Inday TrendingInday Trending
Mayabang ang Lalaki na May Bagong Sasakyan; Isang Kakilala ang Naglagay sa Kaniya sa Dapat Niyang Kalagyan

Mayabang ang Lalaki na May Bagong Sasakyan; Isang Kakilala ang Naglagay sa Kaniya sa Dapat Niyang Kalagyan

Mabilis na pinaharurot ni Jordan ang makintab niyang sasakyan. Bagong-bago lang ang sasakyan, na mula pa sa kompanya na pinagtatrabahuhan niya.

“Ang ganda, smooth ng makina!” natutuwang sigaw pa niya.

Nang mapansin niya ang sasakyan sa harapan niya na mabagal ang takbo ay sunod-sunod na busina ang ginawa niya.

“Ang bagal mo! Kakarag-karag kasi!” bulyaw niya nang mapatapat siya sa drayber bago niya pinasibad ang kaniyang sasakyan.

Narinig niya pa ang malutong na mura nito, bagay na lalo lamang nagpatawa sa kaniya.

Maya-maya pa ay nakauwi na siya sa bahay. Gaya ng inaasahan niya ay agad na pinalibutan ng mga kapitbahay niyang usisero’t usisera ang bago niyang sasakyan.

“Kay Jordan pala! Ayos, big time!” narinig niyang sigaw ni George, isa sa mga dakilang tambay sa lugar nila.

“Pare, subukan mo kasing magtrabaho, ‘wag puro tambay!” pabirong sigaw niya sa lalaki, na umani ng malakas na tawanan.

“Pare, ang yabang mo!” ganting sigaw naman nito na hindi niya na pinansin.

“Anak, ang ganda naman ng sasakyan mo! Ano ‘yun, huhulug-hulugan mo gamit ang sweldo mo?” agad na usisa ng kaniyang ina na naabutan niyang sinisilip ang sasakyan niya mula sa labas ng bintana.

“Hindi ho, ‘Nay. Bale pahiram lang ho sa’kin ‘yan ng kompanya kasi nga na-promote ako. ‘Pag umalis ako, ibabalik ko rin,” paliwanag niya sa ina.

“Naku, anak, paano ‘yan kapag naalis ka sa kompanya?” tila nag-aalalang tanong ng kaniyang ina.

Napabunghalit siya ng tawa. “Ako, aalisin nila? ‘Nay, ako ang pinakamagaling nilang empleyado! Hinding hindi ako tatanggalin ni Sir Franklin, napakabait nun, at bilib na bilib sa kakayahan ko,” pagyayabang niya, dahilan upang mapangiti ito.

“Oo na, oo na! Lagi ko naririnig ‘yan sa’yo kaya sigurado ako na totoo ‘yan. Takpan mo ng trapal ang sasakyan mo bago ka matulog ha, baka magasgasan,” bilin nito bago siya iniwan sa sala.

Kinabukasan, paggising pa lamang ni Jordan ay agad niyang ininspeksyon ang magara niyang sasakyan. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang makinis at makintab pa rin iyon.

Bago mag-alas sais ay nagmamaneho na siya papasok sa trabaho. Nang mapadaan siya sa isang gasolinahan ay naisipan niya na rin na magpa-gas.

Dahil rush hour ay maraming nagpapa-gas ay ilang sandali rin siyang naghintay bago isang lalaking naka-uniporme ang lumapit sa kaniya. Agad niya itong napagbuntunan ng inis.

“Ano ba naman ‘yan, bakit kasi iilan lang kayo, bakit hindi kaya magdagdag ng tao?” inis na reklamo niya sa lalaki.

Ngumiti ito bago napayuko. “Sir, pasensya na po. Sasabihin ko po ‘yan sa boss namin, para po hindi kayo maghintay nang matagal,” magalang na tugon nito.

“Punuin mo ang tangke ko,” utos niya sa lalaki. Agad naman itong tumalima.

Habang hinihintay nito na mapuno ang tangke ng sasakyan ay nagsimula nitong dampian ng basahan ang sasakyan niya. Agad niya itong sinigawan.

“Boy! ‘Wag mong hawakan ang sasakyan ko! Ang dumi-dumi ng basahan mo, baka dumumi lang ang sasakyan ko!” bulyaw niya.

Halos mapatalon naman ito sa gulat bago nagkakamot ng ulong humingi ng pasensya.

“Pasensya na po, Sir,” anito.

