Kinakantiyawan ang Pulis dahil Takot daw Ito sa Asawa; Isang Matinding Pangyayari ang Makapagpapabago ng Kanilang Pananaw
“Pare, hindi ka ba sasama sa tropa? Mag-iinuman daw sa bahay nila Sarhento Romero. Tara muna at mamaya ka na umuwi!” paanyaya ng kapwa pulis na si Cris kay Glen.
“Hindi na, pare. Kanina pa ako hinihintay ni misis. Nakapangako ako sa kaniya na maaga ako uuwi. Pinagluto niya ako ng paborito kong kare-kare. Saka hinihintay na rin ako ng mga bata,” tugon naman ng ginoo.“Sabihin mo sa asawa mo, ngayon ka lang naman hihiling sa kaniya. Matitikman mo pa rin naman ang kare-kare niya pag-uwi. Sumaglit ka lang muna sa inuman,” pilit pa ng kasamahan.
“Hindi na talaga, pare. Kayo na lang muna. Pakisabi na lang kay Sarhento Romero na pasensiya na. Kailangan ko na talagang umuwi,” wika pa ni Glen na nagmamadali na sa pagsakay sa kaniyang motorsiklo.
Matagal nang pulis itong si Glen. Matinik sa serbisyo pero lagi siyang kinakantyawan ng kaniyang mga kasamahan dahil palagi itong wala sa kanilang mga kasiyahan. Palagi kasing umuuwi nang maaga ang nasabing pulis. Sa araw na wala naman itong pasok ay hindi mo talaga mahagilap dahil pinaglalaanan niya ng oras ang kaniyang pamilya.
Kinabukasan ay usap-usapan sa istasyon ng pulisya ang inuman na naganap kina Sarhento Romero.
“Ang daming alak, pare! Ang sarap ng mga pulutan! Ang matindi pa roon ay may mga babaeng pumunta at nakiinom sa amin! Ang lupit talaga kapag si Sarhento Romero ang nagpainom! Sayang at wala ka!” kwento ni Cris kay Glen.
“Ayos lang, pare. Hindi na rin naman ako umiinom kasi talaga. Saka malalagot ako kay misis kapag nalaman niyang may mga babae pang pumunta sa inuman,” pahayag naman ng pulis.
“Ikaw, Glen, wala kang binatbat sa asawa mo, ano? Para kang duwag na duwag kapag misis mo na ang usapan! Siguro pagdating sa bahay niyo ay ikaw pa ang naglilinis at naglalaba! Takot na takot ka sa misis mo, e!” kantiyaw pa ng kaibigan.
“Hindi naman sa takot. Ayaw ko lang masira ang pagsasamahan namin, pare. Ang mga babae kasi dapat nirerespeto ‘yan. Saka gusto ko kasing maramdaman ng pamilya ko na sila pa rin ang inuuna ko at hindi puro trabaho. Alam mo naman kung gaano kadelikado ang trabaho natin. Ayaw kong mag-aksaya ng panahon,” paliwanag pa ni Glen.
“Ang sabihin mo ay talagang takusa ka! Takot sa asawa! Tayong mga lalaki ang haligi ng tahanan. Dapat tayo ang nasusunod, hindi ang mga misis natin. Kapag sinabi mong hindi ka pa uuwi ay hindi ka pa uuwi! Maghintay ang mga misis na ‘yan!” tatawa-tawang sambit muli ni Cris.
Hindi na lang nakipagtalo pa si Glen sa kasamahan sa trabaho. Alam niya kasing iba ang pananaw ng mga ito.
Nang sumunod na araw ay muling nagkayayaan ang mga magkakaibigan na mag-inuman kina Sarhento Romero.
“Papuntahin ulit natin ‘yung mga babaeng pumunta noong nakaraan. May natipuhan ako roon, e!” saad ng isang pulis.
“Aayain pa ba natin si Glen? Tiyak kong hindi sasama ‘yun kasi nga takot sa asawa!” saad pa ng isang pulis.
“Ako ang aaya kay Glen nang sumama! Kapag hindi talaga sumama ay sigurado na tayong takot nga siya sa asawa niya!” sambit ni Cris sabay halakhakan ng tropa.
Tulad ng inaasahan ay tumanggi si Cris sa paanyaya ng mga kasamahan.
“Hinihintay na ako ng pamilya ko, pare. Pupunta kasi kami sa mga byenan ko, birthday e,” tugon ni Glen.
“Puro ka na lang dahilan, Glen. Ngayon lang, suwayin mo naman ang asawa mo! Papayag ka bang hindi ka makadagit ng mga babae at alak doon kina sarhento? Sumama ka na sa amin kahit saglit lang! Tigilan mo na ‘yang kaduwagan mo sa asawa mo! Marami pang babae riyan!” sulsol ng kaibigan.
“Pare, hindi na ako nakikipagtalo sa iyo kapag tinatawag mo akong duwag sa asawa ko. Ayos lang sa akin ‘yun! Pero hindi ko mapapayagan na hindi mo siya irespeto. Wala akong pakialam kung tawagin n’yo man akong takusa o kung ano pa man, basta uunahin ko lagi ang pamilya ko. Nagtatrabaho ako nang marangal para sa kanila kaya hindi ako gagawa ng kahit anong ikakasira ng pamilya namin,” mariing sambit ni Glen.
Lalong nakantiyawan tuloy si Glen sa kaniyang mga litanya. Kinagabihan ay umuwi na kaagad si Glen habang tumuloy naman sa inuman ang mga katrabaho niya.
Nasa kalaliman na ng gabi at nagkakasiyahan pa rin ang mga pulis kasama ang mga babae nang biglang may narinig silang nagpaputok. Nakita na lamang ni Cris na nakahandusay na ang isa nilang kasamahan.
Agad silang nagpulasan upang habulin ang kr*minal ngunit hindi na nila ito naabutan. Nasawi ng gabing iyon si Sarhento Romero.
Dahil sa kanilang trabaho ay marami silang nakakabanggang mayayamang indibidwal. Marahil ay isa itong kaso ng paghihiganti. Sapagkat lagi silang nag-iinuman kina Sarhento Romero ay malamang na natiktikan na ito ng mga masasamang tao. Kaya nang makakita ng tyansa ay agad itong sinunggaban ng mga hindi na nakilala pang salarin.
Dahil sa tindi ng pangyayari ay nabalita pa ito sa telebisyon. Kitang kita ng mga misis ng mga nasabing pulis ang inuman at mga babaeng kasama nila.
Nagdulot din ng matinding kahihiyan ito sa mga pamilya ng pulis na naroroon. Dahil din sa pangyayari ay hiniwalayan si Cris ng kaniyang asawa.
“Sana ay nakinig na lang ako sa’yo, Glen. Ngayon ko lang napagtanto ang lahat ng sinabi mo. Muntik na ngang tumama sa akin ang balang iyon dahil katabi ko pa si Sarhento. Mabuti ay buhay pa ako. Ngunit sawi pa rin ako dahil tuluyan na akong iniwan ng pamilya ko,” malungkot na sambit ni Cris sa kaibigan.
“Alam mo, pare, ipagpasalamat mong buhay ka pa. May pag-asa pang maayos ang pamilya mo basta patutunayan mo lang sa kanila na sila ang prayoridad mo. Lagi mo silang pipiliin, pare, dahil sila ang tunay mong yaman sa mundong ito,” wika naman ni Glen.
Simula noon ay inayos na ni Cris ang kaniyang sarili. Gagawin niyang inspirasyon ang pagsasama nila Glen at ng misis nito. Pinagsisikapan niya ngayon na mabuo muli ang kaniyang pamilya.