Inday TrendingInday Trending
Iminungkahi ng Kaibigang Pari na Magsayaw sa Obando ang Mag-asawang Hindi Magkaanak; Mapatunayan Kaya Nilang Totoo ang Himala?

Iminungkahi ng Kaibigang Pari na Magsayaw sa Obando ang Mag-asawang Hindi Magkaanak; Mapatunayan Kaya Nilang Totoo ang Himala?

“Gawin na natin ang sinabi ni Padre Joselito na magsayaw tayo sa Obando. Baka-sakaling magka-baby na tayo.”

Masuyong hinalikan ni Jonas ang kaniyang misis na si Pamela. Tatlong taon na silang kasal subalit hanggang ngayon ay wala pa silang mga supling. Malusog naman daw at walang problema ang dalawa. Baka hindi pa raw panahon talaga.

“Sigurado ka ba sa sinasabi mo? Naniniwala ka ba sa sinabi ni Padre Joselito na magsayaw tayo sa Obando, Bulacan?” may pag-aalinlangang saad ni Pamela.

“Hindi naman masamang maniwala sa mga himala. Okay lang naman siguro. Wala namang mawawala kung susubukin natin, ‘di ba?”

Tumugon naman si Pamela, “Sige ikaw ang bahala. Basta kapag handa na raw tayo, magpunta raw ako kay Padre Joselito mag-isa para ipagdasal niya ang aking obaryo, bago raw tayo magpunta roon at magsayaw sa kapistahan.”

“Sana nga magka-anak na tayo para mas sumaya pa ang ating pamilya,” saad naman ni Jonas. Tumayo silang dalawa, naghawak-kamay, at tila nag-ensayo na sila ng kanilang pagsasayaw.

At sumapit na nga ang kapistahan ng Obando, Bulacan sa pagpasok ng buwan ng Mayo. Karamihan sa mga nagsasayaw roon ay mga mag-asawang humihiling mula sa mga pintakasing santo, na sana ay mabiyayaan ang sinapupunan ng kanilang mga misis ng espiritu ng buhay.

Ito ang hiwaga at misteryo ng Obando, Bulacan. Ginaganap ang kapistahan kasama ang pagsasayaw sa sunud-sunod na tatlong araw, tuwing ika-17 ng Mayo para kay San Pascual Baylon, ika-18 ng Mayo para kay Santa Clara ng Asissi, at ika-19 ng Mayo para sa Mahal na Birhen ng Salambao.

Makalipas ang ilang buwan ay mukhang nagbunga na nga ang himala. Matapos ang pregnancy test at mga kakaibang nararamdaman ni Pamela sa kaniyang sarili ay positibong buntis na nga siya. Hindi naman mailarawan ni Jonas ang labis na kasiyahan.

“Araw-araw na akong magsisimba sa misa ni Padre Joselito, kahit hindi Linggo. Isa itong biyaya mula sa langit. Tunay ngang may himala!” galak na galak na sabi ni Jonas.

Subalit simula nang malaman ni Pamela na nagdadalantao na siya, tila kabaligtaran naman ang nangyari sa kaniya. Kung gaano kasaya at kasabik si Jonas ay naging malulungkutin naman ito. May mga pagkakataong hindi na ito kumakain. Naisip na lamang ni Jonas na marahil ay ganoon talaga ang mekanismo ng katawan ni Pamela. Ganoon daw ang ilang mga babae kapag nagbubuntis, lalo na sa unang kuwarter. Mararanasan daw ang paglilihi.

Kahit madaling-araw, gumigising si Jonas upang bilhin ang mga pagkaing nais kainin ni Pamela, tulad ng manggang kalabaw o kaya naman ay singkamas.