Ngunit nagulat siya nang pagtalikod nito ay may kumalabog sa bandang likuran ng sasakyan niya. Sa pagkakataong iyon ay dali-dali na siyang bumaba ng sasakyan upang tingnan kung ano ang nangyari.

Nakita niya na natisod pala ang lalaki at tumama sa gilid ng sasakyan niya. Nanlaki ang mata niya nang makita ang maliit na gasgas dahil sa nangyari.

Galit na nilapitan niya ang lalaki. Bago pa ito makahingi ng paumanhin ay galit na nakwelyuhan niya na ang lalaking nagtatrabaho sa gasolinahan.

“Ano’ng ginawa mo sa sasakyan ko? Bagong-bago, may gasgas kaagad!” galit na angil niya sa lalaki.

Bumakas ang takot sa mukha nito. “Sir, sorry po! Pasensya na po, hindi ko sinasadya. Hindi ko po kasi napansin ‘yung hose na nakalawit kaya natalapid ako!” May bahagyang nginig sa tinig ng lalaki.

“Tat*nga-t*nga ka! Palibhasa hindi ka makakabili ng ganito kamahal na sasakyan! Bayaran mo ‘to!” patuloy na paglilitanya niya.

Maya-maya ay isang tinig mula sa likod ang sumabat.

“Bakit ho hindi niyo siya kausapin nang maayos bago niyo ipahiya at kwelyuhan nang ganyan?” komento ng isang lalaki na nagpapa-gas din.

Mas lalo siyang nagliyab sa galit. Ano bang alam nito? Bakit ito nakikialam?

Galit na nilingon niya ang lalaki. “Pwede bang ‘wag kang pakialamero–”

Tila naumid ang dila niya nang makilala ang isang pamilya na mukha. “Sir Franklin!” nabiglang bulalas niya. Ang lalaki kasi na tinawag niyang pakialamero ay walang iba kundi ang boss niya!

“Jordan, ikaw pala ‘yan! Dito kayo sa isang tabi, itabi mo ang sasakyan mo at mag-usap kayo nang maayos dahil nakakaabala na kayo sa ibang kustomer,” malumanay na suhestiyon nito.

Nang ikwento niya sa boss niya ang nangyari, sa pagkagulat niya ay nagboluntaryo ito na ito na ang sasagot sa pagpapagawa ng sasakyan niya. Abot-abot naman ang pasasalamat ng gasoline boy. Wala raw kasi itong pera talaga.

“Pagdating sa opisina ay may mag-uusap tayo,” anito bago sumakay na rin sa magara nitong sasakyan kung saan ay naghihintay ang drayber nito na naka-uniporme pa.

Nang makarating siya sa opisina ay dali-dali niyang tinungo ang conference room kung saan naghihintay ang kaniyang boss. Seryoso ito at hindi ngumingiti. Bahagya siyang kinabahan.

May nagawa ba siyang mali?

Nagulat siya sa sinabi nito.

“Mali ang ginawa mo, Jordan. Hindi mo dapat ipinahiya nang ganoon ‘yung lalaki. Ginagawa lang niya ang trabaho niya, at minalas lang talaga na madali ang sasakyan mo,” tila dismayadong pangangaral nito.

“‘Yang mga bagay na binibigay sa’yo ng kompanya hijo, dahil ‘yan gusto namin na maging komportable ka. Hindi ‘yan para makapanghamak ka ng iba na walang kakayahan bumili ng mga bagay na mayroon ka,” pagpapatuloy pa nito.

Hindi makaimik si Jordan. Para siyang sinampal sa labis ng pagkakapahiya noong mga sandaling iyon.

“Nakikita ko na napakagaling mo at talaga namang may potensyal ka, hijo. Kaya nga bilib na bilib ako sa’yo, eh. Pero tandaan mo ‘tong sasabihin ko: ang sinuman na hindi marunong trumato sa iba nang tama ay hindi tunay na magtatagumpay sa buhay. ‘Wag masyadong mataas ang lipad, hijo. Para kung sakaling lalagpak ka ay kaya mo pang lumipad ulit,” mahabang litanya ni Sir Franklin.

Sunod-sunod na tango lamang ang naisagot niya rito. Tinapik pa nito ang balikat niya.

Sa pagmumuni-muni ni Jordan ay napagtanto niya na may katotohanan ang sinabi ng kaniyang boss. Ilang tao na ba ang nagsabi na may pagkamayabang nga siya? Hindi niya lang pinapansin noon.

Marahil ay panahon na nga para siya ay magbago at bawas-bawasan naman ang kaniyang kayabangan!

Advertisement