Bantay-Sarado ang mga Kostumer sa Matinik at Masungit na Tindero; Isang Pamilya ang Magpapalambot ng Kaniyang Puso
“Miss, bibilhin mo ba ‘yang vase na ‘yan? Kanina mo pa kasi hawak. Baka mamaya ay mabasag mo! Pababayaran ko pa rin ‘yan sa’yo!” sita ni Mang Ramil sa isang dalagang bumibili sa kaniyang surplus store.
“Opo, bibilhin ko po ito. Naghahanap pa po kasi ako ng pwede ko pang bilhin. Pasensya na po,” nahihiyang tugon naman ng dalaga.
Pagbalik sa kaniyang inuupuan ay sinita rin si Mang Ramil ng kaniyang asawang si Aling Nadia.
“Ikaw naman, Ramil, paano naman tayo kikita kung palagi mong sinusungitan ang mga kustomer natin? Hayaan mo silang pumili ng gusto nila,” wika ng ginang.
“Naiinis kasi ako na parang inaangkin na kaagad hindi pa naman nababayaran. Tapos mamaya ay hindi naman pala bibilhin. ‘Yung mga gusto tuloy talagang bumili hindi na magagawa dahil akala’y may iba nang nakakuha,” pahayag naman ni Mang Ramil.
“Naku, ang init na naman ng ulo mo. Kaya hindi pumapasok ang swerte, e. Hayaan mo lang sila. Maghintay ka lang na makapili ang mga kostumer,” paalala pa ni aling Nadia.
Umismid lamang si Mang Ramil. Sa hindi na kasi mabilang na pagkakataon ay muli na naman siyang napagsabihan ng asawa.
Hindi pa man din nagtatagal ang paninita ni Mang Ramil sa isang dalaga ay muling nakuha ang kaniyang pansin ng isang pamilyang namimili. Kasama ng mag-asawa ang isa nilang anak na babae.
“Ano na naman ‘yan, Ramil? Baka pakialaman mo na naman ‘yung mga namimili!” pansin ni Aling Nadia.
“Tigilan mo nga ako, Nadia! Wala akong tiwala sa pamilyang ‘yan. Tingnan mo at kanina pa hawak ng bata ang teddy bear. Mamaya ay makakaligtaan na nila ‘yan. Hindi natin mapapansin dahil abala rin tayo. Siyempre kapag bata ang may dala hindi mo naman p’wedeng kasuhan,” saad ni Mang Ramil.
“Ramil, itigil mo na nga ‘yan! Kung anu-ano na ang pumapasok sa utak mong matanda ka. Pumirmi ka nga dito at hintayin mo na lang magbayad ang mga namimili. Mawawalan tayo ng kustomer sa ginagawa mo!” sambit pa ng ginang.
“Mawawalan naman tayo ng paninda at kita kapag hindi natin sila binantayan! Bahala ka nga riyan! Kaunti na nga lang ang kinikita nitong tindahan ay gusto mo pang masalisihan tayo!” dagdag naman ni Mang Ramil.
Talagang hindi hinintuan ni Mang Ramil ang pagsubaybay sa naturang pamilya. Makalipas ang kalahating oras na paghahagilap ng mabibili ay magbabayad na rin ang mga ito.
Hindi maiwasan ni Mang Ramil na marinig ang pakiusap ng bata sa kaniyang ama.
“Sige na po, ‘tay, bilhin n’yo na po itong teddy bear na ito,” pagpupumilit ng batang babae.
“Ibalik mo na ‘yan, anak. Wala tayong sapat na pera para bumili niyan. Sapat lang ang pera natin para sa mga kumot na ito, anak. Para mamayang gabi ay hindi ka ginawin,” paliwanag ng ama.
“Sige na po, ‘tay! Kahit ito na lang po ang bilhin n’yo at ‘wag na po ang kumot,” muling giit ng bata habang naluluha.
“Anak, sundin mo na ang tatay mo, ibalik mo na ang laruan na ‘yan at wala tayong pambayad. Mas mahalaga ang kumot na ito,” saad naman ng ina ng bata.
Nang marinig naman ni Mang Ramil ang pag-uusap na ito ng mag-anak, imbis na mahabag ay nainis pa siya sa mga ito.
“Naku, alam ko na ‘yang mga drama n’yo! Sige na, Ineng, at ibalik mo na ‘yang teddy bear. Kung wala kayong pambayad ay huwag ka nang mapilit. Hindi ako maaawa sa iyo para lang ibigay ko ‘yan!” sambit ni Mang Ramil.
