Tila Misteryoso ang Matandang Mahikero na Nakilala Niya; Paano Nito Mababago ang Buhay Niya?
Napabuntong hininga si Alex nang mabasa ang pang-anim na mensahe mula sa kaniyang nakababatang kapatid.
“Kuya, wala ka ba talaga maipapadala rito kahit magkano? Halos wala na kaming makain.”
Nang tingnan niya ang laman ng kaniyang pitaka ay mas lalo lamang siyang nanlumo nang makita ang iilang piraso ng perang papel. Nang bilangin niya iyon ay napailing siya. Isang libo at tatlong daan na lamang ang pera niya. Kailangan niyang paabutin iyon ng apat na araw.
Nag-isip siya. Kung ibibigay niya ang isang libo sa kapatid ay grabeng pagtitipid ang gagawin niya. Kung hindi niya naman bibigyan ito ay mababagabag lamang siya ng konsensya. Hindi rin naman niya matitiis ang kaniyang mga pamangkin.
Napapikit siya. Sa pagdilat niya ay nahagip ng tingin niya ang isang money remittance kung saan kadalasan siyang nagpapadala ng pera.
“Manong, para po!” malakas na sigaw niya. Agad namang huminto ang jeep.
Maraming nakapila kaya naman inabot pa siya ng kulang-kulang isang oras maipadala lamang niya ang pera sa kapatid.
Sulit naman dahil bakas ang ligaya nito nang makausap niya ito sa telepono.
“Kuya, natanggap ko na ‘yung pera. Maraming salamat, Kuya Alex. Hindi ko alam kung saan kami pupulutin kung wala ka,” nagda-dramang litanya ng kapatid niya sa kabilang linya.
Napangiti siya. “Naku, ‘wag mo na nga akong dramahan! Bumili ka ng ulam para naman makakain kayo ng masarap ng mga pamangkin ko,” aniya sa kapatid.
Agad na naglaho na parang bula ang mga agam-agam sa dibdib niya. Kaya niya namang magtipid, basta’t para sa mga minamahal niya sa buhay.
Nag-aabang na siya ng jeep pauwi nang makita niya ang umpukan ng mga tao. Dahil nais niya rin makita ang pinagkakaguluhan ng mga ito ay nakiusyoso siya.
Sa katirikan ng araw ay may isang matandang nakaupo at pinalilibutan ng iilang nakikiusyoso. Nakasuot ito ng itim na salamin sa mata.
“Ano raw ho ba ang ginagawa ni Tatay?” tanong niya sa katabing babae.
“Magma-magic daw ‘yung matandang bulag,” sagot nito. Bakas sa mukha nito ang interes na manood.
Maging si Alex ay ninais na manatili. Naalala niya kasi ang kaniyang ama noong nabubuhay pa ito. Kumikita rin ito bilang mahikero sa peryahan na malapit sa bahay nila sa probinsya.
Ilang sandali lamang ay nilabas na ng matanda ang baraha nito. Tumawag ito ng isa sa mga miron at inutusan ito na pumili ng isang baraha. Isang babae ang nag-boluntaryo.
“Ibalik mo ang baraha, pero tandaan mo kung anong baraha ang nakuha mo. Huhulaan ko,” wika ng matanda.
Matapos ibalik ng babae ang baraha ay binalasa iyon ng matanda. Nang makapili ito ng isang baraha at iharap iyon sa babae ay tuwang-tuwa na pumalakpak ang babae.
Nahulaan nga ng matanda ang baraha!
“Subalit paano iyon, nangyari, gayong bulag ang matanda?” sa isip-isip ni Alex.
“Kung kayo po ay natuwa sa aking ipinakita ay maaari po kayong mag-iwan ng munting donasyon sa lata!” magiliw na wika ng matanda.
Ngunit nagulat ang lahat nang isang lalaki ang sumigaw.
“Naku, niloloko niyo lang ho yata kami. Siguro ho ay nagpapanggap kayong bulag para makapandaya riyan sa magic niyo!” sigaw ng isang lalaki.
“Hindi ho totoo ‘yan! Bulag na ho talaga ako simula pagkabata!” depensa naman ng matanda.
Subalit karamihan sa mga nanonood ay nagsialisan na at tila nawalan na ng bilib sa matanda. Naiwan tuloy ang lata ng matanda na barya-barya lang ang laman.
Naawa si Alex sa matanda kaya naman dumukot siya ng singkwenta pesos at inilaglag sa lata sa tabi ng matanda.
Aalis na sana siya nang magsalita ang matanda.
“Salamat sa donasyon mo. hijo. Nagbigay ka ba dahil bumilib ka, o dahil naalala mo ang tatay mo na isa ring mahikero?”
Gulat na napalingon siya sa matanda. Sa labi nito ay mayroon isang misteryosong ngiti. Paano nalaman ng isang estranghero ang tungkol sa tatay niya?
Bago pa siya makasagot ay nagsalita na ulit ang matanda. “Iniisip mo kung paano ko nalaman? Isa akong mahikero, hijo. Kahit bulag ako ay marami akong nakikita,” anito.
“Ang galing niyo naman po…” Iyon lamang ang nasabi niya sa labis na pagkamangha at pagkabigla.
“Salamat sa donasyon mo, hijo. Dahil pinili mong magbigay, babalik ‘yan sa’yo nang higit pa! Nakikita ko na may isang malaking biyaya ang paparating sa buhay mo,” makahulugang wika nito bago ito tumayo at naglakad palayo.
Nakauwi na si Alex ay ang misteryosong mahikero pa rin ang nasa isip niya. Talaga kasing kakatwa ang naranasan niya. Hindi niya maunawaaan kung paano nito nalaman ang tungkol sa tatay niya. Marahil ay may taglay nga itong mahika!
Napatunayan niya ang kaniyang hinala nang gabing iyon. Nang tumawag ang kapatid niya ay ramdam na ramdam niya ang saya nito. Hindi pa man siya nagsasalita ay nagsisisigaw na ito.
“Kuya! Sa wakas, mababago na ang buhay natin!” anito.
“Anong ibig mong sabihin?” kunot noong usisa niya sa kapatid.
“Tumama ako sa lotto! Simula ngayon, ako na ang bahala sa’yo!” nagtititiling wika nito mula sa kabilang linya.
Laglag ang panga niya sa sinabi nito. Noon naman tila kidlat na bumalik sa alaala niya ang sinabi ng matanda.
“Dahil pinili mong magbigay, babalik ‘yan sa’yo nang higit pa. Nakikita ko na may isang malaking biyaya ang paparating sa buhay mo.”
Iyon ba ang sinasabi ng matanda? Tunay nga na may biyayang bumalik sa kaniya. At higit pa iyon sa sobra!