Inday TrendingInday Trending
Labis na Kinaiinggitan ng Binata ang Matalik Niyang Kaibigan; Isang Araw ay Malalaman Niya na Mas Masuwerte pa Pala Siya Kaysa Rito

Labis na Kinaiinggitan ng Binata ang Matalik Niyang Kaibigan; Isang Araw ay Malalaman Niya na Mas Masuwerte pa Pala Siya Kaysa Rito

Matalik na magkaibigan sina Eris at Miko. Mula elementarya hanggang sa magkolehiyo ang dalawa ay palagi silang magkasama. Parehong kurso rin ang kinuha nila. Kahit malayo ang antas ng pamumuhay ni Eris kay Miko ay hindi iyon naging hadlang upang maputol ang maganda nilang samahan.

“Mauna na ako sa iyo, Miko. Ayun na ang papa mo. Hinihintay ka na sa kotse,” wika ni Miko sa kaibigan.

“Sige, pare. Kita ulit tayo bukas, ha?” sagot nito.

Nang sumakay ang kaibigan sa magarang kotse ng papa nito ay hindi naman naiwasan ni Miko na mainggit. Maya maya ay umandar na ang sasakyan palayo sa kanya. Habang sinusundan ng tingin ang kotse ay hindi maalis sa isip ni Miko ang inggit na nararamdaman sa kaibigan.

“Napakasuwerte talaga ni Eris. May papa na matalino na, mayaman pa at manager pa ng isang malaking kumpanya sa Makati,” sambit niya sa sarili.

Labis niyang hinahangaan at iniidolo ang ama ni Eris dahil bukod sa mataas ang posisyon nito sa trabaho ay ubod pa ng talino. Sayang nga lang at hindi iyon namana ng kaibigan niya. Mas mautak kasi siya samantalang ang kaibigan ay mahina ang ulo. Minsan nga, naisip niya na sana siya na lang ang anak ni Mr. Crisologo, tiyak na matutuwa ito sa kanya at ipagmamalaki siya dahil gaya nito ay matalino rin siya ngunit hindi siya sinuwerte na magkaroon ng ama na gaya ng papa ni Eris. Sa halip ay binigyan siya ng ama na mahirap.

Nang dumating siya sa bahay nila ay agad siyang sinalubong ng tatay niya.

“O, anak, mabuti’t dumating ka na! Magbihis ka na at kakain na tayo,” anito.

“Opo, itay,” tangi niyang sagot.

Kahit kailan ay hindi niya ipinagmalaki ang ama dahil si Mang Atoy ay hindi matalino, hindi mayaman, hindi de kotse at hindi manager sa malaking kumpanya. Isa lamang itong hamak na mekaniko sa kanilang maliit na talyer.

Paano ba naman niya ipagmamalaki ang ama kung madalas niya itong makita na marumi, marungis at puro grasa ang damit at katawan? Nakakahiyang ipakilala sa mga kaklase niya lalo na’t hindi rin marunong mag-Ingles ang tatay niya dahil hindi ito nakatapos sa pag-aaral at mahina rin ang ulo.

Nang minsang magkausap ulit sila ni Eris ay hindi niya naiwasang tapatin ang kaibigan.

“Alam mo, pare, ang suwerte-suwerte mo talaga,” aniya.

“Bakit naman?” tanong ni Eris.

“Napakasuwerte mo dahil nagkaroon ka ng ama na gaya ng papa mo. Kung ako ang nasa kalagayan mo ay wala na akong hahanapin pa, pare,” sabi pa ni Miko.

Hindi kumibo si Eris sa sinabi niya. May lungkot na rumehistro sa mukha ng kaibigan ngunit hindi iyon pinansin ni Miko dahil mas nananaig ang inggit sa kanya. Maya maya ay inaya na siya nito.

“Tara na, pare, lakwatsa muna tayo. Ayoko pang umuwi sa bahay, eh!” sabi ng kaibigan.