“Baka mamaya ay maging itong kumot ay hindi niyo kayang bayaran nang tama. Umalis na kayo dahil hindi ako namimigay ng paninda ko rito! Nagbabayad kami ng upa at namumuhunan kami!” naiinis nang sambit ni Mang Ramil.
“Pasensya na po at hindi naman po gan’yan ang layunin namin. Sadyang sakto lang kasi ang pera namin. Kaya nga po sa surplus kami bumili para po hindi kasing mahal ng bago. Ito pong anak ko kasi laging giniginaw sa gabi…” hindi pa man natatapos sa sinasabi ang lalaki ay agad na siyang pinutol ni Mang Ramil.
“Hindi ko na problema ang lahat ng ‘yan! Basta bayaran n’yo na itong nakuha n’yo at magdrama na lang kayo sa ibang lugar,” wika pa ni Mang Ramil.
Hindi na nakapagpigil si Aling Nadia nang marinig niya ang paraan ng pakikipag-usap ng asawa.
Ramil, ano ba naman itong sinasabi mo sa kanila? Ibigay mo na sa bata ang teddy bear. Hindi naman natin ikakahirap ‘yan! Kawawa naman ang bata,” sambit ni Aling Nadia.
“Sige na, hija, sa iyo na ang tedy bear na iyan. Lagi mo iyang iingatan, ha?” wika pa ng ginang sa bata.
Sa sobrang inis ni Mang Ramil ay nagdabog ito at saka umalis ng tindahan.
“Naku, galit po ata ang asawa n’yo, ginang. Hayaan n’yo na po at hindi na namin kukunin ang teddy bear. Anak, ibalik mo na ang teddy bear sa kanila,” saad pa ng ale.
Ngunit iginiit ni Aling Nadia na kunin na ng mga ito ang naturang teddy bear. Walang pagsidlan ang saya ng bata sa ginawang ito ni Aling Nadia.
Makalipas ang ilang minuto pagkaalis ng mag-anak ay muling bumalik si Mang Ramil sa tindahan. Naabutan niyang umiiyak si Aling Nadia. Kaya lubos siyang nag-alala.
“Anong ginawa sa iyo ng pamilyang ‘yun? Ninakawan ka ba nila?” natatarantang sigaw ni Mang Ramil.
Umiling si Aling Nadia sabay punas ng kaniyang mga luha.
“Hindi ako ginawan ng masama ng mag-anak na iyon. Naaawa lang kasi ako sa kalagayan ng kanilang buhay,” saad ng ginang.
“At nagpaloko ka talaga sa drama ng mag-anak na iyon?” inis na sambit muli ng ginoo.
“Alam mo, Ramil, umiiyak ang bata kanina dahil sa lubos na saya. Ang akala kasi namin ay gusto lang niya talaga ang teddy bear. ‘Yun pala ay para ito sa kaniyang yumaong kapatid. Ireregalo niya ito sa puntod ng kapatid dahil kaarawan nito bukas. Mahilig daw sa teddy bear ang kapatid niyang iyon. Nasawi ang kapatid niya nang sundan ang isang mama na nagtitinda ng teddy bear. Naiyak din ang mga magulang ng bata nang narinig nila ang dahilan ng anak. Ang pamilyang iyon ay sa bangketa lamang nakatira. Kaya kailangan nila ng kumot para sa bata dahil sa gabi ay nilalamig ito. Maliit na halaga lamang ang teddy bear na iyon kaysa sa sayang idudulot nito sa puso ng bata,” saad pa ng umiiyak na si Aling Nadia.
Sa unang pagkakataon ay hindi alam ni Mang Ramil ang isasagot niya sa asawa. Nakita na lamang niya ang kaniyang sarili dala ang ilan pang kumot at unan na kanilang itinitinda. Dali-dali siyang lumabas ng tindahan saka niya hinabol ang mag-anak.
“Pasensya na kayo sa inasal ko kanina. Kunin n’yo na itong sapin at mga unan at kumot. Gamitin niyo ang lahat ng ito nang sa gabi ay mahimbing ang inyong tulog kahit paano,” tanging nasabi na lamang niya sa mag-anak.
Walang humpay naman ang pasasalamat ng mahirap na mag-anak kay Mang Ramil. Sa unang pagkakataon rin ay iba ang naging saya sa kalooban ng ginoo. Alam niyang hindi man niya mapapalitan ang buhay ng nawalang kaanak ng mga ito, maiibsan naman kahit paano ang kanilang dinaranas sa mabuti nilang ginawa ng kaniyang asawa.
Mula noon ay nagbago na si Mang Ramil. Mas naging maunawain at magiliw na siya sa kaniyang mga kostumer dahilan para lalong dumugin ang kanilang tindahan ng mga mamimili.