Inday TrendingInday Trending
Ikinagalit ng Babae ang Balitang Magkakaanak na rin ang Kaniyang Hipag; Mababawasan na raw Kasi ang Atensyon ng mga Biyenan sa Kaniyang Anak

Ikinagalit ng Babae ang Balitang Magkakaanak na rin ang Kaniyang Hipag; Mababawasan na raw Kasi ang Atensyon ng mga Biyenan sa Kaniyang Anak

Napakunot ang noo ni Belinda nang buksan niya ang kaniyang selpon. Paano ay tumambad kasi sa kaniya ang isang litratong ipinadala ng kaniyang hipag sa group chat nilang magpapamilya. Ang litrato kasing iyon ay kuha ng positibong resulta sa pregnancy test ng hipag niyang si Kendy, ang kakambal ng kaniyang mister na si Kenny.

Habang ang mga kasali sa naturang group chat ay ikino-congratulate ang kaniyang hipag at masayang-masaya para dito, si Belinda naman ay nagpupuyos sa inis. Hindi niya nagugustuhan ang isiping may kakompitensya na ang kaniyang anak sa oras at atensyon ng kaniyang mga biyenan, lalong-lalo na sa pera ng mga ito!

Mayaman kasi ang pamilya nina Kenny at Kendy. May lahing Intsik kasi ang kaniyang biyenang lalaki kaya naman magaling ito pagdating sa negosyo. Bukod doon, malaki ang pagpapahalaga ng mga kalalakihan ng kanilang pamilya. E, nagkataong babae ang anak ni Belinda.

Nangangamba siya na baka kapag naging lalaki ang magiging anak ni Kendi ay baka mas malaki ang makuhang mana ng mga ito kaysa sa pamilya nila ng asawang si Kenny, at talagang naiirita si Belinda sa isiping iyon.

“Kaya ko nga pinakasalan si Kenny ay dahil sa pera ng pamilya nila, ’tapos ngayon, makakalamang pa rin sa akin sina Kendi!” naiinis pang aniya sa sarili.

Ang totoo ay pera lang naman kasi ng pamilya nina Kenny ang habol ni Belinda sa kanila. Simula nang makuha siya ni Kenny sa pinagtatrabahuhan niya noong bar, ipinangako ni Belinda na gagawin niya ang lahat upang hindi na siya bumalik sa burak na kaniyang pinanggalingan. Pinakasalan niya ang kaniyang mister kahit wala siyang pagmamahal para dito, para lang sa pera, pagkatapos ngayon ay mapupurnada pa!

Magdamag na nag-isip si Belinda ng plano kung papaanong hindi matutuloy ang pagbubuntis ni Kendi sa anak nito. Masama man ang kaniyang iniisip na gawin ay wala siyang pakialam.

Sinadya ni Belinda sa bahay nito si Kendi upang kunwari ay personal niya itong kumustahin. Lingid sa kaalaman nito ay hindi naman iyon ang totoong pakay niya!

“Alam mo, Kendi, huwag ka nang magkikilos diyan. Ako na ang bahalang magtimpla ng juice para sa ating dalawa,” kunwari ay pag-aasikaso niya sa kaniyang hipag, ngunit ang totoo ay plano lamang naman niyang lagyan ng gamot na pampahilab ang inumin nito.

Palihim na ngingisi-ngisi si Belinda nang makita niyang naubos na ni Kendi ang kaniyang itinimplang inumin. Upang hindi mahalata ay inubos niya na rin ang kaniyang sariling inumin.

Ngunit laking pagtataka ni Belinda kung bakit tila walang epekto ang ipinainom niya kay Kendi. Nakauwi na siya’t lahat ay hindi pa rin ito dinudugo! Maya-maya pa, bigla siyang nakaramdam ng unti-unting paghilab ng kaniyang tiyan. Bukod doon ay nakarinig din siya ng tila pagputok sa loob ng kaniyang tiyan, at agad na iyong sinundan ng tuloy-tuloy na pag-agos ng dugo na namaybay sa kaniyang binti.

Mabuti na lang at agad na natawag ni Belinda ang kanilang kasambahay at mabilis itong nakahingi ng tulong upang madala siya sa ospital. Nalayo si Belinda sa tiyak na kapahamakan… ngunit ang dalawang linggong sanggol na ipinagbubuntis niya na pala ay hindi nakaligtas.

“Bakit mo binawi ang buhay ng anak natin, Belinda?” Nagulat si Belinda sa naging tanong sa kaniya ni Kenny pagkarating pa lamang nito sa ospital. “Huwag mo nang itanggi pa, dahil nakita mismo sa lab results na ang sanhi kung bakit nawala ang ipinagbubuntis mo ay dahil ininuman mo ito ng gamot!” galit na galit pang sabi ni Kenny sa kaniya at doon ay tila natauhan si Belinda!

Siya ang nakainom ng juice na may halong gamot na para dapat kay Kendi! Siguro ay nagkapalit ang mga inumin nila noong ihain niya sa harap nito ang juice at meryenda kaya sa kaniya iyon napunta! Napahagulhol na lamang si Belinda dahil sa agarang paniningil sa kaniya ng karma bago man niya tuluyang maisakatuparan ang masamang plano sa hipag niyang si Kendi at sa ipinagbubuntis nito.

Matapos mapatunayan ni Kenny na totoo ngang uminom siya ng pampahilab ay nagdesisyon ito kaagad na hiwalayan siya. Bukod doon ay napunta rin dito ang kustodiya ng kanilang anak at sinigurado nitong wala siyang makukuhang ni singko mula sa pera ng pamilya nito. Iyon ang kabayaran sa kasamaang nagawa ni Belinda, na sa kaniya rin naman bumalik.

Advertisement