakapasa sa pagsusulit na ito, Joy, ikaw lang ang ipapadala ng paaralan natin sa Maynila. Irerepresenta mo ang ating paaralan para sa isang patimpalak ng patalinuhan sa agham!” masayang wika ng kaniyang propesor na ikinagulat niya.

“Pe-pero po…” uutal-utal niyang sambit.

“Wala nang pero-pero! Sumama ka sa akin at bibigyan kita ng mga librong dapat mong aralin!” tugon nito na labis niyang ikinainis.

Agad na siyang nakaramdam ng pagsisi nang mga oras na iyon.

“Gusto ko lang naman tumaas ang grado ko, bakit may patimpalak na akong sasalihan ngayon?” wika niya habang pinapadyak ang kaniyang mga paa.

Ilang araw pa ang lumipas, siya nga’y sinama na ng kaniyang guro sa Maynila at doon niya nakaharap ang sandamakmak na mga estudyanteng halos maduling na sa talino.

Katulad ng inaasahan niya, dahil nga alam niyang wala siyang binatbat sa mga ito, ni isang tanong, wala siyang naisagot na tama na talagang labis na nagbigay ng kahihiyan sa kanilang paaralan.

“Akala ko ba, ma’am, matatalino ang mga estudyante niyo roon? Bakit walang naitamang tanong ‘yan?” tanong ng isang guro sa kaniyang propesor na kaniyang ikinatungo at ikinahiya.

Doon niya labis na napagtantong ang pandarayang ginagawa niya ay maaaring magdulot nang mas malaking problema katulad nang dinaranas niya ngayon.

Pag-uwi pa niya sa kanilang paaralan, katakot-takot na panghuhusga ang kaniyang natanggap at may mga estudyante pang labis siyang pinagtatawanan.

“Ayan! Mandaya at magdamot ka pa!” wika ng isa saka siya pinagtawanan ng kaniyang mga kaklase.

Naging aral para sa kaniya ang pangyayaring iyon at simula noon, naging patas siya sa pag-aaral. Ginawa niya ang lahat upang matuto at hindi na niya inisip na isang kompetisyon ang pag-aaral, kung hindi isang prebelehiyong hindi niya dapat sayangin dahil lang sa kagustuhang manguna sa klase.

Advertisement