Magkaiba ang Trato ng Kanilang Ina sa Magkapatid; Ano ang Katotohanan sa Likod Nito?
“Ate Layla, halika rito, tingnan mo ‘tong kwintas, ang ganda!”
Nang lingunin si May ng kaniyang kapatid ay nanlaki rin ang mata nito nang makita ang kwintas na tinutukoy niya.
“Oo nga, ang ganda!” komento nito. Bakas sa mukha nito ang paghanga sa kwintas.
Napangiti si May. Parehong-pareho talaga sila ng kaniyang Ate Layla.
At natawa siya nang gaya niya ay napasimangot din ito nang makita ang presyo ng kwintas.
“Ang mahal naman!” reklamo nito.
“Oo nga, Ate. hindi natin mabibili ‘yan. Umuwi na tayo at baka hinahanap na tayo ni Mama,” natatawang yaya niya rito bago kumapit sa braso ng kapatid.
Nang makauwi sila ay nakaabang na nga sa pintuan ang kanilang ina.
“Kayo talagang mga bata kayo! Kung saan-saan talaga kayo nagsususuot! May, niyaya mo na naman si Layla kung saan-saan, ano?” inis na bungad ng kanilang ina.
Bago pa niya madepensahan ang sarili ay nakapasok na ng bahay ang kanilang Mama. Gaya ng dati ay magiliw nitong inasikaso ang kapatid niya habang ni hindi man lang siya nito tinapunan ng tingin.
Sa tagal nang ganoon ang turing nito sa kaniya ay nasanay na rin siya.
“Mama, ‘wag niyo na po pagalitan si May. Ako ang nagyaya sa kaniya na mag-mall kasi may binili ako para sa project. May nakita nga po kami na magandang kwintas, eh!” pagtatanggol sa kaniya ng kapatid.
Sumimangot lang ang Mama nila.
Si May naman ay hindi maiwasang mapangiti. Kahit kasi iba ang trato sa kaniya ng kanilang ina ay lagi namang nariyan ang ate niya para ipagtanggol siya.
Mula nang iwan sila ng kanilang ama para sa ibang babae ay nag-iba na rin ang pakikitungo sa kaniya ng Mama nila. Nang aksidente niya itong marinig na nakikipag-usap sa kaibigan nito ay nalaman niya na dahil pala kamukhang-kamukha siya ng kaniyang Papa.
“Kapag nakikita ko siya ay kumukulo ang dugo ko. Naalala ko ang ginawang kasalanan sa akin ni Manuel!” narinig niya pang sabi ng Mama nila.
Kaya naman pilit niyang inunawa ito. Alam niya kasi kung gaano nito kamahal ang kanilang ama.
Subalit ilang taon na rin ang lumipas, at hindi pa rin ito bumabalik sa dati. Kailan kaya siya nito mapapatawad sa kasalanang hindi niya naman ginawa?
Napabuntong hininga na lang siya habang minamasdan ang ina at kapatid na masayang nagtatawanan.
Sumapit ang kaarawan nilang magkapatid. Paglabas niya pa lang ay nanuot na sa ilong niya ang mabangong amoy ng masarap na pagkaing niluluto ng kanilang ina.
Naulinigan niya na may kausap ito sa kusina kaya naman tahimik siyang nagtungo roon.
“Happy birthday, anak. Nagluto ako ng paborito mong pagkain!” magiliw na wika ng ina sa Ate Layla niya na tila kagigising lang din.
“Salamat po, Mama,” sagot ni Layla.
“Anak, may gusto ka ba para sa birthday mo? Sabihin mo lang at ibibli kita,” maya-maya ay narinig niya ang tinig ng kaniyang ina.
Matagal bago sumagot si Layla. “Meron pong kwintas na gusto namin ni May, Mama…”
Subalit nadurog ang puso niya sa naging tugon ng kanilang ina.
“Wala akong ekstra na pera, anak. Ibibili kita, pero hindi ko mabibilhan si May,” matalas na asik ng ina.
Napangiti si May. Alam niya kasi na kung hindi sila mabibilhan pareho ay hindi na lang ito magpapabili. Ganoon ang Ate Layla niya. Hindi ito makasarili.
