Inday TrendingInday Trending
Sawa na Raw ang Babaeng Ito na Ayusin Pa ang Relasyon Nila ng Kaniyang Asawa, Sa Kwarto Lang Pala ng Kaniyang Anak Maaayos ang Lahat

Sawa na Raw ang Babaeng Ito na Ayusin Pa ang Relasyon Nila ng Kaniyang Asawa, Sa Kwarto Lang Pala ng Kaniyang Anak Maaayos ang Lahat

“Maghihiwalay na kami ni George, hindi ko na kaya,” iyak ni Madonna sa kaniyang matalik na kaibigan.

“Ano ka ba naman, isang taon pa lang ang nakalilipas. Ano ba ‘yung bigyan mo pa siya ng pagkakataon? Baka hindi pa niya matanggap,” sagot naman ni Carina sa babae.

“Hindi lang naman siya ang nagluluksa, Carina, maging ako rin naman ay nawalan ng anak. Pero simula nang mawala si Camille ay hindi na naging maayos pa ang pagsasama namin,” iyak muli ni Madonna.

“Hindi na siya tumabi sa akin simula nang inilibing ang anak namin. Palagi siyang nasa kwarto ni Camille at paulit-ulit niyang sinasabi na nandito pa raw ang bata. Hindi lang siya ang nasasaktan, hindi lang siya ang nahihirapan. Nanay ako, kung masakit para sa kaniya ang mga nangyayari ay mas masakit sa akin, ako ang nagluwal sa batang iyon pero bakit parang siya ang huminto ang mundo?”

“Baka kailangan naming maghiwalay, baka kailangan kong mawala sa bahay na iyon para naman makita niya kung sino ba talaga ang nasa mundo pa. Hindi na niya ako nakikita pa bilang asawa,” hagulgol pang muli ng babae. Wala namang nagawa si Carina kung ‘di yakapin ang kaibigan niya.

Isang taon pa lang ang nakalipas nang mawala sa aksidente ang nag-iisa nila George at Madonna na si Camille. Simula rin noon ay nagdilim ang dating maliwanag nilang buhay. Ilang beses na pinilit ni Madonna ayusin ang relasyon nila ngunit kahit anong gawin niya ay ayaw maniwala ng kaniyang asawa na sumakabilang buhay na ang anak nila. Dahil na rin dito ay nabuo ang loob ng babae upang hiwalayan na ang kaniyang mister dahil pakiramdam niya ay lalo lamang siyang nalulunod sa pagsasama nilang dalawa.

“Kung hindi mo pa rin tatanggapin na wala na ang anak natin ay walang magbabago sa sitwasyon natin. Kailangan nating mabuhay sa kasalukuyan, George, huwag mo akong parusahan nang ganito,” iyak ni Madonna habang nagliligpit ng mga gamit niya.

“Hindi ka man lang ba magsasalita? Ano ba talaga? Itatapon mo na lang ang lahat, George, aalis na ako!” sigaw pang muli ng babae sa mister na tahimik lamang sa isang tabi.

“Matagal ko naman nang sinabi sa’yo, ‘di ba? Nandito pa ang anak natin, nagpaparamdam pa siya sa kwarto niya, nakikita ko pa ang imahe niya sa kandila kapag sinisindihan ko. Nararamdaman ko pa ang anak natin! Bakit ba hindi mo ako kayang paniwalaan?! Bakit parang hindi ka nawalan ng anak, bakit hindi kita nakikitang umiiyak, nalulungkot? Bakit tuloy-tuloy lang ang buhay mo?!” inis na sagot ni George sa kaniya.

“Ayan, diyan, diyan tayo nasisira! Sa kakapilit mong nandito pa ang espiritu ni Camille! George naman, hindi ibig sabihin na hindi ako umiiyak katulad mo ay hindi ako nasasaktan o hindi ako nagluluksa. Iba-iba tayo ng paraan ng pagluluksa,” luhang sabi ni Madonna sa mister.

