Sinisisi Pa ng Dalagang Ito ang mga Babaeng Napagsasamantalahan, Nakaka-traumang Aral ang Napagdaan Niya
“Jennie, alam mo na ba ‘yong balitang napagsamantalahan daw ng mga tambay d’yan sa kanto natin ‘yong anak ni Aling Mila?” nguso ni Honey sa kaniyang kababata, isang gabi habang sila’y kumakain sa isang paresan na hindi kalayuan sa kanilang barangay.
“Sino roon? Iyong dalagang laging nakamaisking short at sleeveless?” tanong ni Jennie habang tinitimplahan ng bawang at suka ang biniling pares.
“Oo! Iyong pinakamagandang anak niya! Naroon nga sila ngayon sa pulisya, eh, para magsampa ng kaso!” kwento pa nito na ikinangisi niya.
“Sino ba namang hindi mababast*s kung ganoon ang suot, hindi ba? Dapat lang sa anak niya iyon dahil halos wala ng damit kapag nalabas ng kanilang bahay! May pagkakataon pa ngang halos lumuwa na ang dibdib no’n sa manipis at masikip na damit na laging sinusuot no’n!” sambit niya sa kaibigan na ikinasimangot nito.
“Naku, kahit na! Bakit naman sa ibang bansa, walang nababast*s kapag ganoon ang kasuotan? Nasa isip talaga ‘yan ng mga b@stos na lalaki!” depensa nito na ikinainisn iya.
“Bakit, nasa ibang bansa ba siya? May kasalanan din siya! Kung hindi siya nang-aakit ng lalaki, hindi siya mapapahamak! Buti nga sa kaniya!” sigaw niya dahilan para mapatahimik na lang ito at mapatungo dahil nakatingin na sa kanila ang ibang kumakain doon.
“Kumain ka na nga, tapos umuwi na tayo!” mahinang sambit nito saka siya inirapan.
Nanggagalaiti ang dalagang si Jennie sa mga kapwa niya dalagang nagsusuot ng mga kaakit-akit na mga damit katulad ng maikling shorts, walang manggas na damit, maikling palda, at kung ano pa mang damit na talaga nga makakakuha ng atensyon ng mga binata.
Nasanay kasi siyang palaging nakasuot nang mahahabang damit dahil nga lumaki siya sa kaniyang lola at ayaw na ayaw nitong makikitang labas ang hita niya o kahit ang braso niya.
Kaya naman, kahit wala na ito sa mundong ‘to, bitbit-bitbit niya pa rin ang mga bilin nito dahilan para palagi siyang magsuot ng pantalon o jogging pants bilang pambaba at t-shirt o long sleeves pang-itaas.
Sa ganitong paraan, pakiramdam niya’y ligtas siya mula sa mga lalaking b@stos na nagkalat sa kanilang lugar.
Ito ang dahilan para hindi na siya nagtaka nang malaman niyang napagsamantalahan ang dalagang lagi niyang kinaiinisan sa kanilang lugar. Sa isip-isip niya pa, “Kasalanan niya ‘yon, kita niyo ako, kahit naalis ng gabi, walang masamang nangyayari sa akin dahil maayos ang pananamit ko!”
Nang gabing iyon, pagkatapos nilang kumain ng kaniyang kaibigan, agad na rin silang umuwi. Ngunit pagkauwi niya sa kanilang bahay, doon niya lang naalalang kailangan niya nga palang ibili ng makakain ang aso nilang kanina pang tanghaliang hindi kumakain.
At dahil hindi niya ito matiis, muli siyang lumabas sa kanilang bahay at naghanap ng mabibilhan ng pagkain. Habang tahimik siyang naglalakad, mayroong dalawang lalaki ang biglang lumapit sa kaniya at nagtanong ng direksyon na agad naman niyang sinagot.
Kaya lang, tila nakaramdam na siya ng takot nang sabihin ng mga ito na, “Pwede bang samahan mo kami? Mukhang palakaibigan ka naman, eh,” saka siya agad na hinila patungo sa isang madilim na lugar.
Nagsusumigaw man siyang ayaw niyang sumama at siya’y humihingi ng tulong, walang rumesponde sa kaniya hanggang sa hawakan na siya ng mga ito sa masesel@ng parte ng kaniyang katawan at sa tuwing pumapalag siya, sinusuntok siya ng mga ito o kung hindi naman, hiniklat mabuti ang buhok niya.
Iyak na lamang ang tangi niyang nagawa habang binabast*s ng mga ito at laking pasasamalat niya nang biglang may mga tanod na dumaan doon dahilan para magtakbuhan ang dalawang ito.
Doon na siya labis na nanlambot at napayakap na lang sa tanod na lumapit sa kaniya. Iyak siya nang iyak habang kinukwento sa mga ito ang nangyari at lalo pa siyang napahagulgol nang muli niyang makita ang mga nambast*s sa kaniya nang mahuli ang mga ito.
“Halos balot na balot na po ako, nagawa pa nila akong bastusin! Bibili lang ako ng pagkain ng aso ko! Masama pang sinagot ko ang tanong nila!” reklamo niya habang humagulgol.
Doon niya napatunayang hindi ang kasuotan ng mga babae ang nagbibigay dahilan para mabast*s, bagkus ito ay nasa isip ng mga lalaking hayok sa laman ng mga kababaihan.
Ito ang dahilan para agad siyang magsampa ng kaso sa dalawang ito. Mahirap mang limutin ang pangyayaring iyon, isang matinding aral ang kaniyang hindi malilimutan kailanman.