Kaya naman gulat na gulat siya sa sunod na sinabi nito. “Wala pong problema, Mama. Kahit isa na lang po ang bilhin niyo.” May malaking ngiti sa labi nito dahil sa wakas, magkakaroon na rin ito ng bagay na matagal na nilang gusto makuha.
Napaluha si May. Alam na alam kasi ni Layla kung gaano niya kagusto mabili ang magandang kwintas.
Kaya naman imbes na dumiretso sa kusina ay umiiyak na bumalik siya sa kaniyang silid.
“Akala ko pa naman ay kakampi kita, Ate…” bulong niya.
Nang araw na iyon, kahit anong pagtawag ng kaniyang ate ay hindi niya ito pinagbuksan.
Magga-gabi na nang lumabas siya sa kaniyang silid. Narinig niya kasing nagpaalam ang kaniyang ate. Lalabas daw ito kasama ang Mama nila.
Nang dumako siya sa kusina ay mas lalo lamang siyang nalungkot. Ang mga pagkain kasi roon ay puro mga paborito lang ng ate niya. Ni isang paborito niya ay wala man lang sa mga hinanda ng kanilang ina.
Bandang alas nuwebe na nang marinig niya ang paghinto ng sasakyan sa tapat ng bahay nila. Dumating na ang kaniyang kapatid at ina.
Nang makapasok sa bahay ang kaniyang Ate Layla ay bakas sa mukha nito ang pagkatuwa.
“May! Buti naman lumabas ka na. May papakita ako sa’yo!” sabik na bulalas nito.
Mula sa mga pinamili ay kinuha nito ang isang magarbong kahon. Nang buksan nito ang kahon ay nakita niya ang laman noon – ang kwintas na gustong-gusto niya.
“Ang ganda, Ate. Regalo ba ito ni Mama sa’yo?” matabang na tanong niya sa kapatid.
Ngumiti ito bago inalis ang kwintas sa kahon.
“Hindi, regalo ni Mama para sa’yo.”
Nanlaki ang mata niya.
“Ha? P-paanong? Narinig ko kayo ni Mama, ang sabi niya, ikaw lang daw, hindi niya raw ako bibilhan–”
Noon pumasok ang kanilang ina. May malaking ngiti sa labi nito.
Nagulat siya nang sugurin siya nito ng isang mahigpit na yakap. Ilang taon niya na bang hiniling na muling mayakap ang kanilang ina?
“Happy birthday, bunso ko. Nagustuhan mo ba ang regalo ni Mama?” naluluhang tanong nito kay May.
Bumukal ang luha sa mga mata ni May. Matapos ang matagal na panahon ay muli niyang narinig dito ang isang salitang akala niya ay hindi niya na maririnig pa. Ang salitang “bunso.”
“Sorry, anak. Nabulag ako ng galit ko sa Papa mo. Nalimutan ko na wala ka namang kasalanan. Kung hindi pa ako kinausap ni Layla ay hindi ko pa makikita nang lubos ang kasalanan ko sa’yo. Patawarin mo si Mama, anak. Salamat at inunawa mo ako at hindi nagtanim ng galit sa akin,” anito bago mas lalong hinigpitan ang yakap sa kaniya.
“Wala naman pong pamilya ang perpekto. Masaya po ako na nagbalik ka na, Mama ko!” tila batang umiyak siya dibdib ng kaniyang ina na labis niyang na-miss.
Nang lingunin niya ang kaniyang kapatid ay umiiyak na rin ito, subalit may matamis na ngiti sa labi nito.
“Ito ang regalo ko sa’yo, May. Pagpasensyahan mo na at ito lang ang nakayanan ko, ha?” nakangiting wika nito.
Niyakap niya ang kapatid. “Salamat, Ate. Salamat sa regalo mo. Ito na ang pinakamagandang regalong natanggap ko. Ang pagbalik ng pagmamahal ni Mama.”
Salamat sa kapatid niya, nagwakas na ang pinakamabigat niyang kalbaryo. Ang galit ng kanilang ina ay tuluyan nang nawala!