“S-sige, ayoko pa ring umuwi sa amin,” sagot ni Miko. “Ayokong makita si tatay na puro grasa na naman ang katawan, kakadiri!” saad pa niya sa isip.

Isang araw, naisipan ni Miko na dalawin si Eris sa bahay nito para sorpresahin. Ang totoo ay gusto rin niyang makita ang papa nito na idolong-idolo niya. Nang marating ang bahay ng kaibigan ay muli na naman siyang nainggit.

“Ang laki talaga ng bahay nila. Napakasuwerte talaga ng kaibigan ko,” sambit niya sa sarili.

Pinindot niya ang doorbell ng ilang ulit. ‘Di nagtagal ay may nagbukas ng gate.

“O, Miko, anong ginagawa mo rito, hijo?” tanong ng kasambahay nina Eris na si Aling Melba.

“Sosorpresahin ko po sana si Eris. Maaari po bang tumuloy?” magalang niyang tanong.

“Naku, saka ka na lang bumalik, Miko. Hindi ka puwedeng pumasok dahil magulo sa loob,” sagot ng kasambahay.

Ikinagulat ni Miko ang sinabing iyon ni Aling Melba.

“A-ano pong ibig niyong sabihin? Anong magulo?” aniya.

“Nag-aaway na naman kasi ang mama at papa ni Eris, eh! Sinasaktan na naman ng papa niya ang mama niya. Kanina pa nga umaawat si Eris, pero wala siyang nagawa at pati siya ay sinaktan ng papa niya. Sinuntok siya nito sa mukha. Nakakaawa nga eh!” bunyag ng kasambahay.

“Ang papa ni Eris, nananakit?” ‘di makapaniwalang tugon ni Miko.

“Oo, palaging ganyan dito sa bahay, magulo! Laging nananakit ang papa niya at alam mo ba na nambababae rin ang papa niya. May ibang babae kasi si sir kaya palaging inaaway ng mama ni Eris!” sumbong pa ng kasambahay.

Matagal na hindi nakapagsalita si Miko. Natigalgal siya sa natuklasan niya. Ang papa ni Eris na matalino, mayaman at may magandang posisyon sa trabaho, ang taong hinahangaan at iniidolo niya ay isa palang bayolenteng tao, mapanakit at isang babaero.

Sapat na ang mga nalaman niya para maglahong parang bula ang lahat ng inggit niya sa kaibigan.

Nang umuwi siya bahay nila ay agad niyang niyakap si Mang Atoy kahit pa marungis ito at puno ng grasa ang damit. Wala siyang pakialam kung marumihan din siya.

“Itay, itay…” sambit niya na ‘di na napigilang mangilid ang luha sa mga mata.

Ginantihan din ni Mang Atoy ang yakap niyang iyon na ang ibig sabihin ay nagsisisi na siya na ikinahiya niya ang ama.

“O, anak, bakit?” naguguluhang tanong ng ama.

“Wala lang po. Gusto ko lang po kayong yakapin nang mahigpit. Mahal na mahal kita, itay at para sa akin, ikaw ang da best na tatay sa balat ng lupa. Happy Father’s Day po!” tugon niya.

Muntik na niyang malimutan na araw pala ng mga haligi ng tahanan ang araw na iyon. Nang maalala niya ay agad niyang binati ang ama at pinaramdam na mahalaga ito sa kanya.

Para kay Miko ay wala nang hihigit pa sa kanyang tatay. Hindi man ito matalino, mayaman at hindi manager sa isang malaking kumpanya, pero matino naman ito at mabait na ama. Hindi ito nananakit at kahit kailan ay hindi nambabae kahit noong nabubuhay pa ang namayapa niyang ina.

Mula noon ay ipinagmamalaki na niya si Mang Atoy sa lahat ng tao. Wala na siyang pakialam kung pagiging mekaniko lang ang trabaho, hindi marunong mag-Ingles at hindi de kotse ang kanyang ama na tulad ng papa ng kaibigang si Eris, ang mahalaga ay pinalaki siya nito nang hindi nagkulang sa pagmamahal.

Advertisement