“Kung maniniwala ka lang sa akin, makikita mo rin siya. Ikaw lang ang hinihintay ni Camille. Ikaw lang, Madonna,” dismayadong wika ni George sa kaniya.

“Kung desidido ka na talagang umalis ay hindi kita pipigilan pero pagbigyan mo lang ako sa huling hiling ko. Hayaan mong makausap ko ang anak natin,” malungkot na pakiusap ng lalaki. Wala naman nagawa si Madonna kung ‘di pagbigyan ang kaniyang asawa nang matapos na ang lahat dahil noon pa siya nito pinakikiusapan na magpatawag ng espiritista.

Kinabukasan ay dumating ang espiritistang tinawagan ng kaniyang asawa.

Naupo sila sa salas at nagsimula ito sa kanilang ritwal. Nagsindi na ito ng kandila at nagdasal habang si Madonna at hindi pa rin kumbinsido sa mga kaluluwa dahil noon pa man ay hindi siya naniniwala sa mga ganito.

“Gustong-gusto ng magpaalam ni Camille sa mundong ito at ikaw lang ang hinihintay niya, Madonna,” wika ni Aling Ester, ang espiritista.

“Ako?” naguguluhang tanong ng babae.

“Oo, ikaw, ikaw na lang ang hindi pa pumapasok sa kwarto ni Camille. Hinihintay ka niya, mommy,” iyak ni George sa kaniya na tila ba nakikipag-usap sa hangin ang lalaki. Doon na lalo pang napaluha ang babae nang makita niya ng malinaw ang imahe ng kanilang anak sa bintana. Labis na pangingilabot at pagkalungkot ang kaniyang naramdaman.

Simula nang mawala ang kanilang anak ay ni isang beses hindi pa muling pumasok si Madonna sa kwarto nito dahil ito ang paraan niya upang mabilis mapahilom ang sugat na nasa kaniyang puso. Ngunit hindi niya akalain na totoo pala ang sinasabi ng kaniyang asawa na nakikita pa niya ang kanilang anak dahil siya pala ang hinihintay nito.

Kinaumagahan ay binuksan muli ni Madonna ang kwarto ng kaniyang anak at parang may kung anong kirot ang nararamdaman niya sa kaniyang puso dahil buhay na buhay pa rin ang mga gamit nito, ang higaan at ang buong kwarto.

“Lumaya ka na, anak, mahal na mahal ka namin. Pasensya na kung ngayon lang ako pumasok dito. Naging duwag si mommy, patawarin mo ako,” luhang bigkas ng babae.

Saka niya naramdaman ang malakas na hangin na nagliparan ang mga kurtina sa kwarto ng bata at nakita niyang muli ang kaluluwa ng kaniyang anak na kumakaway sa kaniya. Nasaksihan din ito ni George na mabilis siyang niyakap at sa unang pagkakataon ay nahaplos niyang muli ang kaniyang mister.

Pumanaw ang bata nang makuryente ito sa kanilang bahay habang naglalaro. Hindi naging madali para sa lalaki na matanggap ang aksidente dahil siya ang nagbabantay noon kay Camille kaya naman pakiramdam ni George ay wala siyang kwentang magulang. Habang si Madonna naman ay idinaan sa limot ang insidente at nais niyang magsimula ng bago para sa kanilang mag-asawa ngunit hindi nila ito magawa.

Ayon kay Aling Ester ay hindi rin makaakyat ang kaluluwa ni Camille dahil sa pag-aalala niya sa magulang nito. Kaya naman doon sila nag-umpisang muli. Pinalaya nila ang isa’t-isa sa malagim na nakaraan at tinanggap ang masakit na katotohanang wala na ang kanilang anak. Hindi nagtagal ay hindi na nila naramdaman pa ang kaluluwa ng kanilang anak sa bahay ngunit kahit na ganoon ay hindi pa rin nila ito malilimutan kailanman.

Advertisement