Ngunit lumipas ang unang kuwarter ng pagbubuntis ni Pamela na ganoon pa rin siya. Naging bugnutin, magagalitin, iritable, at kung minsan pa ay nagkukulong lamang sa loob ng kuwarto. Mabuti na lamang at malawak ang pang-unawa ni Jonas kaya hindi na lamang niya iniinda ang mga ganitong kakatwang pag-uugali ni Pamela.

Hanggang sa dumating na nga ang araw ng pagsilang ni Pamela. Isang malusog na lalaki. Subalit kapansin-pansin na malayo ang hitsura nito kay Jonas. Hindi rin matiyak kung kamukha ito ni Pamela.

“Ganyan talaga. Sa paglaki niya, saka lang ninyo malalaman kung sino ang talagang kamukha ng bata,” payo naman ng doktor nila.

Naging masigasig naman si Jonas sa pag-aalaga sa kanilang anak pati na sa kaniyang misis, na tila ba lalong dumaraan sa kakatwang mga gawi. Dumarating sa punto na kahit umiiyak na ang kanilang sanggol, hindi nito binubuhat man lamang upang patahanin.

“Baka dumaranas ng post-partum ang misis mo. Ikaw na ang bahalang magpasensya,” saad sa kaniya ng doktora nang minsang kumonsulta siya rito.

Masasabing mahal na mahal ni Jonas ang anak nila ni Pamela na pinangalanan na niyang Jonas Edward, sunod sa kaniyang pangalan. Kahit na puyat siya sa kaniyang pagtatrabaho, siya pa rin ang nag-aalaga rito.

Hanggang sa isang araw, nagulat na lamang siya dahil bigla na lamang naglayas si Pamela. Wala siyang kaide-ideya kung saan ito nagpunta. Naka-deactivate ang mga social media accounts nito. Nagpalit din ng numero ng cellphone. Hindi rin ito nagpunta sa mga kamag-anak nito.

Hanggang sa makita niya ang iniwan nitong liham na nakadikit sa kanilang refrigerator. Binasa niya ang laman nito. Ipinaliwanag nito ang dahilan kung bakit siya naglayas. May pinagtapat ito na hindi niya sukat akalain. Nilamukos niya ang liham. Ikinuyom ang kamao.

“Padre Joselito…”

Hindi na nakapagsalita pa ang pari nang undayan siya ng suntok ni Jonas. Nagulantang naman ang mga taong simbahan gayundin ang mga dumalo ng misa sa kaniyang ginawa. Walang nakahuma sa kanila. Lahat ay nabigla. Lunes iyon ng hapon, at kadalasan ay may misa sa parokya sa gayong oras.

“H-Hayop ka. Anong ginawa mo sa asawa ko?! Isa ka pa namang alagad ng simbahan! Hindi ka na nahiya! Ikaw ang tunay na ama ng ipinagbuntis ni Pamela. Sinamantala mo ang kahinaan ng asawa ko! Alam ko na ang totoo ngayon!” galit na galit na pamamahiya ni Jonas sa pari.

Kinabukasan, agad na kumalat sa buong bayan ang ginawa ni Jonas kay Padre Joselito. Sa labis na kahihiyan, nag-alsa balutan kaagad ang pari at hindi na nila malaman kung saan ito nagpunta. Lumabas ang mga babaeng nagpatotoo na ‘makati’ nga ang naturang pari, at sila pala ay pinagsabay-sabay na maging kasintahan.

Samantala, hindi na rin nagpakita si Pamela. Mag-isa na lamang binuhay ni Jonas ang kanilang anak at itinuring itong parang tunay na dugo at laman. Habang lumalaki ito, lumalabas ang pagiging kamukha nito ng tunay na ama; walang iba kundi si Padre Joselito.

Makalipas ang isang taon, muling bumalik si Pamela sa piling ni Jonas at buong puso naman niya itong tinanggap. Kinalimutan nila ang bangungot ng kahapon at nagsimulang mamuhay nang masaya. Unti-unti ay tinanggap na rin ni Pamela ang kaniyang naging kapalaran.

Advertisement