
Nangangamba Siya na Baka Maapi ang Payat at Tahimik Niyang Anak; Nataranta Siya nang Makitang Pinalilibutan Ito ng Malulusog na Estudyante
Walang palya ang takot at pag-aalalang nararamdaman ng ginang na si Liza tuwing papasok sa eskwela ang walong taong gulang niyang anak. Ito ay dahil sa pagkatao ng kaniyang anak. Bukod kasi sa sobrang subsob ito sa pag-aaral, tahimik din ito at may kapayatan.
Bilang isang ina, pakiramdam niya’y hindi siya naging isang mabuting ina rito. Ni hindi niya ito naririnig na umungot o manghingi ng isang bagay katulad ng ibang mga bata, hindi rin ito nagpapaalam sa kaniya na maglaro sa labas pagkagaling sa eskwela, at hindi rin ito nagkukwento sa kaniya ng mga bagay-bagay na ginagawa nito sa eskwela.
Madalas, nagkukwento lang ito sa kaniya tuwing siya’y magtatanong na o kapag kinukulit niya itong magsalita. Pero kung hindi niya iyon gagawin, buong araw lang itong tatahimik sa isang sulok ng kanilang bahay habang nagbabasa ng mga librong minana pa niya sa kaniyang mga magulang.
Ito ang dahilan para hindi niya maalis sa isip na baka may mga nang-aapi na mga estudyante sa kaniyang anak sa paaralan at dahil sa takot niyang ito, araw-araw niya na tuloy itong hinahatid sundo para masigurong hindi ito nasasaktan ng ibang mga estudyante roon.
Dito niya napagtantong hindi niya pala talaga ito kayang alagaan mag-isa katulad ng pinamukha niya sa dati niyang asawa na hiniwalayan niya dahil sa pananakit nito sa kaniya.
“Kung alam ko lang na magkakaganito ang anak ko, sana nagtiis na lang ako. Kawawa naman siya, baka nabubully na siya sa paaralan dahil mukha siyang mahina. Wala siyang laban sa mga pilyo at malulusog na bata!” iyak niya sa kaniyang kumare nang makasabay niya ito sa jeep papunta sa paaralan ng kaniyang anak.
“Kahit kailan talaga, ang hina ng utak mo! Hindi mo ba naisip na mas mahihirapan ang anak mo kung patuloy niyang makakasama ang asawa mong nanakit at masama ang tabas ng dila? Mas ayos nang gan’yan siyang klaseng bata kaysa naman mamana niya pa sa tatay niya ang masamang pag-uugali!” sigaw nito sa kaniya habang pisil-pisil ang kamay niya. Inabutan din siya nito ng panyong pamunas ng kaniyang luha saka agad na rin pinara ang jeep na kanilang sinasakyan. “Ayusin mo ang itsura mo! Baka makita ka ng anak mo, magtataka ‘yon kung bakit maga ang mata mo!” payo niyo na kaniya namang sinunod.
Habang naglalakad silang magkumare papasok ng paaralan, agad niyang nakita ang isang grupo ng mga malulusog na bata. Nakapalibot ang mga ito sa isang batang nakaluhod dahilan para agad na siyang kabahan at nang maaninag niyang anak niya ang batang nakaluhod, siya’y agad na napahangos upang ipagtanggol ito.
“Kayong mga bata kayo! Hindi porque…” sigaw niya ngunit siya’y biglang napatigil nang makita niya ang ngiti sa labi ng kaniyang anak habang masinsin na inaayos ang sapatos ng batang nasa harapan nito.
“O, mama, saglit lang po, ha, itatali ko lang po ang sintas nitong kaibigan ko. Hirap po kasi siyang yumuko, eh,” sambit nito na labis niyang ikinakamot ng ulo.
Maya maya pa, agad na ring nagpaalam sa kaniya ang mga malulusog na bata saka siya nilapitan ng kaniyang anak.
“Bakit mo ‘yon ginagawa, anak?” tanong niya rito.
“Nahihirapan po ang kaibigan ko, eh, kaya dapat ko po siyang tulungan,” nakangiti nitong sagot.
“May kaibigan ka pala?” sabi niya pa.
“S’yempre naman po!” masigla nitong sagot. “Paano nagkaroon ng kaibigan ang isang tahimik na batang katulad mo?” pang-uusisa niya pa.
“Sa bahay lang naman po ako tahimik, mama, kasi pinag-aaralan ko po ang isang aralin na hindi pa tinuturo ng guro ko. Ginagawa ko po ‘yon para maturuan ko ang mga kaibigan kong hirap unawain ang guro namin at para na rin po mahasa ang utak ko at maging isang abogado. Kapag nangyari po ‘yon, ipapakulong ko ‘yong tatay kong nanakit sa’yo,” kwento nito na talagang nagpata sa puso niya dahilan para mahigpit niya itong mayakap habang umiiyak, “Tahan na, mama, ayokong-ayoko ko pong nakikita o kahit naririnig kang umiyak. Naaalala ko po ‘yong mga ginagawa sa’yo ni papa,” dagdag pa nito kaya siya’y napalitang tumahan at ngumiti sa harap nito.
Doon niya napatunayang naging isa pala siyang mabuting ina sa kaniyang anak at dahil nga alam na niyang may mga kaibigan nito, unti-unti na ring napanatag ang puso niya tuwing papasok ito sa eskwela.
Ngayong alam na niya ang tunay na dahilan sa likod ng asal na pinakita ng kaniyang anak, natutuhan niya itong pakisamahan at yayaing maglaro kung minsan na lalong nagpatibay sa kanilang samahan.