Palaging Binubulyawan ng Ate ang Kaniyang Nakababatang Kapatid; Isang Trahedya ang Magiging Daan upang Matanto Niya kung Gaano ito Kahalaga
“Cara!”
Gulat na napalingon sa gawi ng kaniyang ate ang limang taong gulang na batang si Cara, nang marinig niyang tinawag nito ang pangalan niya sa galit na tono. Hindi pa man nito sinasabi ang dahilan ay alam na ng bata ang dahilan kung bakit ito nagagalit sa kaniya.
“Ilang beses ko bang sasabihin sa ’yo na huwag na huwag mong isusuot ang mga damit ko, ha, Cara?! Napakatigas talaga ng ulo mo!” nanggagalaiti pang ulit ng kinse anyos na dalagitang si Carmina.
Nang mamataan niya kung saan nagtatago ang kaniyang kapatid ay agad niyang tinakbo ang kinaroroonan nito… ngunit lalong nag-init ang kaniyang ulo nang makitang tumakbo ito patungo sa direksyon ng kanilang mama at papa. Nagtago rin ito sa likod ng kanilang mga magulang.
“O, Carmina, inaaway mo na naman ang kapatid mo,” kunot-noong saway ng kanilang ama’t ina kay Carmina.
“E, pinakialaman na naman po kasi n’yan ni Cara ang mga damit ko! Hayun at gulo-gulo na naman ang drawer!” nagpapapadyak pang katuwiran niya kaya agad namang bumaling ang mga magulang nila sa kapatid.
“Totoo ba ’yon, Cara?” Tinanguan ni Cara ang tanong ng kaniyang ama.
“Gusto ko lang naman pong gayahin si ate, e. ’Di ba po, papa, sabi ko sa ’yo, idol ko si ate?” paliwanag pa ng nakababatang kapatid niya.
“Narinig mo, Carmina? Kaya lang naman niya nagawa ’yon ay dahil iniidolo ka niya. Bakit ba hindi ka marunong magpasensya sa kapatid mo? Paano na lang kapag wala na kami ng papa mo?” Sa kaniya na naman ang bagsak ng sermon ng kanilang mama.
Matapos mapagsabihan ay bagsak ang mga balikat na pumasok si Carmina sa kaniyang kwarto. Hindi niya mapigilan ang masaganang pagtulo ng kaniyang mga luha dahil sa sobrang inis na nadarama niya sa kaniyang kapatid.
“Napakagaling talagang magpaawa ng batang ’yon! Bakit ba hindi pa kasi mawala sa buhay ko ang asungot na ’yon?!” galit pang sabi niya bago isinubsob ang kaniyang mukha sa kama.
Hindi namalayan ni Carmina na nakatulugan na pala niya ang pag-iyak. Nagising na lamang siya nang makarinig ng mga sigawan sa labas ng kaniyang kwarto.
“Mama, ano po ang nangyayari?” pupungas-pungas pa sa matang tanong ni Carmina sa ina nang mapagpasyahan niyang lumabas upang malaman niya kung ano ang sanhi ng komosyon.
Agad naman siyang hinarap ng kaniyang ina. “Anak, ang kapatid mo, nahulog sa hagdan! Halika na at dadalhin natin siya sa ospital!” umiiyak na sagot nito na bakas ang matinding pag-aalala sa mukha.
“Po?!” Nanlaki ang mga mata ni Carmina. Nasapo niya ang kaniyang sariling bibig! Bigla niyang naalala ang mga katagang nasambit niya kanina, at sa tuwing maiinis siya sa kapatid…
“Bakit ba kasi hindi pa mawala sa buhay ko ang asungot na ’yon?!” naaalala niyang aniya kanina. Biglang natakot si Carmina. Napadasal siya. Hindi naman talaga niya gustong mangyari ang bagay na ’yon! Naiinis lamang siya kaya ganoon ang nasabi niya!
Mabuti na lang at nadala nila agad sa ospital ang kaniyang kapatid. Agad itong nalapatan ng lunas. Ngunit ganoon pa man, ayon sa doktor ay kritikal pa rin daw ang lagay ni Cara. Malaki raw kasi ang naging pinsala ng pagkabagok sa ulo niya.
Umuwi si Carmina sa kanilang tahanan upang maligo at magpalit ng damit. Nang papasok na siya sa kaniyang kwarto, nakita niya ang huling damit na pinakialaman ni Cara kaya siya nagalit. Naroon iyon sa sahig at maayos na nakatupi… pagkatapos, sa ibabaw n’on ay may piraso ng papel na may nakasulat na katagang, “Sorry po, ate ko…”
Doon bumuhos ang iyak ni Carmina. Biglang nanumbalik sa kaniyang mga alaala ang mga panahong palagi niyang binubulyawan ang kapatid. Ganoon din ang mga panahong sinusubukan siyang lambingin ni Cara. Miss na miss na niya ito. Nahiling niya na sana ay hindi na lang niya sinabi ang mga bagay na ’yon. Sana ay hindi na lang niya inaway si Cara. Sinisisi ni Carmina ang sarili dahil sa nangyari.
Nasa ganoong tagpo si Carmina nang biglang mag-ring ang kaniyang cellphone. Nang tingnan niya ang screen ay napag-alaman niyang ang ina pala niya ang tumatawag.
“Hello po, ’Ma?” Pinilit niyang gawing normal ang pagsasalita.
“Hello, anak? Nasa bahay ka na ba? Bilisan mo nang bumalik dito. Gising na ang kapatid mo at hinahanap ka niya!” masigla nang sabi ng kaniyang ina kaya naman mabilis ding nagliwanag ang mukha ni Carmina.
Nagmadali siyang maligo at magbihis. Gusto na niyang makitang muli ang kapatid. Ipinangako ni Carmina sa sarili na hindi na niya muling aawayin o bubulyawan pa ang kapatid. Mas ipadarama na niya rito na mahal niya ito. Napagtanto niyang siya ang panganay kaya dapat ay siya ang unang magpasensya kay Cara. Napagtanto niya rin kung gaano niya ito kamahal at kung gaano ito kahalaga sa kaniya.