Nagalit ang Anak sa Inang OFW na Paulit-ulit na Bumabali sa Pangako Niya; Sa Pag-uwi nito ay Gugulatin Ito ng Dalaga sa Kakaibang Ugali Niya
Masayang gumising ang batang si Andrea dahil ngayong araw na ang kaniyang 7th birthday. Sabik siya dahil ayon sa kaniyang ina na isang OFW, ay ngayong araw din ang uwi nito.
Lumipas ang isang buong araw, ngunit walang ‘mommy’ na umuwi sa kanilang tahanan. Dahil doon ay labis na nagdamdam ang batang si Andrea sa ina.
Hindi kasi pinayagan ng kaniyang amo si Arlene, ang ina nina Andrea at ng kuya nitong si Andrew, na umuwi ngayon sa ‘Pinas. Marami raw kasing trabaho ang kailangan nitong tapusin sa opisina.
Minabuti na lamang ni Arlene na tawagan ang kaniyang panganay na si Andrew upang makabati man lamang kay Andrea kahit sa video call.
“Kumusta kayo riyan, ’Nak?”tanong ni Arlene sa kabilang linya.
“Okay naman po, ’Nay. Kaya lang… si Andrea, kanina pa iyak nang iyak. Nagtatampo, dahil hindi na naman daw kayo tumupad sa usapan.” Napapakamot sa ulo si Andrew habang ikinukuwento iyon sa kaniyang ina.
“Pagpasensyahan mo na ʼyang kapatid niyo, intindihin mo na lang. Ako na ang kakausap.”
Inaabot naman ni Andrew ang cellphone kay Andrea na ngayon ay hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak.
“Happy birthday, Anak! Huwag ka nang umiyak, ha? Babawi na lang si mama sa susunod,” pang-aalo ni Arlene sa bata.
“Mama, sabi mo po kasi uuwi ka. Ang tagal ko pong naghintay, ’tapos, hindi ka po pala uuwi,” ngunit katuwiran pa rin ni Andrea na muli na namang pumalahaw.
“Sorry na, anak. May regalo naman akong ipadadala sa ’yo. Uuwi na ako ʼpag lagi kang honor sa school.“
“Talaga po?” Noon lamang tumahan si Andrea. “Sige po! Gagalingan ko po sa school para umuwi ka na!” ngayon ay masigla nang sabi nito.
Habang lumilipas ang taon ay ang umaangat din ang posisyon ni Arlene pinagtatrabahuhang kumpanya kaya naman lalo siyang nahirapang umuwi ng ‘Pinas dahil sa dami ng kaniyang trabaho. Dahil doon ay makailang ulit niyang nabali ang mga pangako niya sa kaniyang bunso.
Ngayong araw ang graduation ni Andrea ay inaasahan niyang, sa wakas, ay uuwi na ang kanilang ina. Consistent honor student kasi siya simula grade 1 hanggang ngayong grade 6 student na siya.
Ngunit muli, katulad ng mga naunang pangako ni Arlene ay hindi na naman ito natupad.
Sobrang sama ng loob ni Andrea sa ina, at nadagdagan pa iyon nang malaman niyang may bago na pala itong nobyo sa ibang bansa! Iyon pala ang dahilan kung bakit hindi na ito umuuwi sa kanila!
Dalawang taon pa ang lumipas. Sa wakas ay nagpasya na ring umuwi si Arlene upang ipakilala sa kaniyang mga anak ang bago niyang nobyo. Susorpresahin sana niya ang mga ito, ngunit ang sumalubonh sa kaniya ay si Andrea, habang nakahandusay ito sa sahig. Gumugulong ito sa sariling suka dahil sa kalasingan!
“Andrea, gumising ka riyan!” galit na ani Arlene sa anak. “Nasaan ba ang kuya mo?”
“Mama?” tila bahagyang nagulat si Arlene nang makilala siya, ngunit maya-maya ay mapakla ring natawa ang dalaga. “Aba, himala! Bakit umuwi ka pa?” dagdag pa nito na puno ng sarkasmo.
Nag-init ang ulo ni Arlene sa narinig na sinabi ng anak. Dahil doon ay nasampal niya ito na agad naman nitong ikinagulat!
“Kailan ka pa natutong uminom, ha, Andrea?! At nasaan ang kuya mo? Bakit pinababayaan ka niya?” tanong pa ni Arlene sa dalaga.
“Hindi ho si kuya ang nagpabaya sa akin, ’Ma, kundi kayo! Bakit ba umuwi ka pa? Sana, doon ka na lang tumira kasama ang lalaki mo, habambuhay! Okay na kami ni Kuya Andrew dito!”
Matapos ang pagtatalong iyon ay naglayas si Andrea sa kanila. Nagpunta siya sa bahay ng kabarkada niyang si Joseph, na siyang nagturo sa kaniya kung papaano uminom at manigarilyo.
Samantala, hindi naman akalain ni Arlene na ganoon na kalaki ang ipinagbago ng kaniyang anak dahil sa naging kapabayaan niya. Hindi man niya aminin sa sarili ay alam niyang siya ang dahilan kung bakit lumayo na nang tuluyan ang loob nito sa kaniya.
Buong araw na nawala si Andrea. Halos hindi na magkandaugaga ang kaniyang ina at kapatid kung saan siya hahanapin.
Alalang-alala si Arlene sa anak. Sinisisi niya ang sarili sa nangyari. Ito ang naging bunga dahil inuna niya ang sariling kaligayahan bago ang kaniyang mga anak. Halos hindi na siya kumain mahanap lang ang kaniyang bunso.
Samantala, nakita ni Andrea ang lahat ng ginawa ng kaniyang ina para lang mahanap siya. Naroon lamang naman kasi siya sa ’di kalayuan. Agad na naantig ang puso niyang sabik na sabik na rito kaya mabilis ay nahanap niya ang kapatawaran sa puso.
Sa wakas ay napagpasyahan nang umuwi ng dalaga, at sa muling pagkikita ng mag-ina ay mahigpit na yakap ang isinalubong nila sa isa’t isa.
Pinatawad ni Andrea ang ina, habang si Arlene naman ay nangakong hindi na muling aalis pa sa tabi ng mga anak. Mabuti na lamang at kalaunan ay natanggap din nila ang bagong lalaking minamahal niya kaya naman nagsama sila sa iisang bubong na animo isang buo at tunay na masayang pamilya.