Inday TrendingInday Trending
Itinaguyod ng Dalaga ang Buhay Nilang Maglola sa Pagtitinda ng Mani at Chicharon; Laking Pasasalamat Niya sa Lahat ng Tumulong sa Kaniya

Itinaguyod ng Dalaga ang Buhay Nilang Maglola sa Pagtitinda ng Mani at Chicharon; Laking Pasasalamat Niya sa Lahat ng Tumulong sa Kaniya

Hindi na natapos si Kyline ang kaniyang klase dahil agad-agad siyang umuwi. Nabalitaan kasi niyang nahimatay raw ang kaniyang Lola Linda habang nagtitinda ito ng mani at chicharon sa bangketa.

“Sabi ko naman po sa inyo, lola, huwag na po kayong magtinda kapag masama ang pakiramdam n’yo. Huwag n’yo na pong ipilit. Ako na po ang bahala sa atin. Nakakagawa naman po ako ng paraan para po kahit paano ay may makain tayo,” saad ni Kyline sa kaawa-awang matanda.

“Gusto ko kasi, apo, ‘yung mga naiipon mong pera ay ilaan mo na lang sa pag-aaral mo. Hindi madali ang mag-aral sa kolehiyo. Kahit na nasa pampublikong unibersidad ka, alam kong marami kang kailangan sa eskwela,” saad naman ng matanda.

“Kaya ko pong gawan ng paraan, lola. Saka mababait naman po ang mga kaibigan ko. Palagi rin naman pong may nagpapagawa sa akin ng ilang proyekto. Saka po naisip ko ring mag-tutor sa mga estudyante sa ibang kurso. Kaya parang awa n’yo na po, kapag hindi maganda ang timpla ng katawan n’yo ay huwag na kayong magtinda,” saad pa ng dalaga.

Umoo lamang ang kaniyang Lola Linda upang tumigil na ang apo sa pag-aalala. Pero ang totoo ay ayaw niyang maging pabigat sa apong nag-aaral ng kolehiyo.

Walang ibang pangarap itong si Kyline kung hindi makapagtapos ng pag-aaral. Bata pa lamang kasi siya nang yumao ang kaniyang ina. Mula noon ay iniwan na siya ng kaniyang ama naman sa pangangalaga ng kaniyang Lola Linda. Ito na ang naging tatay at nanay para sa kaniya.

Ngunit sa pagtanda ni Lola Linda ay humihina na rin ang kaniyang katawan. Ngunit pilit pa ring nagtitinda si Lola Linda ng mani at chicharon para ipambuhay nila ng kaniyang apo.

Nagpatuloy sa pagtitinda si Lola Linda ng kaniyang mga paninda sa bangketa. Ngunit isang araw ay muli siyang nawalan ng malay.

“Hindi na raw po talaga kayo p’wedeng magtinda, lola. Hindi niyo na po kakayanin ang pagod at init sa labas. Huwag na po kayong makulit. Mas nanaisin ko pang hindi magtapos ng pag-aaral kaysa mawala po kayo. Hayaan n’yo, lola, maghahanap po akong trabaho nang sa gayon ay makatulong ako sa inyo,” saad ni Kyline sa matanda.

“Kapag nagtrabaho ka ay baka ikaw naman ang magkasakit, apo! Saka baka hindi mo na tapusin ang pag-aaral mo kapag nakaranas ka nang kumita. Ipapahinga ko lang ‘to, apo, tapos aayos din ang pakiramdam ko,” sambit naman ni Lola Linda.

“Huwag na po kayong makulit, lola. Lalo po akong hindi mapapalagay kapag matigas pa ang ulo n’yo. Baka kung ano pa ang mangyari sa inyo sa labas at tuluyan na talaga akong hindi mag-aral dahil kailangan kong suportahan ang pagpapagamot niyo. Gusto mo po ba ‘yun?” muling wika ng dalaga.

Dahil sa sinabing ito ni Kyline ay tuluyan nang sumunod sa kaniyang nais si Lola Linda.

Ngunit hindi naman makakita ng mapapasukang trabaho itong si Kyline dahil na rin sa iskedyul niya sa paaralan.

Habang nag-iisip siya ng paraan ay muli niyang nakita ang mga paninda ng kaniyang Lola Linda.

“Bakit hindi na lang ako magtinda ng mani at chicharon? Natulungan ko na si Lola Linda, hindi pa makokompromiso ang pag-aaral ko,” saad ng dalaga sa sarili.

