Pinagbintangang Magnanakaw ng Ale ang Traysikel Drayber; Napahiya Ito nang Lumabas ang Totoo
Hindi nakapagtapos sa pag-aaral si Monching kaya ang kinabagsakan niya ay ang pagiging traysikel drayber sa kanilang lugar.
Maagang naulila sa mga magulang ang binata. Kahit mahirap ang buhay ay patuloy siyang lumalaban para sa dalawa niyang kapatid na sina Morly at Meynard kaya kahit pag-aaral ay isinakripisyo niya para sa mga ito.
“O, eto na ang baon niyo! Mag-aaral kayong mabuti, ha?” sabi niya sa mga kapatid.
“Salamat, kuya. Sige, papasok na kami sa eskwela,” sagot ni Morly.
“Bye, kuya! Ingat ka sa pamamasada,” tugon naman ni Meynard.
“Salamat. Hala, larga na at baka mahuli pa kayo sa klase,” wika pa ng binata.
Nang makaalis ang mga kapatid ay sinimulan na niya ang pamamasada ng traysikel. Malakas ang pakiramdam niya na susuwertehin sa araw na iyon.
Maya maya ay may ale na umarkila sa traysikel niya at nagpahatid sa kabilang kanto.
“Ang daming bitbit ng aleng ito! Siguro ay galing ito sa probinsya,” sambit ni Monching sa isip nang makitang maraming dalang bagahe ang babae.
Nang maihatid ang babaeng kustomer…
“Eto, o, boy! Sinobrahan ko ng singkwenta pesos ‘yan. Tip ko sa iyo!” sabi ng ale sabay abot sa kanya ng bayad.
“Naku, salamat po,” tugon niya.
Tuwang-tuwa si Monching dahil sa ibinigay na tip ng babae. Sa maliit na halagang iyon ay may pambili na siya ng meryenda para sa mga kapatid niya ‘pag umuwi ang mga ito galing sa eskwela.
Itinuloy niya ang pamamasada. Ilang sandali lang ay may pumara ulit na pasahero sa kanya.
“Boy, para!”
“Ayos! May pasahero ulit ako!” wika ni Monching sa isip.
Ilang minuto lang ay narating na nila ang lugar kung saan nagpahatid ang lalaki. Isa ‘yong squatter’s area.
“Eto’ng bayad ko, boy! Keep the change!” sabi ng pasahero sabay abot ng bayad.
Nanlaki ang ang mga mata niya sa ibinayad ng lalaki.
“Limangdaang piso! Ang laking magtip ng mamang ito!” aniya sa sarili. “Maraming salamat, boss!” sagot niya.
Nagkatotoo ang pakiramdam niya, sinuwerte nga siya. Sa buong araw na pamamasada ng traysikel ay nagkaroon pa siya ng walong pasahero kaya malaki ang kinita niya.
Ngunit kinabukasan, laking gulat niya nang may mga dumating na pulis sa bahay nila kasama ang babaeng inihatid niya.
“Siya, mamang pulis! Siya ‘yung traysikel drayber na nasakyan ko kahapon!” galit na galit na sabi ng ale sabay turo sa kanya.
“A-ako nga po! Bakit? Anong kailangan niyo sa akin?” gulat niyang tanong.
“May lamang tatlumpung libong piso at mamahaling mga alahas ang naiwan kong maliit na bag sa traysikel mo! Natitiyak ko na ikaw ang nagnakaw niyon!” singhal ng babae.
“Ano? W-wala po akong nakitang maliit na bag kahapon at wala po akong ninanakaw,” tanggi niya.
Dahil sa iskandalosa ang babae ay mabilis na narinig at nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay ang nagaganap ngunit hindi inasahan ni Monching ang reaksyon ng mga kapitbahay niya.
“Mawalang galang na po, pero narinig namin ang reklamo niyo kay Monching. Hindi niya magagawa ang ibinibintang niyo sa kanya dahil mabuting tao ang batang ‘yan,” sabad ng kapitbahay niyang si Mang Ben.
“Oo nga, matagal na naming kilala ang batang ‘yan at ang mga kapatid niya. Mababait at masisipag ang mga ‘yan. At iyang si Monching ay matapat na tao, nang minsang maiwan ko sa traysikel niya ang pitaka ko’y agad niyang isinauli sa akin. Mapagkakatiwalaan ‘yang si Monching kaya hindi totoo ang ibinibintang niyo sa kanya,” wika pa ni Aling Rosa.
“Parang tunay na apo na ang turing namin kay Monching at sa mga kapatid niya. Magagalang at mabubuting bata ang mga ‘yan kaya imposible ang inirereklamo niyo,” saad pa ni Mang Canor.
Gustong maluha ni Monching sa pagtatanggol sa kanya ng mga kapitbahay niya ngunit may bigla siyang naalala. Ang lalaking naging pasahero niya kahapon na nagbigay ng malaking tip sa kanya. Napansin niya na nagmamadali itong bumaba ng traysikel niya matapos na ibigay sa kanya ang bayad. Malakas ang kutob niya na may kinalaman ang lalaking iyon sa reklamo ng ale kaya agad nilang pinuntahan ang lugar kung saan niya ito inihatid at natunton nga nila ang bahay nito. Napag-alaman nila nila na ang lalaking iyon ang tunay na kumuha ng naiwang bag ng ale sa traysikel niya. Kaya pala malaki ang ibinayad nito sa kanya dahil malaking halaga at mga alahas pala ang nakuha nito. Agad na dinampot at nakulong ang lalaki at humingi naman ng paumanhin ang babae kay Monching.
“Naku, pasensiya ka na, boy kung ikaw ang napagbintangan ko. Patawarin mo sana ako kung nagduda ako sa iyo,” sabi ng ale sa nagsusumamong tono.
“Wala na po sa akin ‘yon. Ang mahalaga ay nahuli po ang totoong may sala,” sagot ng binata.
“Sa susunod ay huwag ka munang magbibintang kung wala kang tiyak na patunay,” sabad pa ni Aling Rosa.
Humingi rin ng paumanhin ang babae sa mga kapitbahay ni Monching.
Hindi agad naniwala ang mga kapitbahay sa inireklamo ng ale dahil may magandang reputasyon si Monching sa kanilang lugar. Kilalang mabait, matulungin, masipag at matapat si Monching at ang mga kapatid niya kaya ipinagtanggol siya ng mga ito. Mabuti na lamang at lumabas ang totoo at napanagot ang tunay na may kasalanan. Hindi kasi kilala ng ale ang pagkatao ng binata dahil dayo lang ito sa lugar na iyon. Nagmula ang babae sa probinsya na pinuntahan ang mga kamag-anak nito roon. Sobrang napahiya ang ale sa ginawa niya kaya bilang pambawi ay inalok niya ng ekstrang trabaho na may malaking sahod si Monching. Kinuha niya ang serbisyo ng binata para maghatid at sundo sa mga pamangkin na pumapasok sa eskwela. Dagdag kita iyon kay Monching para sa kanilang magkakapatid. ‘Di nagtagal ay nakaipon si Monching sa ekstra niyang trabaho at binalikan ang kaniyang pag-aaral upang balang araw ay mas maging maganda pa ang buhay nila.