Minabuti ni Kyline na magtinda ng mani at chicharon sa bus ilang oras bago siya pumasok sa paaralan. Bitbit ang isang malaking bag para sa kaniyang paninda ay hindi niya inalintana ang pagod at kahihiyan. Ang tanging nasa isip lamang ni Kyline ay makatulong sa kaniyang Lola Linda at makapagtapos ng pag-aaral.

Minsan ay nagtataka na rin ang kaniyang mga kamag-aral kung bakit laging may malaking bag na dala itong si Kyline.

“Naglayas ka ba sa inyo? Parang dala mo na ang buong aparador mo, e!” usisa ng isang kaklase.

“Ah, wala ito. May ipinapahatid kasi sa akin si lola,” pagsisinungaling ni Kyline.

Ngunit hindi naniniwala dito ang ilang kamag-aral. Lalo na at hindi iniiwan ni Kyline ang naturang bag.

Isang umaga, pinilit ni Kyline na maubos ang dala niyang paninda nang sa gayon ay hindi na niya ito dalhin sa paaralan. Ngunit marami pang natirang paninda at mahuhuli na si Kyline sa pasok sa eskwela.

Nang makarating siya sa paaralan ay agad siyang pinatawag ng kaniyang guro.

“Ma’am, pasensya na po talaga. Hindi na po mauulit. Payagan n’yo po sana akong pumasok sa klase n’yo,” pakiusap ni Kyline sa guro.

“Kyline, hindi kita pinatawag para pagalitan. Nakita kita kanina sa bus at nagtitinda ka ng mani at chicharon. Kailan mo pa ito ginagawa? May problema ka ba?” tanong ng kaniyang professor.

Kinuwento ni Kyline ang nangyari sa kanilang maglola. Hindi naiwasan ng dalaga na maiyak habang inilalahad niya ang lahat ng hirap na kaniyang pinagdadaanan.

“Delikado kasi ang pagtitinda mo sa bus, Kyline. Kaya naisip kong kausapin ang ilang guro at ang dean ng paaralan nang sa gayon ay matulungan ka namin. Imbis na magtinda ka sa bus ay dito ka na lang sa paaralan magtinda. Hindi pa malalagay sa alanganin ang kaligtasan mo,” pahayag pa ng guro.

Hindi alam ni Kyline ang kaniyang magiging reaksyon dahil sa sinabing ito ng kaniyang guro. Malaking tulong at ginhawa kasi sa kaniya kung sa eskwela na siya magtitinda.

Nang mabalitaan naman ng kaniyang mga kaklase ang tunay na laman ng kaniyang malaking bag ay isa-isang bumili ang mga ito. Tinutulungan nila si Kyline upang araw-araw ay maubos ang paninda ng dalaga.

May mga pagkakataon pa nga na hinahayaan pa si Kyline ng kaniyang guro na magtinda muna bago simulan nito ang klase.

Labis ang pasasalamat ni Kyline sa tulong ng mga guro at mga kamag-aral. Sa loob ng tatlong taon ay binuhay niya ang kaniyang Lola Linda at natustusan niya rin ang kaniyang pag-aaral sa pamamagitan ng pagtitinda ng mani at chicharon.

Hanggang sa hindi makapaniwala si Kyline dahil sa wakas ay magtatapos na siya ng pag-aaral. At hindi lamang basta magtatapos dahil mayroon siyang tatanggaping mataas na parangal.

“Habambuhay akong magpapasalamat sa Panginoon sa buhay at talino na ibinigay Niya sa akin. Labis din ang pasasalamat ko sa Lola kong nagtaguyod sa akin. At maraming salamat din po sa mga guro at kamag-aral na sumuporta sa akin sa ilang taon na nasa kolehiyo ako. Hindi po ako narito ngayon sa inyong harapan kung hindi dahil sa kanila. Hindi ko sasayangin ang lahat ng pagkakataon na naibigay sa akin. Patuloy akong magsusumikap nang mabigyan ko ng magandang buhay ang lola ko at para na rin matapos na ang kahirapan sa aming pamilya,” pahayag ni Kyline habang ginagawaran ng medalya.

Hindi naging hadlang kay Kyline ang hirap ng buhay upang magpatuloy na maabot ang kaniyang mga pangarap.

Advertisement